Buhay sa isang open-air na kulungan: Sa ilalim ng mga bomba sa Idlib
© Hélène Aldeguer
Abu Fadel, Hassan at Iman… silang tatlo ay nakatira sa Idlib Governorate sa hilagang kanluran Syria. Kabilang sila sa 2.7 milyong Syrians na ilang beses nang nawalan ng tirahan. Silang tatlo ay napunta sa Idlib. Ito ang huling kuta ng mga rebelde na binomba ng mga sumalakay na eroplano ng hukbong Syrian at ng kanilang mga kakampi. Ngayon, ito’y naging tahanan ng mga dinurog ng siyam na taon ng digmaan, at naiwang naghihikahos at walang pag-asa para sa kinabukasan. Habang nakasandal sa Turkish border, inilahad nina Abu Fadel, Hassan at Iman ang mga kuwentong-buhay nilang di nagkakalayo – ang tila walang katapusang paghihintay, ang takot at sindak na dala ng digmaan sa isang open-air na kulungan.
Sa kalagitnaan ng Hunyo, sumalakay uli ang mga eroplano sa Idlib Governorate. Ang pinuntirya naman nila ngayon ay ang sonang nasa kanluran ng Maarat-al-Numan. Karamihan ng mga taong nakatira sa mga lugar dito sa Governorate ay naghihikahos, at marami sa kanila ang lumipat mula sa mga bayan papunta sa mga kampo sa Dana, Sarmada at Atmeh kung saan tumutulong ang Doctors Without Borders/Mèdecins Sans Frontiéres (MSF).
Ikinuwento ng mga nawalan ng tahanan ang kanilang buhay sa lugar kung saan talamak ang korupsyon, krimen, at karahasan – isang lugar na, sa pagdaan ng mga buwan ay paliit nang paliit dahil sa walang humpay na pananalakay ng hukbong Syria.
"Walang ligtas na lugar"
Noong 2013, sinalakay ng pamahalaan ng Syria ang Eastern Ghouta, isang kuta ng mga rebelde sa silangan ng Damascus. Noong tag-araw ng taong din iyon, nagkaroon ng pinaghihinalaang mga chemical weapon attacks sa lugar. Sa 2017, apat na taon mula nang ito’y nilusob, ang Eastern Ghouta ay itinuring na de-escalation zone kung saan dapat matigil na ang labanan. Ngunit patuloy pa rin ang pananalakay ng mga eroplano. Dating nakatira roon si Iman Oum Ziad at ang kanyang walong anak. Ngunit tulad ng maraming Syrian sa Eastern Ghouta, mas ginusto niyang lumikas sa Idlib governorate, kaysa manatili sa isang lugar na kontrolado ng gobyerno. “Namatay ang hipag ko sa chemical attacks noong 2013,” she says. “Tiniis namin ang takot, ang pananalakay ng mga eroplano sa araw man o gabi, ang paglusob, ang kawalan ng makakain.” Sariwa pa sa kanyang alaala ang ilang araw na di sila nakakakain, at ang pagkamatay ng nanay niya dahil sa kawalan ng gamot.
Upang makatakas sa mga pagbomba, nagpalipat-lipat sa iba’t ibang lugar sa Ghouta ang 43 anyos na babae kasama ang kanyang pamilya. “Araw lang ang binibilang namin, palipat-lipat kami para maiwasan ang kamatayan. Mga anim o pitong beses yata kaming nagbago ng tirahan. Pero tila sinusundan kami ng mga eroplano.” Noong Pebrero 2018, ang hukbo ng Syria ay naglunsad ng isang large-scale aerial offensive, at maraming tao ang namatay. Nang mapasakamay na ng pamahalaan ang Eastern Ghouta, ayaw nang manatili roon ni Iman. Pagdating ng buwan ng Abril, inilikas siya at ang kanyang pamilya sa Idlib. “Di namin malilimutan ang araw na iyon. Kinailangan naming lisanin ang isang lugar na minahal na namin. Pero dito rin kami nakaranas ng pagdurusa at nakasaksi ng mga kahindik-hindik na pangyayari."
Sumakay si Iman, kasama ang kanyang asawa at mga anak, sa isang bus papuntang Idlib. Bumaba sila sa Harem, at tumuloy sa Saraqeb kung saan sila nakahanap ng matitirhan. Ngunit masyadong mataas ang upa kaya’t lumipat sila uli sa isa sa maraming kampo sa Governorate. “Hindi na namin alam kung saan kami pupunta. Baka may sumalakay na namang eroplano.”
