West Bank: Lalong humihigpit ang hawak ng mga awtoridad na Israeli rito sa gitna ng tumitinding labanan nila ng Iran
Naghihintay ang mga sasakyang Palestino sa muling pagbubukas ng bakod ng mga Israeli sa pangunahing lagusan papasok sa Hebron. Palestine, 2025 © MSF
23 Hunyo, Jerusalem – Habang ang mundo ay nakatuon sa lumalalang hidwaan sa pagitan ng Israel at Iran, ginawang mas matindi ng mga puwersang Israeli ang kanilang mga aktibidad sa West Bank. Ang pagdami ng mga operasyong militar sa mga governorate ng Jenin, Nablus, at Tulkarem, pati na rin ang karagdagang pagpapadala ng mga sundalo, ay naging sanhi ng tuminding paghihigpit sa mga Palestino. Nagbabala ang Doctors Without Borders / Médecins sans Frontières (MSF) na ang mga pagkilos na ito ay nakakapagpalala ng dati nang kahila-hilakbot na sitwasyon ng mga Palestino sa West Bank kung saan sila’y humaharap sa mga balakid sa pagkuha ng pangangalagang pangkalusugan at ng mahahalagang serbisyo, lalo na mula noong Oktubre 2023. Inuudyukan ng Doctors Without Borders na pigian agad ang mga hakbang na nauuwi sa sapilitang pagpapaalis sa mga Palestino mula sa kanilang mga tirahan at sa isang sistema ng annexation. Kabilang rito ang matagal na presenya ng mga militar, mga paghihigpit sa paglakbay, mga demolisyon, sobrang paggamit ng puwersa, at ang pagkakait ng mga pangunahing serbisyo.
“Noong Hunyo 13, nilusob ng mga puwersang Israeli ang aming barangay sa Tulkarem. Pinaalis nila ang mga taong nakatira sa dalawang gusali, at ginawa nila ang mga itong military barracks. Mula noon, regular na silang nagroronda sa barangay, nagsasagawa ng mga imbestigasyon, interogasyon, pag-aaresto, paghahanap, at pagkulong,” sabi ni Karim*, isang staff ng Doctors Without Borders.
“Nitong mga nakaraang linggo, nakita ng mga komunidad ng West Bank kung paanong ang kanilang mga buhay ay kinokontrol ng mga mananakop habang ang buong mundo’y nagbubulag-bulagan. Hindi ito dapat hayaang magpatuloy.”Simona Onidi, Project Coordinator
“Nitong mga nakaraang linggo, nakita ng mga komunidad ng West Bank kung paanong ang kanilang mga buhay ay kinokontrol ng mga mananakop habang ang buong mundo’y nagbubulag-bulagan. Hindi ito dapat hayaang magpatuloy,” sabi ni Simona Onidi, ang project coordinator sa Jenin at Tulkarem.
Hunyo 13 ang araw kung kailan nagsimula ang paglala ng mga labanan. Hinarangan ng mga awtoridad na Israeli ang lahat ng mga pangunahing checkpoint at mga lagusan patungong Hebron sa loob ng apat na araw. Dahil dito, napilitan ang mga taong maglakad upang makakuha ng pangangalagang medikal. Ang mga taong may kritikal na kondisyon ay napilitang maglakad nang malayo, kahit na sila’y nanganganib na mabaril, o mapigilan sa pagtawid.
“Noong Hunyo 14, sinubukan kong dalhin ang aking kapatid mula sa Bethlehem patungo sa Hebron para sa isang medical appointment. Kadalasan, ang biyaheng ito ay inaabot lang ng 25 na minuto. Pero dahil sa mga bagong paghihigpit ng mga Israeli, ang lahat ng mga pangunahing pasukan at labasan ay nakasara. Inabot kami ng tatlong oras, at sa kahuli-hulihan, sa kabila ng kanyang sakit, kinailangan niyang tumawid sa isang saradong checkpoint, gaya ng ginagawa ng marami, kahit na ito’y hindi ligtas,” sabi ni Oday Al-Shobaki, isang communications officer.
