Opinyon: Hindi kayang pigilan ng mga doktor ang pagpatay ng lahi, ngunit kaya ng mga pinuno ng iba't ibang bahagi ng mundo
Ang nawasak na Al Shifa hospital sa Gaza city. Palestine, Pebrero 2025. © Nour Alsaqqa/MSF
Araw-araw sa Gaza, ang mga bata’y dumadating sa aming mga klinika nang may mga natamong pinsala mula sa mga pagsabog, mga sugat na nagkaroon ng impeksyon, at mga senyales ng pagkagutom. Bilang mga doktor, maaari naming subukang gamutin ang mga masakit sa kanila, ngunit di namin kayang pigilan ang pagbagsak ng mga bomba o wakasan ang pagkubkob. Kaya naman kami, sina Dr. Wilson Li (Hong Kong) at Dr. Veena Pillai (Malaysia), ay nananawagan sa nga pinuno ng iba’t ibang bahagi ng mundo at mga medikal na propesyonal sa Southeast Asia: gamitin ninyo ang inyong impluwensiya, ang inyong boses, at ang inyong kapangyarihang pulitikal upang pigilan ang pagpatay ng lahi na ito.
Ang nangyayari sa Gaza ay hindi lang isang kapahamakang humanitarian. Ito rin ay sistematikong pagwasak sa isang grupo ng mga tao. Malinaw ang pahayag ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF): Pinapatay ng Israel ang lahi ng mga Palestino sa Gaza—at ginagawa nila iyon nang may ganap na kaligtasan sa parusa.
Araw-araw, ang aming 1,118 na kasamahan sa Doctors Without Borders na nagtatrabaho sa Gaza ay nahaharap sa nakapanlulumong katotohanan na hindi nila kayang mapigilan ang pagpatay ng lahi. Ngunit ito ay magagawa ng mga pinuno sa iba’t ibang bahagi ng mundo, kung pipiliin nilang kumilos na ngayon.
Habang papalapit ang ikalawang anibersaryo ng walang humpay at matinding karahasan, ang mga pulitikal na desisyon upang wakasan ito ay matagal nang lumampas sa takdang panahon. Pinupuri namin ang Pilipinas sa kanilang pagpapahayag ng pag-aalala ukol sa mga kapahamakang humanitarian sa Gaza, at sa kanilang pananawagan sa Israel upang magkaroon ng isang ceasefire.
Ngunit ngayon, kailangan pa ng karagdagang pagkilos.
Hinihingi namin na udyukan ng Pilipinas—sa pamamagitan ng mga propesyonal sa medisina, mga asosasyon, ang lipunang sibil, at ang publiko nito—ang kanilang pamahalaan na dagdagan pa ang kanilang ginagawa. Ang Pilipinas ang mamumuno sa ASEAN sa susunod na taon, at kailangan nitong magpakita ng mahusay na pamumuno upang ang rehiyon ay kumilos nang may pagkakaisa sa usapin ng Gaza.
Ang bilang ng mga taong naaapektuhan ng digmaan ay nakagigimbal. Ayon sa pinakahuling datos mula sa Ministry of Health (MoH), mahigit sa 64,000 na tao na ang napatay, kabilang rito ang 20,000 na mga bata. Ang tunay na bilang ay malamang na mas mataas, dahil marami pa ang nakalibing sa mga gumuhong ospital, mga paaralan, at mga tirahan.
Sinalakay ng militar na Israeli ang lahat-lahat sa Gaza. Pami-pamilya ang pinuksa habang sila’y nagtatago sa kanilang mga tirahan. May mga health worker na pinatay habang sila’y nagbibigay ng pangangalaga sa mga may sakit. Ang mga mamamahayag ay pinuntirya dahil sa kanilang mga patotoo. Walang ligtas na lugar sa Gaza.
Ang mga malalakas na sandata na dinisenyo para sa mga malawak na panlabas na larangan ng digmaan—na ang iba’y binenta ng US at Europa sa Israel —ay ginamit sa mga siksikang lugar sa siyudad, kung saan ang mga tao ay sumisilong lamang sa mga tolda. Bilang resulta, kinailangan naming gamutin ang mga kahila-hilakbot na pinsalang naidulot nito.
Ayon sa mga datos na medikal mula sa anim na pasilidad para sa pangangalagang pangkalusugan na sinusuportahan ng Doctors Without Borders noong 2024 (Enero 1 hanggang Disyembre 31), 207,942 na pangkalahatang konsultasyon ng mga outpatient ang naisagawa. 55% nito ay mga kababaihan at 20% ang mga batang wala pang limang taong gulang. Ang pangangalaga sa sugat lamang ay nangailangan ng 93,254 na konsultasyon, kung saan 32% ang para sa kababaihan at 29.7% naman ang para sa mga batang wala pang 15 na taong gulang. 9,179 ang ginawang konsultasyon para sa mga batang wala pang limang taong gulang. Ang matinding trauma dulot ng karahasan ay nakita sa 39,700 na konsultasyong may kaugnayan sa pangangalaga sa sugat, 83% ang sanhi ng mga pagbobomba at pagsabog ng mga shell, at 11.3% naman ang sanhi ng mga pamamaril.
