Skip to main content
SA KASALUKUYAN DRC: Naghahanda ang Doctors Without Borders para sa malawakang pagtugon sa outbreak ng Ebola Magbasa pa

    Ipinagdadalamhati ng Doctors Without Borders si Hussein Alnajjar, ang ikalabintatlo naming kasamahang pinatay sa Gaza

    MSF flag

    Doctors Without Borders flag. © iAko M. Randrianarivelo/Mira Photo

    17 Setyembre 2025 – Ikinagulat at ikinalungkot ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) ang pagkamatay ng aming kasamahan na si Hussein Alnajjar, na nasawi noong Setyembre 16 sa Gaza sanhi ng mga pinsalang dulot ng mga shrapnel mula sa isang airstrike na isinagawa ng mga Israeli malapit sa kanyang tolda limang araw ang nakalilipas. Ang kanyang hipag at pamangkin ay nagtamo rin ng mga pinsala mula sa insidenteng iyon. 

    Ito’y hindi isang kalunos-lunos na aksidente; ipinakikita na naman nito na walang ligtas na lugar sa buong Gaza Strip.

    Isang ulilang lumaki nang walang ama, panganay si Hussein sa apat na magkakapatid na lalaki. Siya ang pinagkukunan ng lakas at suporta ng kanyang pamilya, isang masigasig na nars na nagtrabaho para sa Doctors Without Borders sa aming mga klinika sa Deir al-Balah at Khan Younis mula noong Enero 2024. Dati’y nagtrabaho siya kasama ng mga team ng Doctors Without Borders bilang isang sterilization technician para sa isang proyekto ng limb reconstruction sa Al-Awda Hospital.

    Hussein Alnajjar

    Si Hussein Alnajjar, isang nars ng Doctors Without Borders na nasawi sa isang Israeli airstrike nitong Setyembre 2025. Gaza, Palestine.

    Si Hussein ay may masidhing pagmamahal para sa buhay.  Siya ay isang asawa at ama ng tatlong anak, at nasasabik na siyang makita ang kanyang kapatid, na binibigyan niya ng suportang pinansyal, na magtapos mula sa medical school sa Egypt.

    Si Hussein ang ikalabintatlong kasamahan namin sa Doctors Without Borders na napatay mula noong nag-umpisa ang digmaan sa Gaza. Nagngingitngit kami na patuloy ang pagpatay ng karahasang militar sa aming mga kasamahan sa Palestine.

    Lubos naming kinokondena ang pagpatay sa kanya at kasabay nito ay nananawagan kami para sa agarang pagbabalik ng ceasefire at ng proteksyon ng mga sibilyan.

    Sa trahedyang ito, nasa aming mga isipan ang asawa ni Hussein at ang kanyang mga anak, at ang lahat ng kanyang pamilya at kaibigan na nagdurusa sa pagkawala niya. Ang ganitong pagdanak ng dugo ay kailangang wakasan na.

    Categories