Sa Hebron at sa Nablus, sinuspindi ng Doctors Without Borders ang mga mobile clinic na nagbibigay ng pangangalaga para sa kalusugang pangkaisipan, sexual reproductive care, at pangunahing pangangalagang pangkalusugan dahil sa mga pagsasara ng checkpoint at sa mga alalahaning kaugnay ng seguridad sanhi ng mga pinag-ibayong operasyong militar. Sa Jenin at Tulkarem, ang mga mobile clinic ay kinailangang pabago-bago ng oras ng pagbubukas. May mga araw na tumatakbo ang mga ito, at may mga araw ding hindi, dahil sa presensya ng mga puwersang Israeli sa mga karatig-barangay. Dahil dito,may mga pasyenteng napilitang umasa na lang sa pagkokonsultang gamit lang ang telepono.
Noong Hunyo 14, naghihintay ang mga tao sa tapat ng nakasarang bakod sa pangunahing lagusan papasok sa Hebron. Marami ang tumawid nang naglalakad lamang, sa kabila ng mga panganib. Ang mga nangangailangan ng pangangalagang medikal o di kaya’y hindi makalakad dahil sa kanilang kondisyon ay naiwan nang hindi nakatatawid. Palestine, 2025 © MSF
Ang mga operasyong militar at ang mga marahas na pagsalakay ng hukbong Israeli ay ilang taon nang nagaganap sa West Bank. Noong 2022, naitala ang noo’y pinakamataas na bilang ng mga namatay na Palestino dahil sa karahasan ng mga puwersang Israeli o ng mga dayo. Mula noong Oktubre 2023, dinagdagan pa ng mga puwersang Israeli ang mga mapagpilit na hakbang at ang kanilang paggamit ng matinding pisikal na karahasan laban sa mga Palestino sa okupadong West Bank. Kabilang rito ang mga malubhang paghihigpit sa paglalakbay, mga pagsugod ng militar, at mga hadlang sa pagkuha ng mga mahahalagang serbisyo.
Noong Enero 2025, sinimulan ng mga puwersang Israeli ang operasyong militar na tinatawag na ‘Iron Wall’ sa Northern West Bank. Hanggang ngayo’y patuloy pa rin ang pagsasagawa ng operasyong ito. Marahas nilang pinaalis ang lahat ng mga nakatira sa maaayos na kampo at pinigilan ang mga itong makabalik. Mahigit 42,000 na tao ang sapilitang pinaalis mula sa kanilang mga tirahan, naiwang walang matibay na masisilungan, at limitado ang mapagkukunan ng pagkain, tubig, at pangangalagang medikal.
“Ang pinakahuling mga paghihigpit at karahasan nitong nakaraang linggo ay tila isang oportunidad para sa mga puwersang Israeli na patibayin ang kanilang pagkontrol, palalimin ang pagkakahiwa-hiwalay ng mga Palestinong komunidad, at itaguyod ang sistemang inilarawan ng International Court of Justice bilang katumbas ng racial segregation at apartheid. Inuudyukan namin ang mga pangatlong estado na kumilos nang higit sa pagpapahayag lamang ng mga salita ng pagkondena, at sa halip ay pilitin ang mga awtoridad na Israeli na tantanan na ang paggamit ng matinding puwersa at tanggalin na ang mga paghihigpit na nakahahadlang sa mga taong makakuha ng mga mahahalagang serbisyo at humanitarian aid, at palakihin ang suportang ibinibigay sa mga nawalan ng tirahan at mga nakabukod na komunidad sa buong West Bank,” sabi ni Simona Onidi, ang project coordinator sa Jenin at sa Tulkarem.
* hindi niya tunay na pangalan
Susuportahan mo ba ang aming emergency response?
Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.