Bago ang digmaan, siya ang nag-aasikaso sa mga gawaing-bahay habang ang asawa naman niya ay nagsasaka kasama ang isa nilang anak na lalaki. Pero ang anak na iyon ay di na makakaalis sa Ghouta nang buhay. Isang araw, habang pauwi ang anak nang may dalang tinapay, binaril siya ng isang sniper. Wala nang naghahanapbuhay sa kanilang pamilya ngayon, at palala nang palala ang ekonomiya. Mula pa noong unang bahagi ng Mayo 2020, nangalahati na ang halaga ng Syrian pound, na nagdulot naman ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Ang devaluation ay resulta ng krisis sa Lebanon kung saan naroon ang karamihan ng naiipon ng mga Syrian, ang mga ipinapatupad na sanction ng US laban sa Syria at sa nakakapilay na epekto sa ekonomiya ng pandemyang dulot ng COVID-19.
Hindi na nakikita ni Iman na makakabalik pa sila. “Habang nasa puwesto pa ang kasalukuyang rehimen, hindi kami makakabalik sa Ghouta. Nilinaw nila na kapag nagtangka kaming bumalik, makukulong kami o hahatulan ng kamatayan. Wala nang ligtas na lugar, kahit sa Idlib.”
Pang-komunidad ang mga palikuran sa kampong tinitirhan nila. Halos walang malinis na tubig, at walang kuryente. At dahil sa COVID-19, dalawang buwan nang walang pasok ang mga bata. Patuloy pa ni Iman, “Pero kahit naman dati, dahil sa mga labanan at airstrikes, di rin regular ang pasok nila. Kaya sinisikap ko na lang na turuan sila ng nalalaman ko. Halos dalawang taon na ng pag-aaral ang nawala as kanila noong tumira kami sa Ghouta.”
Nasa Eastern Ghouta pa rin ang dalawa sa mga anak na babae ni Iman. Bihira silang magkausap. Nag-iiwan lang sila ng voice messages para sa isa’t isa, pero takot silang magtawagan dahil baka arestuhin sila ng mga puwersa ng pamahalaan. "Watak-watak na ang pamilya ko. May mga nasa Idlib, may nasa Eastern Ghouta. Di na kami buo."
Ikinuwento niya kung paanong natataranta ang kanyang sampung taong gulang na anak na babae, si Jana, kapag nakakarinig ng eroplano sa himpapawid. "Dinadala ko sila sa banyo o sa ilalim ng hagdan upang magtago.Laging malungkot si Jana, at umiiyak nang walang dahilan. Sinasabi niyang wala akong dapat ikabahala, pero nakikita kong di siya okey. Lagi niyang iginuguhit ang mga karahasan ng digmaan at ang mga eroplanong sumasalakay. Pagkatapos ng paglusob sa Eastern Ghouta, nasa isa na naman kaming paglusob, dito naman sa Idlib."
"Patuloy kaming umaasa, at iyon mismo ang pumapatay sa amin"
Estudyante si Hassan Abou Noah sa Talbiseh, sa Homs Governorate. Bilang journalist, sumali siya mga protesta. “Tungkulin ko ang pumalag,” sabi ng 33 anyos na si Hassan. Habang nagnenegosasyon ang pamahalaan at ang oposisyon, nilikas siya sa rehiyon ng Khan al-Assal sa probinsiya ng Aleppo, kung saan nanatili siya ng isang taon. Sa pagtatapos ng Enero 2019, naging mas matindi ang mga airstrikes kaya’t napilitan siyang tumalilis.
“Takot na takot ang mga tao. Parang slow motion ang lahat. Nakikita kong nagtatakbuhan ang lahat, pero manhid ang pakiramdam ko. Sumakay kami sa isang kotse, at dali-daling umalis. Bumper to bumper kami, parang prusisyon ng mga langgam. “Tuloy-tuloy ang paghulog ng mga bomba sa sona habang tumatalilis lahat papunta sa Idlib. Isa sa mga bomba ang dumaan sa ibabaw ni Hassan at ng kanyang mga anak, sa layo lang na 50 meters.”
Mula 2019 pa nakatira si Hassan sa bayan ng Idlib. Nakikitira lang siya sa kaibigan niyang may sariling bahay, dahil di sapat ang kanyang pera para mangupahan at ang kanyang asawa at mga anak ay sa ibang lugar nakatira. Walang sapat na matitirhan para sa lahat, may pambayad man o wala.
“Ang tingin ko sa Idlib ay isang napakalungkot na bayan, kung saan walang pag-asa.” Napakamahal ng mga bilihin, at imposibleng makipagkalakalan sa mundo sa labas nito. Ang Governorate ay namumuhay nang hiwalay at nag-iisa. “Pareho rin ito sa mga kampo sa kabayanan: paralisado at malungkot.” Wala ring tubig na dumadaloy rito, kaya’t kailangan itong bilhin. At gaya ng lahat, mabibili lamang ito sa mataas na halaga.
“Pinagdaanan ko ang lahat ng posibleng maramdaman. Natakot na ako, naisip ko nang normal ito, naramdaman kong hungkag ako, at minsan, naging masaya rin ako.Iniisip ko ngayon kung di kaya masyado na akong sanay sa sitwasyon. Dati’y natatakot kami pag naririnig namin ang mga bala na parang pumipito habang lumilipad sa hangin. Ngayon, kahit na marinig na namin ang mga eroplanong sumasalakay, mag-uusap pa kami tungkol sa ibang bagay.”
