Skip to main content
SA KASALUKUYAN DRC: Naghahanda ang Doctors Without Borders para sa malawakang pagtugon sa outbreak ng Ebola Magbasa pa

    Palestine: Kinondena ng Doctors Without Borders ang pagsalakay ng mga Israeli sa isang water distribution site sa Gaza City

    People collecting water from MSF truck

    Ang Doctors Without Borders water truck ay nagbibigay ng kritikal na mapagkukunan ng malinis na inuming tubig. Gaza, Palestine 2025 © MSF

    Sa hapon ng Lunes, Setyembre 15, pinatamaan ng mga puwersang Israeli ang isang water truck na malinaw na pag-aari ng Doctors Without Borders/ Médecins Sans Frontières (MSF) habang ito ay namamahagi ng 10,000 na litro ng inuming tubig sa kapitbahayan ng Sheikh Radwan sa silangang bahagi ng Gaza City. Ang ruta at iskedyul ng sasakyan ay ipinagbigay-alam na sa mga awtoridad na Israeli, na ginagawa ng Doctors Without Borders araw-araw.

    Ang pagsalakay na ito ay hindi maaaring ituring lang na isang pagkakamali. Ito ay sinadyang pagsisikap na isabotahe ang pamamahagi ng tubig sa mga sibilyan na hindi maaaring umalis sa lugar, partikular na ang mga pinakamahihirap, may sakit, at ang mga pinakamahihinang tao na nakatira sa mga tolda, o sa mga labi ng mga dati nilang tirahan.

    Hanggang noong Setyembre 12, sinusuportahan ng Doctors Without Borders ang emergency room ng isang primary health care center sa Sheikh Radwan. Ito na lang ang natitirang gumaganang istrukturang pangkalusugan na may kapasidad para tumugon sa mga emergency sa lugar na iyon, at nakatatanggap ito ng mga 1,100 na mga emergency patient kada linggo. Dahil sa mga tumitinding operasyong militar sa lugar, nagpasya ang Ministry of Health na subukang ilipat ang klinika sa ibang lokasyon.  Ngunit wala silang mahanap na angkop na lugar, kaya’t ang populasyong naiwan sa kapitbahayan ay wala nang mapagkunan ng serbisyong medikal.

    MSF flag on a truck

    Ang trak ng tubig ng Doctors Without Borders na sinalakay ng mga puwersang Israeli noong Setyembre 15. Gaza, Palestine 2025 © MSF

    Daan-daang libong Palestino ang lumilikas patungong timog, ngunit para sa karamihan sa mga nasa Gaza City, ang pag-alis ay hindi nila maaaring gawin. Wala silang kakayahang lumikas, sila’y may sakit o di kaya’y sobra na silang pagod, o alam nilang wala silang mapapala sa timog. Ang mga serbisyong ibinibigay ay hindi sapat upang suportahan ang dati nang naroon, at lalo na kapag dumagdag pa ang mga bagong dating.

    Ang sapilitang pagpapaalis ng mga tao sa pamamagitan ng pagwasak sa mga natitirang masisilungan at imprastruktura habang pahirap nang pahirap ang pagbibigay ng humanitarian assistance ay hindi lang brutal, kundi ilegal din. 

    Nananawagan kami sa mga awtoridad na Israeli na agad na bigyang-daan ang ligtas na paghahatid ng humanitarian aid, kasama rito ang pagkain at tubig, at tigilan na ang mga pagsalakay sa humanitarian access at sa mga sibilyan. Ang humanitarian access sa mga sibilyan ay dapat pahintulutan at protektahan.



    Susuportahan mo ba ang aming emergency response?

    Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.


    Categories