Skip to main content
SA KASALUKUYAN DRC: Naghahanda ang Doctors Without Borders para sa malawakang pagtugon sa outbreak ng Ebola Magbasa pa

    Ang nangyayari sa Gaza ay hindi lamang isang kapahamakang humanitarian – ito ay isang sistematikong pagwawasak sa mga tao. 

    Malinaw ang pahayag ng Doctors Without Borders/Médecins Sans Frontières (MSF): pinapatay ng Israel ang lahi ng mga Palestino sa Gaza.

    Ayon sa pinakahuling datos mula sa Ministry of Health (MoH), mahigit 64,000 na tao na ang pinatay, kabilang ang 20,000 na bata. Malamang ay mas malaki pa ang aktuwal na bilang nito, sapagkat marami pa ang ipinagpapalagay na nalibing sa ilalim ng mga gumuhong istruktura. 

    "Araw-araw sa Gaza, ang mga bata’y dumadating sa aming mga klinika nang may mga natamong pinsala mula sa mga pagsabog, mga sugat na nagkaroon ng impeksyon, at mga senyales ng pagkagutom. Bilang mga doktor, maaari naming subukang gamutin ang mga masakit sa kanila, ngunit di namin kayang pigilan ang pagbagsak ng mga bomba o wakasan ang pagkubkob. Kaya naman kami ay nananawagan sa nga pinuno ng iba’t ibang bahagi ng mundo at mga medikal na propesyonal sa Southeast Asia: gamitin ninyo ang inyong impluwensiya, ang inyong boses, at ang inyong kapangyarihang pulitikal upang pigilan ang pagpatay ng lahi na ito."

    - Dr. Wilson Li (Hong Kong) at Dr. Veena Pillai (Malaysia)

    Man pushing older man in a wheelchair

    Maraming mga tao sa Gaza City – kabilang rito ang daan-daang mga pasyenteng nasa kritikal na kondisyon at mga bagong panganak na sanggol – ay hindi kayang lumikas, sa kabila ng mga pag-uutos at tumitinding opensang militar. Palestine 2025 © MSF

    Silhouettes of Palestinians at a GHF aid distribution site

    Inilalagay ng mga Palestino ang kanilang mga buhay sa panganib para lamang makakuha ng kaunting pagkain sa GHF distribution site sa Netzarim. Palestine, 2025. © MSF

    Malnourished child

    Sinusukat ng isang nars ng Doctors Without Borders ang mid-upper arm circumference ng isang pasyenteng sa edad na walong buwan ay mayroon nang malubhang malnutrisyon. Palestine, 2025. © MSF

    A boy carrying jerrycan of water

    Isang batang lalaki ang nahihirapang magbitbit ng isang mabigat na jerrycan na may lamang tubig upang dalhin ito sa tolda ng kanyang pamilyang nawalan ng tirahan. Tinitiis ng mga bata araw-araw ang pasaning ito, na isang tuwirang resulta ng nilikha ng taong krisis sa tubig. Palestine, 2025 © MSF

    A woman is carrying her child through the rubble

    Sa Gaza City, karga ng isang babae ang kanyang anak pauwi sa kanilang tahanan sa gitna ng mga gumuhong istruktura.  Palestine, 2025 © MSF

    Walang ligtas na lugar, kahit na mga ospital 

    Walang ligtas na lugar sa Gaza. Sa kabila ng pagkakaroon ng protektadong katayuan ng mga pasilidad pangkalusugan, ang mga ospital ay binobomba, ang mga pasilidad medikal ay ninanakawan, at nalalagay sa panganib ang buhay ng mga staff at mga pasyente. Ngayon, wala nang ospital sa Gaza ang gumagana nang buo. Ang mga may nanatiling bahaging gumagana ay napupuspos at kulang na kulang sa mga makasagip-buhay na supplies.  

    Labindalawa sa aming mga kasamahan ang napatay at ang orthopaedic surgeon ng Doctors Without Borders na si Dr. Mohammed Obeid, ay nananatiling nakakulong mula noong ipiniit siya ng Israel noong Oktubre 2024. Sa kabuuan, mahigit 1,500 na mga health worker na ang napatay. Ito’y isang malaking kawalan para sa kanilang mga pamilya, at para sa sistemang pangkalusugan ng Gaza. 

    In Memoriam: Pag-alala sa aming mga kasamahang pinatay sa Gaza

    Pictures of MSF colleagues killed in Gaza

    Ang kagutuman bilang sandata sa digmaan 

    Sinasakal ng mga awtoridad na Israeli ang Gaza sa pamamagitan ng pagpapataw ng ganap na pagkubkob na sadyang tinatanggalan ang mga tao ng mga mapagkukunan ng gasolina, pagkain, tubig at medical supplies. Nakumpirma na ang taggutom sa governorate ng Gaza, at marami na ang namamatay dahil sa pagkagutom. Ang kakaunting food aid na pinahihintulutang makapasok ng mga awtoridad na Israeli ay ginagamit bilang sandata. Ang isang organisasyong pinatatakbo ng mga Israeli at pinopondohan ng US, na tinatawag na Gaza Humanitarian Foundation (GHF) ay responsable sa pagpatay ng 1,400 na tao at pagdulot ng pinsala sa 4,000 pa. 

