Skip to main content

    COVID-19 monopoly waiver: Nanawagan ang Doctors Without Borders sa lahat ng bansa na umayon na bago ang susunod na pag-uusap

    TRIPS waiver

    Banner ng Doctors Without Borders sa harap ng World Trade Organization (WTO) sa Geneva, nananawagan sa ilang mga gobyerno na itigil ang pagharang sa panukalang landmark waiver proposal sa intellectual property (IP) sa panahon ng pandemya. Ika-4 ng Marso, 2021. © Pierre-Yves Bernard/MSF

    Geneva, 21 Abril 2021 – Bago ang pagpupulong ng World Trade Organization (WTO) sa Huwebes upang pag-usapan ang isang mungkahing ipaubaya ang intellectual property ng piling medikal na kasangkapan habang may pandemya, pinuri ng Doctors Without Borders/Médecins Sans Frontières (MSF) ang pahayag kamakailan lang ng bagong WTO General Director na si Dr Ngozi Okonjo-Iweala, na nananawagan sa mga pamahalaan na paandarin na ang mga negosasyon ukol sa isang napakahalagang panukala, na unang ginawa ng India at South Africa noong nakaraang taon. Sa pagpapatuloy ng pagkalat ng COVID-19 sa iba’t ibang bahagi ng mundo, hinihimok ng Doctors Without Borders ang lahat ng pamahalaan na magkaisa at suportahan— o kahit wag lang handlangan— ang mahalagang panukalang ito.

    Binigyang-pansin din ng Doctors Without Borders ang isang pahayag nitong nakaraang linggo ng United States Trade Representative na si Katherine Tai, na nagdidiin na ‘Ang mga kapansin-pansing di magkakapantay na access sa bakuna ng developed at developing countries ay di katanggap-tanggap’ at na ang mga pagkakamaling nagresulta sa ‘di nararapat na kamatayan at paghihirap’ noong nagkaroon ng epidemya dahil sa HIV/AIDS ay di na dapat maulit. Habang di pa nalilinaw ng US kung nagbago na ang posisyon nito ukol sa TRIPS waiver proposal, kinilala ng pahayag ang posibleng pangangailangang gawing mas angkop ang mga patakaran ng WTO upang magtagumpay ngayong panahon ng krisis. Litaw na litaw ang pagkasalungat ng pahayag ng US sa pahayag ng European Commission na nagsasaad ng pagpabor sa mga kasalukuyang panuntunan sa kalakalan.

    “Ngayong panahon ng pandemya, nahaharap na naman tayo sa mga isyu ng kakulangan, na maaaring solusyonan ng mga pag-iiba sa manufacturing at supply capacity, at pagtiyak ng temporary waiver of relevant intellectual property,” sabi ni Dr. Maria Guevara, ang Doctors Without Borders International Medical Secretary. “Hinihimok namin ang mga bansang kumokontra rito, tulad ng US at EU na tumayo sa tamang panig ng kasaysayan, at makipaghawak-kamay sa mga sumusuporta. Sa kahuli-hulihan, ito’y tungkol sa pagsagip ng mga buhay, at di sa pagpoprotekta sa mga sistema.”

    Ang mahalagang ‘TRIPS waiver’ proposal ay unang isinulong ng India at South Africa noong Oktubre 2020, at ngayo’y pinaninindigan ng 59 sponsoring governments, at sinusuportahan ng 100 na bansa. Ngunit matapos ang anim na buwan, at kasunod ng dose-dosenang pahayag ng mga sumusuportang pamahalaan, na nagbibigay- diin sa kahalagahan na maipasa ito sa lalong madaling panahon, ang panukala ay hinahadlangan pa rin ng maliit na bilang ng mga pamahalaan. 

    Samantala, habang ang Brazil, India at iba pang mga bansa ay hinahamon ng malalaking bugso ng COVID-19, ang lumalaking bilang ng mga taong apektado at nangangailangan ng pangangalagang medikal ay naglalagay ng matinding panggigipit sa sistema ng pampublikong pangkalusugan at mga medical supplies na kasakuluyang ginagamit. Kritikal para sa kahit anong bansa na nakikibaka sa pandemya na maaari nilang makamit ang lahat ng COVID-19 medical tools sa kasalukuyan at sa hinaharap, sa sapat na bilang at sa tamang panahon. 

    May ilang gamot para sa COVID-19 na kasalukuyang dumadaan  sa clinical trials, at kung mapatunayan itong epektibo, ito’y maaaring maging isang kritikal na bahagi ng pagtugon sa pandemya, lalo’t pa’t mabagl at hindi pantay-pantay ang rollout mg bakuna at may mga lumilitaw na virus variants. Pero, kahit ngayong panahon ng pandemya, patuloy na kinokontrol ng mga korporasyong parmasyutiko ang mga intellectual property rights, at ayon sa pagsusuri ng Doctors Without Borders, nagsumite sila ng patent claims nitong nakaraang taon para sa ilang gamot na kasalukuyang binubuo upang maging panglunas sa COVID-19. 

    Ang waiver, kapag ginamit ay makapagbigay sa mga bansa ng mga bagong paraan ng pagharap sa mga legal na balakid na maaaring makaantala sa produksyon at supply ng COVID-19 medical products. Ito ay magagawa nang maaga, nang hindi naghihintay sa mga balakid na tumama pa at saka pa lang kikilos.

    “Natutunan namin ang mga mahihirap na aral ng nakaraan sa pagtingin sa bawat bansa at bawat produkto upang tanggalin ang mga IP barriers na nakasasagabal sa pagkamit ng  life saving treatments. Hindi ito sapat at walang nagbibigay na mabilis na solusyon para sa pandaigdigang pandemya,” sabi ni Dr Márcio da Fonseca, Infectious Disease Advisor para sa MSF Access Campaign. “Sa panahon kung kailan mahigit tatlong milyong buhay na ang nawala dahil sa COVID-19, inuudyok namin ang mga bansa na gawin ang lahat na posibleng hakbang, kasama na ang pagsuporta sa waiver, upang maproktehan ang lahat ng tao sa lahat ng lugar ngayong pandemya.” 

    Kamakailan lang, ang Doctors Without Borders ay nakiisa sa 200 na civil society organizations sa pagbigay ng isang open letter sa WTO Director General at sa mga miyembro nito. Sa sulat na ibinigay, inilagay nila ang mga limitasyon ng boluntaryong licensing at mga kasalukuyang panununtunan para sa kalakalan at binigyang diin nila ang kagyat na pangangailangan na maaprubahan ang pagpasa ng waiver proposal.

    “Panahon na para bigyan ng mapagpipilian ang pamahalaan kung anong panukala ang makapagbibigay sa kanila ng pinakamabuting pagkakataon para harapin ang pandemyang ito at protektahan ang kanilang mga mamamayan,” sabi ni Guevara.