Naobserbahan namin sa dalawang ospital na halos 60% na mga sugat sa mababang bahagi ng binti ay sanhi ng mga pampasabog na sandata, at kadalasa’y nagdudulot ng pagkalantad ng buto, kalamnan, o pagkawakwak ng balat. Ang mga pinsalang ito ay naaayon sa malawakang epekto ng mga pampasabog na sandata tulad ng iniulat ng aming clinical staff. Sa mga pasyenteng pumunta sa aming mga pasilidad pangkalusugan sa unang pagkakataon, 18.3% ang may mga sugat na nagkaroon ng impeksyon. Ito’y nakababahala dahil sa mataas na antas ng antimicrobial resistance sa rehiyon at dahil sa kakulangan ng mga gumaganang laboratoryo para sa microbiology o mga angkop na antibiotic. Sa isang pasilidad pangkalusugan na sinusuportahan ng Doctors Without Borders , umaabot ang bilang ng mga pasyenteng may sugat na nagkakaroon ng impeksyon sa 28%.
Sistematikong pinupuntirya ng mga awtoridad na Israeli ang pangangalagang pangkalusugan sa Gaza—binobomba ang mga ospital, sinasalakay ang mga pasilidad medikal, at inilalagay sa panganib ang mga buhay ng mga staff at mga pasyente. Ang mga ginagawang ito ay maaaring ituring na mga krimen sa digmaan. Ang iilang ospital na gumagana pa ay napupuspos at kulang sa mga supply. Bilang resulta, ang mga pasyente ay nagdurusa at namamatay nang hindi naman kinakailangan.
12 sa aming mga kasamahan ang napatay at si Dr. Mohammed Obeid, isang orthopedic surgeon ng Doctors Without Borders ay nananatiling nakakulong mula noong ipiniit siya ng Israel noong Oktubre 2024. Sa kabuuan, mahigit 1,500 na health worker ang napatay. Ang bawat isa ay nakapanlulumong kawalan para sa kanilang mga pamilya, at para sa sistemang pangkalusugan ng Gaza.
Sadyang sinasakal ng mga awtoridad na Israeli ang Gaza sa pamamagitan ng pagpapataw ng ganap na pagkubkob na sadyang tinatanggalan ang mga tao ng mga mapagkukunan ng gasolina, pagkain, tubig at medical supplies. Sa pamamagitan ng patakaran ng kolektibong pagpaparusa, kung saan kabilang ang sadyang pagpapagutom, naabot na ng mga Israeli ang kanilang layunin – nagdeklara na ng taggutom sa Gaza. Ipinakita ng isang survey sa mga klinika ng Doctors Without Borders sa Gaza na mga 25% ng mga buntis o nagpapasusuong kababaihan ay malnourished, isang kondisyong maaring makadagdag sa panganib na manganak ng patay na sanggol, makunan at manganak nang maaga.
Ang limitadong food aid ay ginagawang sandata. Ang tinatawag nilang Gaza Humanitarian Foundation (GHF), na pinatatakbo ng mga Israeli at pinopondohan ng US, ay responsable sa pagpatay ng 1,400 na tao at pagdulot ng pinsala sa 4,000 pa. Gumamot kami ng mga batang binaril sa dibdib habang inaabot nila ang mga pagkain, at mga taong naipit at hindi makahinga sa gitna ng mga kaguluhan. Nakita sa isang detalyadong pagsusuri ng mga pasyenteng nasa aming klinika na nasugatan dahil sa pamamaril na 11% ng mga bala ay tumama sa ulo at leeg, at 19% naman ang tinamaan sa dibdib, tiyan, o likod. Ang mga pag-uulit at katumpakan ng mga bahaging pinatatamaan ng mga namamaril ay maaaring pagpapatunay na ang mga tao sa loob at paligid ng mga distribution site ay sinadyang puntiryahin at hindi sila mga biktima lang ng mga aksidente o ng walang pinipiling pamamaril para sa tinatawag na “crowd control” (pagkontrol sa kaguluhan ng mga tao). Walang ibang paraan upang ilarawan ang pagpatay sa mga bata kundi na ito ay sinadya. Ang ganitong antas ng brutal na kalupitan ay hindi katanggap-tanggap.
Sa kabila ng mga pagkondena at mga panawagan na buwagin na ito, ang hindi pagkilos ng mundo upang pigilan ang GHF ay isang malaking palaisipan.
