Sudan: Doctors Without Borders, nagtagubilin sa UN Security Council ukol sa trahedya ng ‘digmaan laban sa tao’
Si Christopher Lockyear, ang Secretary General ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF), ay nagsalita sa United Nations Security Council ukol sa krisis sa Sudan nung ika-13 ng Marso 2025. © UN Web TV
Si Christopher Lockyear, ang Secretary General ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF), ay nagtagubilin sa United Nations Security Council ngayong araw na ito ukol sa humanitarian catastrophe na dulot ng digmaan sa Sudan, at nanawagan para sa pagwakas ng karahasan laban sa mga sibilyan, at para sa bagong pangako na maghatid ng makasagip-buhay na tulong.
Ang digmaan sa Sudan ay higit sa lahat, isang "digmaan laban sa tao," sabi ni Lockyear. Paulit-ulit at walang pinipili ang pagbobomba ng Sudanese Armed Forces sa mga lugar na makapal ang populasyon. Ang Rapid Support Forces at ang kanilang mga kaalyadong militia ay nagsimula ng kampanya ng kalupitan kung saan kasama ang sistematikong karahasang sekswal, mga pagdukot, maramihang pagpatay, pagnanakaw ng mga humanitarian aid, at ang pag-okupa ng mga pasilidad medikal. Ang magkabilang panig ay parehong nagkubkob ng mga bayan, sumira ng mahahalagang imprastrukturang sibilyan, at hinarangan ang pagpasok ng humanitarian aid.
Ang Doctors Without Borders ay nagbibigay ng pangangalagang medikal sa 11 na estado ng Sudan sa magkabilang panig ng tunggalian ayon sa mga prinsipyong humanitarian. Ang mga team ng Doctors Without Borders sa Sudan ay naglabas ng babala ukol sa mga nakakaalarmang antas ng malnutrisyon sa maraming mga lugar, habang dumarami ang mga kaso ng mga sakit na nakahahawa, na mapipigilan sana ng pagbabakuna. Ang paparating na tag-ulan ay nagbibigay-diin din sa pangangailangang mahatiran ang mga taong nakatira sa mga lugar na sinira ng digmaan ng mga pagkain at medical supplies.
Ang mensahe ng Doctors Without Borders para sa Council ay na ang digmaan sa Sudan ay di maaaring ipagpatuloy nang walang pakundangan para sa buhay ng mga sibilyan. Pagkatapos ng dalawang taon, napakalimitado ng pandaigdigang pagtugon dahil sa mga paghadlang ng mga magkatunggaling partido, at sa kakulangan ng pananagutan, mga mapagkukunang-yaman at pamumuno.
"Habang patuloy ang pagbibigay ng mga pahayag sa kamarang ito, ang mga sibilyan ay patuloy na di nakikita, di nabibigyan ng proteksyon, binobomba, kinukubkob, ginagahasa, nawawalan ng tirahan, pinagkakaitan ng pagkain, ng pangangalagang medikal, ng dignidad," sabi ni Lockyear. "Mahina ang humanitarian response, ito’y ginawang lumpo ng burukrasya, ng kawalan ng seguridad, ng pag-aalangan, ng isang nagbabantang maging pinakamalaking pagtatakwil sa kasaysayan ng humanitarian aid."
Sa halip, nanawagan si Lockyear para sa panibagong pangako na poprotektahan ang mga sibilyan at tutugunan ang mga humanitarian na pangangailangan.
"Ang krisis sa Sudan ay humihingi ng pagbabago mula sa mga nabigong ginawa noong nakaraan," sabi niya. "Milyon-milyong buhay ang nakasalalay rito."
Narito ang kabuuan ng kanyang talumpati sa council:
Madam President, excellencies, colleagues,
Dalawang taon nang nagdurusa ang Sudan sa walang patid na karahasan. Dalawang taon ng pagkawasak, pagkawala ng tirahan, at ng kamatayan.
Milyon-milyong tao ang nawalan ng tahanan. Sampu-sampung libo ang pinatay. Humihigpit ang kapit ng tag-gutom.
Dalawang taon ng pagdurusa, na tinapatan ng dalawang taon ng kawalan ng pakialam at hindi pagkilos.
Madam President, ang digmaan sa Sudan ay isang digmaan laban sa mga tao – isang realidad na mas lalong naging kapansin-pansin araw-araw.
