Sudan: Sa pagpapatuloy ng ‘digmaan laban sa tao’, maramihang dumarating ang mga pasyenteng sugatan sa mga ospital sa iba’t ibang bahagi ng bansa
Ang pagdating ng mga taong nawalan ng tirahan sa purok ng Tawila. Marami sa kanila ay galing sa El Fasher at sa mga kampo sa paligid nito, gaya ng Zamzam at Abu Shok, at nagsasabing ang kanilang mga pangunahing dahilan sa paglikas ay ang labis na karahasan, paulit-ulit na shelling, biglang pagtaas ng mga presyo ng bilihin at kakulangan ng pagkain. Sudan, Hunyo 2024. © MSF
Habang patuloy ang digmaan sa pagitan ng Sudanese Armed Forces (SAF) at ng Rapid Support Forces (RSF) na hindi nagpapakita ng paggalang para sa buhay ng mga sibilyan, ginamot ng mga MSF team sa tatlong bahagi ng Sudan - sa mga estado ng Khartoum, North Darfur at South Darfur – ang napakaraming dumarating na pasyenteng sugatan dahil sa mga labanan.
Noong Pebrero 4 sa Nyala, South Darfur, 21 na sugatang pasyente ang dinala sa Nyala Teaching Hospital na sinusuportahan ng Doctors Without Borders matapos ang mga airstrike na ginawa ng Sudanese Armed Forces sa isang pabrika ng langis ng mani, kung saan 25 na tao ang iniulat na napatay. Noong Pebrero 3, tinamaan ng mga airstrike ang mga lugar na tirahan sa Nyala, at winasak ang mga bahay ng mga sibilyan doon. Ang mga airstrike ay naganap noong hapon kung kailan maraming tao ang nasa kanilang mga tahanan. 32 na tao ang naiulat na napatay at dose-dosena ang nasaktan, at maraming mga pasyente ang dinala sa Nyala Teaching Hospital.
Isang doktor ng Doctors Without Borders ang nagtatrabaho sa ospital nang naganap ang mga airstrike.
Naganap ang pagbobomba malapit sa ospital. Naramdaman naming umaalog ang gusali. Noong pumunta ako sa ER, tumambad sa akin ang kahindik-hindik na sitwasyon. Nagkalat ang dugo, may mga pasyenteng nabalian ng buto, at may ilang naputulan ng mga braso o binti. May nakita akong dalawang bata, isang apat na taong gulang at isang dalawang taong gulang. Ayon sa tiyahin nila, namatay ang tatlo sa mga kapatid nila at ang kanilang ina. Tanging ang kanilang ama at kuya ang nakaligtas dahil nasa trabaho sila noong nangyari ang pagbobomba.Doktor sa Nyala Teaching Hospital
May mga sibilyang napatay sa El Fasher, North Darfur, kung saan nangyari ang mga matitinding labanan nitong mga nakaraang buwan. Nitong mga huling araw, ginagamot ng mga team ng Doctors Without Borders ang mga sugatang sibilyan sa kampo ng Zamzam matapos ang matinding sagupaan sa pagitan ng RSF at SAF, at ng kanilang mga kakampi. Noong Pebrero 2, tumanggap ang field hospital ng Doctors Without Borders sa kampo ng Zamzam ng 21 na sugatang mga pasyente – mahigit sa kalahati sa kanila ay mga bata – na nagtamo ng pinsala habang tumatakas mula sa Shagra, isang barangay sa El Fasher.
Ang field hospital ng Doctors Without Borders sa Zamzam ay para sa paediatric at maternal healthcare at wala silang kapasidad na magsagawa ng operasyon sa mga pinsalang dulot ng trauma. Ang natitirang pasilidad na makapagbibigay ng mga surgical service ay ilang kilometro lamang ang layo, ngunit hindi ito mapuntahan ng mga tao dahil kakailanganin nilang dumaan sa pagitan ng Zamzam at El Fasher, kung saan kasalukuyang may mga labanan at palipat-lipat na frontline.
Ang mga pasyenteng nasa kritikal na kondisyon ay hindi makalabas mula sa kampo ng Zamzam kung saan wala silang access sa makasagip-buhay na pangangalaga. Apat na pasyenteng sugatan ang namatay, habang lima naman ang nailipat sa El Fasher noong Pebrero 3 kung saan ang Saudi Hospital ay nananatiling tumatakbo sa kabila ng mga walang patid na pagsalakay. Noong Enero 24, ang pasilidad na ito ay binomba at 70 na tao ang iniulat na napatay.
Susuportahan mo ba ang aming emergency response?
Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.
Libo-libong taong tumakas mula sa Shagra ang dumating sa Zamzam nitong mga nakaraang araw. Iniwan nila ang lahat upang makahanap ng kaligtasan. Ikinuwento nila sa aming mga team ang mga kahindik-hindik na insidente ng karahasan na nangyari sa lugar na iyon. Mga 60 na pamilya naman mula sa Shagra ang nakarating rin sa Tawila, kung saan ang Doctors Without Borders ay may pinatatakbong programa na nagbibigay ng emergency, nutritional, paediatric at maternal healthcare. Kuwento pa nila, marami ang ninakawan pa at sinalakay habang sila’y tumatakas.
Tumindi rin ang karahasan sa estado ng Khartoum simula noong pumasok ang buwan ng Pebrero. Noong Pebrero 4, nang naganap ang shelling ng RSF sa Omdurman, nagkaroon ng mga pagsabog sa mga lugar na hindi lalampas ng 100 metro ang layo mula sa Al Nao Hospital, isang pasilidad na sinusuportahan ng Doctors Without Borders. Iniulat ng Ministry of Health na 38 na tao ang nasaktan at anim ang napatay. Kabilang rito ang isang kasapi ng Al Nao Initiative, kung saan may mga boluntaryong tumutulong sa pagpapatakbo ng ospital.
Ito ang ikalawang beses na tumugon ang mga medic na nagtatrabaho sa ospital na iyon sa maramihang pagdating ng mga sugatang pasyente. Noong Pebrero 1, 54 na tao ang napatay sa pagsalakay sa isang pamilihan, ayon sa Ministry of Health. Simula nang nag-umpisa ang digmaan sa Sudan, tatlong beses nang tinamaan ang Al Nao Hospital ng mga pagsabog: noong Agosto 2023, Oktubre 2023 at Hunyo 2024.
“Ang karahasang ginagawa ng Rapid Support Forces at ng Sudanese Armed Forces sa mga sibilyan sa iba’t ibang bahagi ng Sudan ay isang kalunos-lunos na trahedya,” sabi ni Ozan Agbas, Doctors Without Borders Emergency Manager.
Patuloy na sinisira ng karahasan ang buhay ng mga tao. Dahil dito ay nagiging mas mahirap para sa mga taong makakuha ng pangangalagang pangkalusugan, at inilalagay sa panganib ang buhay ng mga healthcare worker. Inuudyukan namin ang mga magkalabang partido na protektahan ang mga sibilyan at iligtas sila mula sa digmaan na ito laban sa mga tao.Ozan Agbas, Emergency Manager