    Noong Agosto 2025, naglabas ang Doctors Without Borders ng isang ulat na pinamagatang, “This is not aid. This is orchestrated killing” (Ito ay hindi aid. Ito ay planadong pagpatay). Dinokumento nito ang mga kahila-hilakbot na pangyayaring nasaksihan ng aming mga staff sa dalawang sentro para sa pangunahing pangangalagang pangkalusugan sa Rafah na regular na nakatatanggap ng mga pasyenteng naapektuhan ng mga karahasan sa mga lugar kung saan namamahagi ang GHF. Sa loob ng pitong linggo mula Hunyo 7 hanggang Hulyo 24, 2025, ang aming mga team ay nakatanggap ng 1,380 na mga casualty – kabilang ang mga nasawi at nagtamo ng pinsala – mula sa mga GHF distribution site. Kabilang sa mga nasaktan ay 174 na taong natamaan ng pamamaril, kabilang rito ang mga kababaihan at mga bata. 

    Bukod sa kasalukuyang krisis ng pagkagutom, may mga buong henerasyon ng mga bata na nakararanas ng pangmatagalang pagkabansot, sa pisikal at sikolohikal na aspeto. Ang malnutrisyon, kasabay ng trauma mula sa walang humpay na pagbobomba, ay lumilikha ng mga pinsalang mananatili ng ilang dekada. 

    Cover of MSF report in Gaza titled 'This is not aid. This is orchestrated killing.'

    Ang mga patotoo ng Doctors Without Borders mula sa frontline ukol sa sistematikong malawakang pagpatay sa mga distribution site ng Gaza Humanitarian Foundation (GHF) sa Gaza 

    Ang krisis sa tubig at ang paglaganap ng sakit 

    Ang kakulangan ng malinis na tubig ay nagiging sanhi ng dagdag na pagdurusa at paglaganap ng sakit. Noong nakaraang buwan, ang aming mga team ay gumamot ng 4,000 na kaso ng watery diarrhea, na maaaring nakamamatay para sa mga batang dati nang pinahina ng malnutrisyon. 

    Ang Doctors Without Borders ay regular na hinahadlangan ng mga awtoridad na Israeli sa pagpasok ng mga kagamitan para sa desalination at iba pang supplies na makadadagdag sa maipamamahaging malinis na tubig. Mula Hunyo 2024, isa lang sa bawat 10 na hinihinging pahintulot ng Doctors Without Borders para sa pag-angkat ng mga kagamitan para sa water desalination ang naaaprubahan. 

    Ang pakikisabwat ng pandaigdigang komunidad sa pagpatay ng lahi  

    Sa pamamagitan ng hindi pagkilos, ng pananatiling tahimik, o ng tuwirang pagsuporta sa mga awtoridad na Israeli, ang mga pamahalaan sa iba’t ibang bahagi ng mundo ay nakikipagsabwatan sa pagpatay ng lahi. Ang mga pamahalaan ay mayroong moral at legal na obligasyon upang tumugon, at gamitin ang lahat ng posibleng pulitikal, diplomatiko, at pang-ekonomiyang kasangkapan upang pigilan ang mga ginagawang kalupitan. 

    Hinihingi namin mula sa mga estado ang kagyat na paggamit ng kanilang impluwensya upang:

    • Patigilin ang pagpatay ng lahi ng mga Palestino sa Gaza.
    • Patigilin ang ethnic cleansing at ang sapilitang pagpapaalis sa kanilang mga tirahan.
    • Magpatupad ng agaran at mapapanatiling ceasefire.
    • Wakasan ang pagkubkob at pahintulutan ang agaran, at hindi hahadlangang paghahatid ng maramihang humanitarian aid na may kasarinlan.
    • Patigilin ang pagsalakay sa mga pasilidad medikal at mga health worker.
    • Buwagin ang Gaza Humanitarian Foundation.
    • Pahintulutan ang mga medikal na paglilikas para sa mga nangangailangan ng kagyat na pangangalaga.
    • Pigilin ang paglilipat ng mga armas na pumapatay at nagdudulot ng pinsala sa aming mga pasyente. 

    Kung walang magaganap na kagyat at radikal na interbensyon, nahaharap ang Gaza sa ganap na pagpuksa sa lahing Palestino. Hindi kaya ng 1,399 na mga kasamahan naming nagtatrabaho sa Gaza na pigilan ang pagpatay ng lahi na ito. Subali’t posible itong magawa ng mga pinuno ng iba’t ibang bahagi ng mundo – kung sila’y kikilos na.



    Susuportahan mo ba ang aming emergency response?

    Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.