Ang Rapid Support Forces, ang Sudanese Armed Forces, at ang ibang mga partido na kasali sa tunggalian ay di lang nabibigo sa pagprotekta sa mga sibilyan. Sila pa mismo ang nagpapalala sa pagdurusa ng mga ito.
Paulit-ulit at walang pinipili ang pagbobomba ng Sudanese Armed Forces sa mga lugar na makapal ang populasyon. Ang Rapid Support Forces at ang kanilang mga kaalyadong militia ay nagsimula ng kampanya ng kalupitan kung saan kasama ang sistematikong karahasang sekswal, mga pagdukot, maramihang pagpatay, pagnanakaw ng mga humanitarian aid, at ang pag-okupa ng mga pasilidad medikal. Ang magkabilang panig ay parehong nagkubkob ng mga bayan, sumira ng mahahalagang imprastrukturang sibilyan, at hinarangan ang pagpasok ng humanitarian aid.
Anim na linggo na ang nakalipas noong ako’y nasa Khartoum State. Katatapos lang bombahin ng Rapid Support Forces ang Sabreen Market nang dumating ako sa al-Nao Hospital sa Omdurman, isang pasilidad na sinusuportahan ng MSF.
Ang naabutan ko sa ospital ay isang eksena ng matinding kaguluhan: nagsisiksikan sa emergency room ang mga pasyenteng may mga kalunus-lunos na pinsala. Nasaksihan ko ang pagkawasak ng mga buhay ng mga lalaki, babae, at mga bata. Ang Al-Nao ay isa sa mga iilang ospital na tumatakbo pa sa lugar na iyon, at ito’y ilang beses na ring binomba nitong nakaraang dalawang taon.
Noong linggo ring iyon, binomba naman ng Sudanese Armed Forces ang isang pabrika ng peanut oil at mga kapitbahayang sibilyan sa Nyala, South Darfur, kung kaya’t napuspos na naman ang ospital sa dami ng mga pasyente.
Samantala, tumutulak naman papunta sa kampo ng Zamzam sa North Darfur ang Rapid Support Forces, matapos ang ilang buwan ng pagkubkob at pagkagutom. Ang field hospital na sinusuportahan ng MSF doon, na dinisenyo para sa pediatric at maternal care, at hindi para sa war trauma ay tumanggap ng 139 na sugatang pasyente bago kami napuwersa ng mga pagsalakay na suspindihin ang lahat ng aming mga aktibidad. Naiwan ang mga taong nagdurusa at gutom.
Ngunit ito’y ilan lamang sa mga huling halimbawa kung paano isinasagawa ang digmaang ito.
Mula noong umpisa, walang awa ang ipinakitang karahasan. Sa West Darfur, ang karahasan ay umabot sa antas na hindi maubos-maisip, at humantong sa masaker ng isang buong komunidad sa pagitan ng Hunyo at Disyembre 2023. Sa loob lamang ng tatlong araw, ginamot ng aming mga team sa Chad ang mahigit sa 800 na sugatan dahil sa pagtakas ng mga libo-libong sibilyang Masalit mula sa El Geneina matapos sakupin ng Rapid Support Forces ang siyudad. Sinabi sa amin ng mga survivor na ang pagiging Masalit ay naging katumbas na ng hatol ng kamatayan.
Sa South Darfur, nitong buong 2024, ang aming mga team ay nagbigay ng pangangalaga sa 385 na survivor ng karahasang sekswal. Karamihan sa kanila, kabilang ang ilang wala pang limang taong gulang, ay ginahasa, kadalasa’y ng mga armadong kalalakihan. Halos kalahati ang sinalakay habang nagtatrabaho sila sa mga bukid. Ang mga babae, bata man o matanda, ay hindi lang walang proteksyon. Sila ay malupit na pinupuntirya.
Ang X-ray ng isang pasyenteng 20 na buwan pa lamang. Tinamaan siya ng shrapnel matapos bombahin ang kanilang kapitbahayan habang kasama ang kanyang inang namimili sa pamilihan malapit sa kanilang tirahan. Sudan, Nobyembre 2024. © MSF
Madam President, ang MSF ay nagpapatakbo ng mga programang medikal sa mahigit 22 na ospital at 42 na pasilidad para sa pangunahing pangangalagang pangkalusugan sa 11 sa mga 18 na estado ng Sudan. Sa Khartoum, South Kordofan, greater Darfur, at Gedaref – sa halos lahat ng aming mga proyekto – nasa kritikal na antas ang matinding malnutrisyon. Ang aming mga therapeutic feeding center ay nasasagad na at lampas na sa kanilang kapasidad. Kasabay nito, nakakita rin kami ng biglaang pag-akyat ng bilang ng mga kaso ng mga sakit na maaaring mapigilan ng pagbabakuna, gaya ng tigdas, cholera, at diphtheria.
