Nanindigan ang Doctors Without Borders na babawasan ang mga carbon emission upang maprotektahan ang kalusugan ng mga pinakamahina
Nagtayo ang Doctors Without Borders ng solar panel system sa General Hospital ng Kigulube sa Sud Kivu upang magkaroon ng kasarinlan ang istrukturang pangkalusugan para sa susunod na 20 taon. Democratic Republic of Congo, 2019. © Pablo Garrigos/MSF
Ang emergency sa klima ay banta sa kinabukasan ng ating planeta, at sa kalusugan at kapakanan ng mga tao sa buong mundo. Ang mga komunidad na tinutulungan namin ay nakararanas na ng mga epekto ng climate change (pagbabago sa klima), at alam namin na ang mga krisis sa kalusugan at sa kalagayan ng mga tao ay lalala pa—dadami ang maapektuhan at titindi ang epekto nito – habang bumibilis ang paglaki ng krisis sa klima. Kailangan ang maagap na pagkilos upang maiwasan ang pagdurusa ng mga mamamayan at makatugon nang maayos sa mga pangyayari.
Ang aming paninindigan
Bilang pagkilala sa aming kontribusyon sa pandaigdigang problema ng carbon emissions at ng pagkasira ng kapaligiran, naninindigan kami na pagdating ng 2030, mababawasan ang aming emissions nang hindi bababa sa 50% kung ikukumpara sa antas noong 2019. Sa pamamagitan nito, sisikapin naming makamit ang decarbonisation, alinsunod sa mga layunin ng Paris Agreement ukol sa klima na limitahan ang global warming sa mas mababa sa two degrees. Ang pandaigdigang Doctors Without Borders movement ay nakikiisa sa pag-abot ng tila ambisyosong target na ito, at kami’y mag-uulat ukol sa mga matagumpay na hakbang patungo rito.
“Tumitindi ang pinsala sa kalusugan ng mga tao dahil sa mga negatibong epekto ng emergency sa klima," pahayag ni Dr Christos Christou, Doctors Without Borders International President. “Hindi sapat na tumugon lamang sa mga problema sa kalusugan kapag ito’y nangyayari na. Kailangan nating pigilan ito bago pa man ito magsimula. Ang pagpapaliban ng pagkilos ay isang paglabag sa ating mga medikal at etikal na obligasyon sa mga pasyente at mga komunidad.”
Ang mga pagtatasa upang matukoy ang 2019 carbon footprint ng Doctors Without Borders ay kasalukuyan pang ginagawa, ngunit nakatitiyak kami na ang aming organisasyon ay patuloy na gagawa ng mga angkop na pagbabago at tutugon sa mga isyung may kaugnayan sa pagpapadala ng mga tao, supply, construction, energy at waste management.
Ang mga isla ng Dinagat pagkatapos ng pagragasa ng bagyong Rai (Odette) sa lugar na ito noong Disyembre 2021. Phillipines, 2021. © MSF/Chenery Lim
Ang krisis sa klima ay pinaka-iniinda ng mga taong nasa pinaka-nanganganib na sitwasyon
Sa maraming lugar kung saan nagtatrabaho ang Doctors Without Borders, ang ang aming mga medical humanitarian team ay tumutugon sa mga sitwasyon na kaugnay ng mga pagbabago sa kapaligiran. Kabilang rito ang umaakyat na bilang ng mga taong may nakahahawang sakit tulad ng malaria, dengue at cholera, bilang resulta ng pagbabago sa pag-ulan at temperatura. Dumarami rin ang mga kaso ng zoonotic diseases, o mga sakit na naipapasa ng mga hayop sa mga tao, dahil sa mga pinsala sa kapaligiran. Dumarami rin ang mga kakaibang pangyayari kaugnay ng panahon tulad ng cyclones, hurricanes, at tagtuyot na maaaring magdulot ng malnutrisyon. Sa maraming lugar na pinupuntahan namin, nakakakita kami ng mga taong maraming pangangailangang pangkalusugan dahil sa epidemya, food insecurity, at mga tunggalian at pagkawala ng tahanan, na lalo pang pinapalala ng climate emergency.
Ang mga pamilyang papunta sa lupain sa Bentiu. 835,000 na tao ang naapektuhan ng pagbaha. South Sudan, 2021. © Sean Sutton
Ang pangangailangan para sa agarang pagkilos
Batay sa Doctors Without Borders 2020 Environmental Pact, kinikilala namin ang pangangailangang gumawa ng mga tunay at kagyat na pagbabago upang mapigilan ang masamang epekto sa kalusugan ng pagbabago sa klima. Kaya naman kami’y naninindigan na malaki ang ibabawas namin sa aming emissions sa dekadang ito. Ito rin ang dahilan kaya kami napabilang sa 200 humanitarian organisations na pumirma sa Climate and Environment Charter for Humanitarian Organizations.
Bilang isang emergency medical organisation, ang prayoridad namin ay ang makapagbigay ng maagap na pagtulong sa mga taong nasa mga liblib na lugar, ngunit kailangan naming makahanap ng paraan na magawa ito nang hindi nakapipinsala sa kapaligiran. Sa Doctors Without Borders, sa humanitarian sector at sa buong lipunan, kailangan naming palitan ang paraan ng aming pagkilos. Hindi ito magiging madali, ngunit ito’y magiging higit na kinakailangan habang patuloy na nakalalala ng mga humanitarian emergency ang pagbabago sa klima.
Ang pag-decarbonise sa aming mga pamamaraan sa pagpapatupad at pagsuporta sa aming mga medical emergency project sa mahigit 70 bansa ay hindi madaling gawin. Ngunit kami ay determinadong umabot sa puntong iyon at naghahanap kami ng mga solusyon sa pamagitan ng pagtingin sa iba’t ibang anggulo ng sitwasyon. Kung gusto nating ang mga susunod na henerasyon ay hindi na magdusa at makaranas ng mga sakuna, kailangan tayong maging responsable. Ang krisis sa klima ay krisis sa kalusugan, at ang pagbawas ng emissions ay bahagi na ng aming makataong pagkilos.Dr Christos Christou, Int'l President