Skip to main content
SA KASALUKUYAN DRC: Naghahanda ang Doctors Without Borders para sa malawakang pagtugon sa outbreak ng Ebola Magbasa pa
    Silhouettes of Palestinians at a GHF aid distribution site

    Ito ay hindi aid.

    Ito ay isinaayos na pagpatay.

    Ang medikal na patotoo ng Doctors Without Borders mula sa frontline ukol sa sistematikong pagpatay nang maramihan sa mga distribution site ng Gaza Humanitarian Foundation (GHF) sa Gaza

    Ang hidwaan sa Gaza ay damang-dama sa 21 na buwan ng kasuklam-suklam na katatakutan, at ng dehumanisasyon.

    Nagmasid ang mundo habang ang isang populasyon ng mga sibilyan na di makatakas ay ginutom, pinaalis nang sapilitan mula sa kanilang mga tirahan, at sinalakay nang paulit-ulit ng isa sa “pinakasopistikadong” militar, na may mga sandatang mula sa mga bansa sa kanluran. Noong Mayo 2025, nagkaroon na naman ng isang nakababagabag na kaganapan kaugnay ng nalalantad na pagpatay ng lahi sa Gaza— binuwag ng mga awtoridad na Israeli ang pagtugong humanitarian na pinangungunahan ng UN, at ito’y pinalitan ng militarisadong pamamaraan ng pamamahagi ng pagkain na pinatatakbo ng isang di kilalang grupo, ang Gaza Humanitarian Foundation (GHF). Ang GHF ay ipinagmamalaki ng mga pamahalaan ng Israel at ng US bilang isang “makabagong solusyon” —isang tugon sa hindi naman napatutunayang akusasyon ng paghahatid ng aid sa ibang lugar sa Gaza at sa mga walang basehang pagpapahayag ng hindi pagtupad ng UN sa kanilang tungkulin.

    Ginagamit bilang sandata ng militarisadong pamamahagi ng pagkain ang pagkagutom at pagdurusa. Ang pamamahagi ng GHF sa piling mga lugar ay nagresulta sa matinding karahasan at mga pagpatay. Bagama’t ang mga pangunahing biktima ay mga nakababatang Palestinong kalalakihan, may mga napaslang ring mga kababaihan at mga bata dahil sila’y pumunta rin sa mga lugar ng pamamahagi sa pagbabakasakaling makakakuha sila ng pagkain. Nang isinusulat namin ito, iniulat ng Ministry of Health ng Gaza na mahigit 1,000 na ang pinaslang at 7,200 naman ang nagtamo ng pinsala habang sinisikap nilang makakuha ng aid. Ang karamihan sa kanila ay sa mga GHF distribution site nasaktan o napatay. Kami mismo’y naging mga saksi sa matinding epektong idinulot ng karahasang ito. Ang mga medical team ng Doctors Without Borders/Médecins Sans Frontières (MSF) ay kumikilos sa frontline, kung saan ginagamot namin ang mga taong may malubhang pinsala—mga sugat mula sa tama ng baril, mga hiwa mula sa alambreng may tinik, mga idinulot ng pagkakaipit sa labo-labong takbuhan o mga stampede — mga pinsalang kanilang tinamo habang nagsisikap  makakuha ng aid sa mga GHF distribution site.

    Ang mga patotoo ng aming mga pasyenteng nagkuwento ng kanilang mga karanasan sa mga GHF distribution site ay naglarawan ng kakaibang antas ng pagiging hindi makatao at marahas, mga aksyong walang pinipili man o nakapuntirya, na lumampas na sa pagiging nakakabagabag lamang. Gaya ng ipinahayag ng medical coordinator ng Doctors Without Borders, handa ang mga isipan ng aming mga team sa pagtugon sa mga hidwaan, ngunit hindi kami handang harapin ang ginagawa nilang pagpatay at pananakit sa mga sibilyang naghahanap ng aid. Hindi rin kami handang  gumamot ng mga gutom at mga hindi armadong Palestino na binaril na para bang sila’y mga hayop, at kadalasan pa, habang sila’y nakakulong sa mga lugar kung saan napapaligiran sila ng mga metal na bakod. Malinaw ang medikal na datos. Ito ay hindi aid. Ito ay isinaayos na pagpatay.

    Basahin ang ulat

    Cover of MSF report in Gaza titled 'This is not aid. This is orchestrated killing.'

    Ang medikal na pagpapatotoo ng Doctors Without Borders mula sa frontline ukol sa sistematikong pagpatay nang maramihan sa mga distribution site ng Gaza Humanitarian Foundation (GHF) sa Gaza

    Susuportahan mo ba ang aming emergency response?

    Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.