Ang karahasan laban sa mga sibilyan ay nakadadagdag rin sa mga pangangailangang humanitarian. Hindi ito isang hindi inaasahang resulta ng tunggalian – ito ay nagpapakita kung anong klaseng labanan mayroon sa digmaang ito, isang digmaang lalo pang pinagniningas mula sa labas ng bansa.
Ang mga epektong ito ay pinalalala pa ng mga paghihigpit sa humanitarian access, sinasadya man o resulta lamang ng pagkaparalisa dahil sa burukrasya, kawalan ng seguridad, o ang hindi pagtakbo nang maayos ng pamamahala at koordinasyon.
May mga pag-unlad din naman kaming nasaksihan: nagkaroon ng cross-border access sa Darfur sa pamamagitan ng pagdaan sa Adre; napadali ang pagkuha ng visa para sa mga staff mula sa ibang bansa; nagbukas ng mga airstrip para sa mga humanitarian flight sa Dongola at Kassala.
Subali’t, ang mga ito ay balewala kung ikukumpara sa nakapupuspos na dami ng pangangailangan.
Sa kabila ng malinaw na pangangailangan ng agarang pagkilos, ang paghatid ng humanitarian assistance sa Sudan ay nananatiling lubhang kumplikado at minsan pa, ito’y sinasadyang gawing mahirap.
Ang pagkuha ng mga travel permit ay nananatiling mapanghamon, ang crossline access ay nangangailangan ng nakapapagod na negosasyon, at sa kabila ng dating napagkasunduan, ang mahahalagang UN humanitarian hub sa Darfur ay nananatiling nakasara.
Sa mga lugar na kontrolado ng Rapid Support Forces, ang armadong grupo at ang kanilang mga kakampi ay nagpataw ng di makatwirang pagkaantala sa mga aid convoy – minsa’y ilang linggo – at nagtalaga ng mga di makatarungang mga buwis o iba pang kabayaran. Ang pagdala ng 60 na toneladang humanitarian assistance mula sa N’Djamena sa Chad patungo sa Tawila sa North Darfur ay nagkakahalaga ng nakagugulantang na $18,000, higit sa ikatlo nito ay kailangang bayaran na habang nasa daan pa lang. Sa pamamagitan ng Sudanese Agency for Relief and Humanitarian Operations o SARHO, ang Rapid Support Forces ay nagtatakda ng mga burukratikong hadlang.
Ang mga aid organization naman na nagsusumikap makapagdala ng tulong sa mga lugar na kontrolado ng Rapid Support Forces ay nahaharap sa mga imposibleng mapagpipilian: sumunod sa mga ipinag-uutos ng SARHO na gawing pormal ang kanilang presensya at malagay sa panganib ng pagpapatalsik ng mga awtoridad sa Port Sudan, o tumangging gawin ito, at maaaring ipasara sila ng SARHO. Alin man doon ang piliin nila, malalagay pa rin sa alanganin ang paghahatid ng makasagip-buhay na tulong.
Ang mga paggigiit ng soberanya ay hindi maaaring patuloy na gawing sandata upang higpitan ang daloy ng tulong.
Ang aid at ang mga ahensyang nagbibigay nito ay hindi maaaring gamitin para maging lehitimo.
Madam President, sa kabila ng katapangan at dedikasyon ng mga lokal at pandaigdigang humanitarian worker, ang pagtugon ay nananatiling hindi sapat. Ang sistema ay nababalot ng mga taktika, at laging kinakailangan ng mga negosasyon upang magawa ang kinakailangan sa halip na makapagtuon sa pagtugon na talagang angkop sa laki ng krisis.
Halimbawa, ang Adre crossing – bukas ito sa loob ng anim na buwan para sa pagpasok ng mga humanitarian supply, subali’t mga 1,100 na trak pa lamang ang nakarating sa Darfur—mga anim lang na trak kada araw para sa buong rehiyon. Sa aming pagtatantiya, 13 na trak kada araw ang kinakailangan upang matugunan ang mga pangangailangan para sa nutrisyon ng Zamzam lamang.