Ayon sa mga kamag-anak at kaibigan ni Hassan na nasa Talbiseh, ang mga lalaki roon na nasa tamang gulang na ay natatakot lumabas dahil baka puwersahin silang sumama sa hukbo ng Syria.
Tuwing naririnig ng bunsong anak ni Hassan na si Adam ang airstrikes, tinatanong siya nito kung iyon raw ba ay kulog. Sagot naman niya, oo.
“Ayokong umalis sa Syria. Gusto ko lang naman ay magkasama-sama ang aking pamilya sa ilalim ng iisang bubong. Walang nakakaalam kung ano ang mangyayari. Walang kalinawan ang mangyayari sa politika, at maging sa aming mga buhay. Patuloy kaming umaasa, at iyon mismo ang pumapatay sa amin.”
Upang makaalis sa Syria at makapasok ang buong pamilya niya sa Turkey, kailangan niyang magbayad ng 12,000 dollars sa mga people smugglers. “Puwede ko namang ibenta ang bato ko,” natatawa niyang sinabi.
"Nakulong kami rito, at isa lang ang daan palabas"
Ipinanganak at lumaki si Abou Fadel sa Idlib Governorate, sa Talmenes village, limang kilometro mula sa Maarat Al Numan. Sa nakaraang anim na buwan, nakatira siya sa isang tent sa isang pansamantalang kampo sa kanluran ng Idlib. Sa tent na wala pang 20 metres square ang sukat kasama niya ang kanyang asawa at limang anak, edad 4 hanggang 15.
“Sa halip na tanungin mo kung paano ko kinakaya ito, dapat mo munang tanungin kung nakakaya ko nga,” sabi ng 40 anyos na si Abou. “Ang sagot ay hindi. Nangungutang ako sa mga kaibigan ko at kamag-anak nang di ko alam kung kailan ako makakabayad, o kung makakabayad ba ako bago ako mamatay. Nakatanggap din kami ng ilang donasyon mula sa aid organizations, pero walang regular na pumapasok na pera.”
Minsan daw, pumipikit siya at nangangarap na nasa Talmenes siya uli, kung saan siya ipinanganak.
Sa pangarap, kalaro niya ang kanyang mga anak malapit sa bahay ng kanyang mga magulang. Ngayong wala na ang lahat ng mga pinapangarap niya, gusto na lang raw niyang bumalik sa panahon bago mag-2020. “Limot ko na ang lahat-lahat sa buhay ko bago nagsimula ang digmaan. Gusto kong bumalik sa nakaraang taon, noong paminsan-minsan lang ang pagbobomba ng rehimen. Wala pang mga ground troops noon na nagbabanta sa amin,” paliwanag niya. “Paggising ko, parang permanente na ang pagkabalisa ko, ang pag-aalala sa mga anak ko. Mula nang lisanin namin ang aming tahanan, hindi pa sila nakakapasok sa paaralan. Gustong-gusto pa naman nila ang pag-aaral. Kahapon, napagdesisyunan kong ipakasal na ang pinakabata kong anak na babae, si Safa, para matiyak ko ang kanyang kinabukasan. Makakasama na niya ang asawa niya, at ito ang pinakamabuting maaaring mangyari sa kanya.”
Nagsisimula pa lang ang taon nang kinailangan nilang lisanin ang Talmenes dahil sa airstrikes. “Tumagal ang airstrikes ng limang araw. Tapos, dumating ang ground troops. Doon namin napagdesisyunan na ang magagawa na lang namin ay umalis. Tumakas kami, sakay ng trak at kasama ang dose-dosenang pamilya papunta sa Idlib. Namalagi muna kami ng isang linggo sa isang mosque. Tapos, nagtayo kami ng kampo rito.”
Noong Hunyo 2020, dahil sa mga sagupaan, mas marami pang tao ang nawalan ng tahanan sa timog ng Idlib Governorate at hilaga ng Hama Governorate. “Para sa kasalukuyang rehimen, ang lahat ng nakatira sa Idlib ay terorista. Iyong pinsan ko, nag-withdraw lang, inaresto na. Hindi na siya bumalik. Ngayong may mga ground troops na, ang best case scenario ay mapipilitan akong maging sundalo. At ang worst case ay makukulong ako.”
Ang tent na tinitirhan ng pamilya niya ay kasinglamig ng freezer kapag taglamig, at kasing-init ng pugon sa tag-init. Ginugugol ni Abou Fadel ang kanyang mga araw sa paglakad-lakad sa kampo at pag-inom ng tsaa kasama ang kanilang mga kapitbahay. Pag lumala pa raw ang sitwasyon, lilipat sila palapit sa Turkish border, kung saan sa tingin niya’y mas ligtas sila. “Nakakulong kami rito, at isa lang ang daan palabas.”