Sudan: Doctors Without Borders, naaalarma sa panganib na mauulit ang mga masaker sa El Fasher, pagkatapos ng ilang buwang pagkubkob at pagkagutom
Ang pagdating ng mga sibilyang nawalan ng tirahan mula sa kinubkob na El-Fasher sa checkpoint sa may pasukan ng Tawila. North Darfur, Sudan, 2024. © Jérôme Tubiana/MSF
Ang mga sibilyan ay dapat hayaang mabuhay sa El Fasher, ang kabisera ng North Darfur, Sudan, at dapat silang pahintulutang magsilikas sa mga mas ligtas na lugar – lalo pa’t pagkatapos ng pagdurusa nila ng dalawang taon ng karahasang batay sa etnisidad at mga malawakang pagpatay. Ito ang ipinapakiusap ng pandaigdigang medikal na organisasyong humanitarian, ang Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) matapos makuha ng mga mandirigma ng Rapid Support Forces (RSF) ang kapangyarihan sa lungsod.
Naaalarma ang Doctors Without Borders na ang mga masaker na naganap noong kinubkob ng RSF at ng mga kaalyado nito ang kampo ng Zamzam malapit sa El Fasher noong Abril 2024 ay maaaring mangyari uli.
Noong Lunes, Oktubre 27, ang mga medical team ng Doctors Without Borders na nagtatrabaho sa Tawila, 60 na kilometro mula sa El Fasher, ay gumamot ng napakaraming mga pasyenteng nagtamo ng kritikal na pinsala. Dumating ang isang trak na may sakay na 1,000 na tao sa bukana ng Tawila kung saan ang mga team ng Doctors Without Borders ay nagtayo ng isang health post upang magbigay ng pangangalaga para sa mga emergency. Humigit-kumulang 300 na tao ang ginamot sa health post at 130 ang ipinahatid sa emergency room ng ospital, kabilang rito ang 15 na pasyenteng nangangailangan ng makasagip-buhay na operasyon.
Sa ngayon, maraming mga taong nananatili at di makaalis sa loob at sa paligid ng El Fasher at handa ang Doctors Without Borders na tumugon sa mga darating pang dagsa-dagsang nasaktan at nawalan ng tirahan sa Tawila.
Noong nakaraang linggo, sakay ng isang trak, mahigit sa 1,300 na taong tumakas mula sa El Fasher ang dumating sa Tawila noong Oktubre 18-19. Dumagdag pa sila sa malaking bilang ng mga taong napilitang lisanin ang kanilang mga tahanan at maghanap ng masisilungan sa Tawila. Kasama sa mga bagong dating ang 75% ng 165 na batang wala pang limang taong gulang na napag-alaman ng mga medical team ng Doctors Without Borders na nagdurusa mula sa acute malnutrition, habang 25% naman ang may malubhang malnutrisyon.
Ang kagulat-gulat na bilang na ito ay isang pagpapatunay sa kahila-hilakbot na nagaganap sa El Fasher. Lumalaganap na ang pagkagutom dahil sa patuloy na pagsalakay ng RSF at kanilang pagkubkob sa lugar sa loob ng mahigit 500 na araw, kung kailan hinadlangan nila ang paghatid ng mga pagkain at aid upang mapigilan ang pag-abot nito sa mga nagugutom na tao, anuman ang mangyari. Dahil sa pagtaas ng mga presyo ng pagkain, pagsara ng mga community kitchen, mga pamilihang pinasabog at sinaid ang mga laman, at mga humanitarian aid na hinahadlangang makarating sa mga nangangailangan, halos wala nang makuhang pagkain ang mga tao.
Susuportahan mo ba ang aming emergency response?
Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.