Isa pang halimbawa ang tulay sa Mornei, isang mahalagang daanan para sa aid na manggagaling sa West Darfur patungo sa Central at South Darfur. Ngunit noong Agosto 2024, ang tulay na ito ay gumuho. 217 na araw na ang nakalipas, ngunit hindi pa rin ito inaayos, kung kaya’t nahihirapan ang milyon-milyong makakuha ng tulong.
Bakit ang mga ganitong pangunahing hadlang sa humanitarian aid ay hindi nabibigyan ng atensyon?
Madam President, ang Council na ito ay ilang ulit nang humihingi ng pagtatapos sa tunggaliang ito, nananawagan para sa pagsunod sa international humanitarian law, para sa proteksyon ng mga sibilyan, at para sa walang hadlang na paghahatid ng humanitarian aid.
Ngunit hindi pinakikinggan ang mga panawagang ito.
Habang patuloy ang pagbibigay ng mga pahayag sa kamarang ito, ang mga sibilyan ay patuloy na di nakikita, di nabibigyan ng proteksyon, binobomba, kinukubkob, ginagahasa, nawawalan ng tirahan, pinagkakaitan ng pagkain, ng pangangalagang medikal, ng dignidad.
Mahina ang humanitarian response, ito’y ginawang lumpo ng burukrasya, ng kawalan ng seguridad, ng pag-aalangan, ng isang nagbabantang maging pinakamalaking pagtatakwil sa kasaysayan ng humanitarian aid.
Sa aking mga kasamahan sa Khartoum, sa Tawila, sa Nyala – sa aming mga pasyente sa iba’t ibang bahagi ng Sudan – ang pagkabigo ng Council na ito na gawing pagkilos ang mga hinihingi nito ay tila pag-abandona sa mga taga-Sudan sa karahasan at kawalan.
Ang sugat sa binti ng isang pasyenteng natamaan ng bala sa gitna ng isang labanan. Sudan, Nobyembre 2024. © Faiz Abubakr
Madam President, ang Jeddah Declaration of Commitment to Protect the Civilians of Sudan, na madalas banggitin sa Council na ito, ay dapat isang mahalagang sandali ng pagbabago.
Ngunit kung walang susubaybay, walang mananagot, at walang mamumuno, ang kasunduang ito ay tila isang kasulatan lamang na binabanggit upang magpahayag ng pag-aalala, habang hinahayaan ang mga may responsibilidad at may impluwensya na hindi kumilos.
Ang kinakailangan ngayon ay isang bagong kasunduan – isang kasunduang bunga ng nagkakaisang paninindigan para sa proteksyon ng mga sibilyan. Isang kasunduang ginagarantiyahan na ang mga aid organization ay may espasyo upang makakilos sila nang maayos, nagpapatupad ng moratorium sa lahat ng paghihigpit sa humanitarian assistance, at nagtitiyak na ang pagtugon ay hindi nababahiran ng pulitika. Dapat nitong palitan ang kasalukuyang sistema ng gatekeeping ng isang magtataguyod sa pagkabuhay at dignidad ng mga Sudanese.
Ang ganitong kasunduan ay kailangan ng political will at pamumuno na kayang pagkasunduin ang mga partidong kasali sa tunggalian upang makiisa sa mga humanitarian imperative. Kinakailangan itong matyagan ng isang grupong walang kinikilingan, at gamitan din ng mekanismo para sa pananagutan upang tiyakin na ang lahat ng partido ay tutupad sa kanilang mga pangako.
Subali’t kahit ang pinakamatibay na kasunduan ay maaaring mabigo kung walang ganap na pagkasangkot ng mga donor at ng higit na proactive approach mula sa UN Secretariat. Para sa mga estadong miyembro ng council: ang pagtugon ay kailangang palakasin sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mas malaki at mapapanatiling pondo. Para sa UN Secretary-General: ang ganap na redeployment ng mga UN humanitarian agency ay dapat ipag-utos sa Darfur at sa iba’t ibang bahagi ng Sudan.
Madam President, paparating na ang tag-ulan. Tatagal ang taggutom at marami ang maaapektuhan.
Ang krisis sa Sudan ay humihingi ng pagbabago mula sa mga nabigong ginawa noong nakaraan. Milyon-milyong buhay ang nakasalalay rito.
Susuportahan mo ba ang aming emergency response?
Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.