Ang sinasadyang kakulangan ng tubig ay nauuwi sa mga kumakalat na sakit. Nitong nakaraang buwan, ginamot ng medical staff ng Doctors Without Borders ang 4,000 na tao para sa watery diarrhea, na maaaring ikamatay ng mga malnourished na bata. Maaari naming dagdagan ang supply ng malinis na tubig, ngunit lagi kaming hinahadlangan sa pamamagitan ng mga paghihigpit sa pag-aangkat.
Samantala, ang mga karahasan ng mga dayo at ng estado sa okupadong West Bank ay patindi nang patindi. Lumalala rin ang mga insidente ng pagnanakaw ng mga lupain, puwersahang pagpapaalis ng mga tao mula sa kanilang tahanan, at pagsalakay sa mga komunidad, bilang bahagi ng mga patakarang dinisenyo upang baguhin ang demograpiya ng West Bank.
Pinapalitan ng isang Doctors Without Borders nurse ang benda ng batang pasyente sa klinika sa Gaza City. Nagtamo siya ng mga sugat sa paso matapos ma-target ang kanilang bahay sa Beit Hanoun. Palestine, Disyembre 2024. © MSF
Sa pamamagitan ng pagbibigay ng suportang pulitikal, militar, o materyal sa Israel, o sa pananatiling walang imik sa nangyayari, ang mga pamahalaan sa iba’t ibang bahagi ng mundo ay nagiging kasabwat sa pagpatay ng lahi. Mayroon silang moral at legal na obligasyon upang tumugon. Nangangahulugan ito ng tunay na pulitikal na panggigipit at hindi lang mga hungkag na salita, gamit ang lahat ng makabuluhang pulitikal, diplomatiko, at pang-ekonomiyang hakbang upang pigilan ang mga kalupitang ito. Kabilang rito ang pagtitiyak na ang lahat ng bansa ay titigil na sa paghahatid ng mga armas na ginagamit upang pumatay at magdulot ng pinsala sa mga tao, at upang mangwasak ng mga imprastrukturang sibilyan sa Gaza.
Dapat tiyakin ng mga estado ang isang agarang ceasefire, wakasan ang pagkubkob at siguruhing bibigyan ng pahintulot ng mga awtoridad na Israeli ang agaran at hindi hahadlangang paghahatid ng maraming humanitarian aid nang may kasarinlan. Dapat maprotektahan ang mga pasilidad medikal at mga health worker at dapat na ring tigilan ang paglabas ng mga emergency na kautusan para sa paglikas at ang sapilitang pagpapaalis sa mga tao mula sa kanilang mga tirahan.
Ang mga pagsalakay ng Hamas noong Oktubre 2023 ay kahila-hilakbot. Ang lahat ng mga naiwang hostage ay dapat payagan nang umuwi, pati na rin ang mga Palestinong kasalukuyang pansamantalang nakakulong. Dapat na ring buksan ang mga hangganan upang bigyang-daan ang paglikas ng mga taong gusto nang umalis, at para na rin sa mga pasyenteng may kagyat na pangangailangan para sa pangangalaga ng mga espesyalista. Ang mga pamahalaan ay dapat maging aktibo sa pagpapadali ng paggamit ng mga makasagip-buhay na daang ito at ng right of return (karapatang bumalik) kapag ligtas na ang mga kondisyon para rito.
Ang pagpatay ng lahi ay dapat nang tigilan. Hindi ito kayang gawin ng mga doktor, ngunit kaya ito ng mga pinuno sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Tanging ang mga pinuno ng daigdig ang makagagawa nito. Kaya naman, hinihingi namin ang inyong suporta: ipaabot ninyo ang mensaheng ito sa inyong pamahalaan sa lalong madaling panahon.
Itigil ang genocide laban sa mga Palestinian sa Gaza. Itigil ang ethnic cleansing at forced displacement. I-secure ang isang agaran at matagal na tigil-putukan. Iangat ang pagkubkob at payagan ang agarang, walang hadlang na paghahatid ng malakihan, independiyenteng tulong na makatao. Itigil ang pag-atake sa mga pasilidad na medikal at manggagawang pangkalusugan.
Susuportahan mo ba ang aming emergency response?
Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.
Dr. Wilson Li is an orthopedic surgeon from Hong Kong, and the vice president of the Doctors Without Borders Hong Kong Regional Association. He holds honorary professorships at universities in Hong Kong and Beijing. He has previously worked as a Doctors Without Borders trauma surgeon in Iraq, Afghanistan, and Haiti.
Dr. Veena Pillai is a medical professional from Malaysia and board member of Doctors Without Borders Hong Kong Regional Association. She has led clinical and coordination work in Doctors Without Borders projects in South Sudan and Ethiopia.