Ang opensa ng Gaza City ay isang hatol ng kamatayan para sa isang milyong Palestino
Naglabas ang mga puwersang Israeli ng mga kautusan sa paglikas para sa mahigit sa isang milyong taong nakatira sa Gaza City noong Setyembre 9. Palestine, 2025 © MSF
Ang Gaza City ay nahaharap sa isang kapahamakang humanitarian dahil sa pagtindi ng mga pagsalakay-militar ng Israel, na nagtutulak sa mga tao sa sukdulan at nagbabanta sa patuloy na pagtakbo ng nalalabi sa sistemang pangkalusugan. Babala ng mga team ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF), imposible ang hinihingi nilang sapilitang pagpapaalis ng isang milyong tao – kabilang rito ang daan-daang pasyenteng nasa kritikal ang kondisyon at mga bagong panganak na sanggol – mula sa Gaza City at papunta sa mga siksikang lugar na kulang sa mga mapagkukunang-yaman sa gitna at timog na bahagi ng Strip. Para na rin nilang sinintensyahan ng kamatayan ang isang milyong Palestino.
Ang walang humpay na pagbobomba ng mga puwersang Israeli at ang pag-abante ng kanilang mga hukbo sa lupa ay nagiging sanhi ng pagkamatay ng daan-daang mga Palestino at ng puwersahang pagpapaalis sa kanilang mga tahanan at mga masisilungan, na minsa’y ilang beses nangyayari. Ito’y katulad din ng paulit-ulit na pagkawasak na dati nang nasaksihan ng mga team ng Doctors Without Borders sa Rafah.
“Ang ilan sa aming mga kasamahan ay napilitang umalis sa kanilang mga tirahan nang mahigit labing-isang beses mula noong 2023,” sabi ni Jacob Granger, ang Emergency Coordinator ng Doctors Without Borders sa Gaza. Sa pagpapatuloy ng mga pagbobomba, hindi ligtas ang mga pansamantalang masisilungan, lalo pa’t ang mga pinupuntiryang lugar ay ang mga pinupuntahan ng mga nakaligtas. Tinatayang may isang milyong taong nawalan ng tirahan ang umookupa sa 15% lang ng teritoryo ng Gaza, kung saan ang mga kondisyon ay pinalala ng pagkawasak ng halos 90% ng mga sistema para sa tubig at sanitasyon.
“Patuloy ang pamamahagi ng Doctors Without Borders ng tubig sa lungsod. Ngunit dahil wala nang natitirang reserbang tubig, kung hahadlangan ng mga puwersang Israeli ang produksyon at pamamahagi ng maiinom na tubig, maaari itong ikamatay ng mga tao sa loob lamang ng ilang araw,” sabi ni Granger. Ang mga sakit gaya ng acute diarrhoea ay lumalaganap sa mga siksikan at maruming kondisyon ng pamumuhay.
Marami sa mga tao sa Gaza City – kasama na ang daan-daang pasyenteng nasa kritikal na kondisyon at mga bagong panganak na sanggol – ay walang kakayahang lumikas sa kabila ng mga kautusan at pagtindi ng opensang militar. Palestine 2025 © MSF
Nasa sukdulan na ang sistemang pangkalusugan
Sadyang winawasak ng opensang Israel ang kapasidad ng Gaza para sa pangangalagang pangkalusugan. Mahigit sa kalahati ng mga ospital ang hindi na magagamit; ang mga naiwang gumagana ay nasa bingit ng ganap na pagkasira dahil sa mga nakapuntiryang pagsalakay. Ang mga bed occupancy rate ay umaabot ng 300% sa Al Ahli Hospital, 240% sa Shifa Hospital, at 210% sa Rantissi Hospital. Ang kasalukuyang pagtindi ng karahasan sa Gaza City ay nagbabantang magpasara sa 11 sa 18 na bahagyang gumaganang mga ospital sa Gaza Strip pati na rin ang ibang mga pasilidad para sa pangangalagang pangkalusugan, habang ang mga awtoridad sa kalusugan ay nag-uulat na nauubusan na ng stock ng mahigit sa kalahati ng mga mahahalagang gamot.
Tiniis ng medical staff ang mga paulit-ulit na pagsalakay, ang mga health worker ay pinapatay, kinukulong o pinagbabantaan, kabilang rito ang isang doktor mula sa Doctors Without Borders na nakakulong pa rin kahit na walang pormal na kasong isinasampa laban sa kanya. Sa mga pasilidad medikal na sinusuportahan namin sa Gaza City, dumarami ang mga pasyenteng may mga seryosong pinsala. Ang mga pasyenteng nangangailangan ng intensive care ay maaaring mamatay kapag sila ay sapilitang pinalikas dahil sa pagsasara ng mga ospital. Ang mga taong may kapansanan, may mga sakit o sugatan ay hindi makakalikas.
Patuloy ang pamamahagi ng Doctors Without Borders ng tubig sa lungsod. Ngunit dahil wala nang natitirang reserbang tubig, kung hahadlangan ng mga puwersang Israeli ang produksyon at pamamahagi ng maiinom na tubig, maaari itong ikamatay ng mga tao sa loob lamang ng ilang araw.Jacob Granger, Emergency Coordinator
Ang pagkagutom bilang patakaran
Ang pagkubkob ay naging sanhi ng taggutom: ang mga paghihigpit sa pagkuha ng pagkain, malinis na tubig, at ng gamot, at sa paghahatid ng aid ay dahilan upang pumailanlang ang acute malnutrition rate. Ang mga sibilyang desperadong makakuha ng aid ay humaharap sa mga nakamamatay na puwersa sa mga distribution point. Ilang buwan nang tumutugon ang mga klinika ng Doctors Without Borders sa maraming mga naging biktima ng karahasan ng mga Israeli sa mga food distribution site na pinangangasiwaan ng GHF.
Pansamantalang nananatili ang mga pamilyang Palestino na nawalan ng tirahan sa isang kampo para sa mga refugee sa Gaza City malapit sa baybayin. Palestine 2025 © Ibrahim Nofal/MSF
Kailangan nang tigilan ang mga operasyong panlupa
Layunin ng mga puwersang Israeli na mapaalis ang mga Palestino mula sa Gaza City sa pamamagitan ng pagpatay ng lahi, ethnic cleansing at mga imposibleng kondisyon ng pamumuhay. Walang ligtas na lugar, at ang kulang na kulang na aid ay idinadaan sa mga rutang lubhang mapanganib para sa mga sibilyan. Patuloy rin ang sinasadyang pagwasak ng mga kritikal na imprastruktura.
Hinihingi ng Doctors Without Borders ang agarang pagwakas ng paggamit ng mga kautusang lumikas para sa puwersahang pagpapaalis, isang mapapanatiling ceasefire, at ang pagpasok ng humanitarian aid na sapat ang laki at dami. Humihingi kami ng proteksyon para sa mga pasilidad medikal at ng pagtutulungan ng mga iba’t ibang kumikilos para sa mga layuning humanitarian. Ang sistematikong pagwasak sa isang buong lungsod at sa populasyon nito ay dapat nang wakasan. Nananawagan din kami sa mga kaalyado ng Israel na tigilan na ang paghahatid ng mga armas sa Israel at patindihin ang pangggigipit upang mapigilan ang kanilang opensa. Kung walang magaganap na kagyat at radikal na interbensyon, nahaharap ang Gaza sa ganap na paglipol.
Susuportahan mo ba ang aming emergency response?
Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.