Skip to main content
SA KASALUKUYAN Ebola sa DRC: Doctors Without Borders, pinalalaki ang pagtugon sa mabilis na nagbabagong anyo ng outbreak Magbasa pa

    Pinagsamang panawagan ng ICRC, WHO at MSF para sa pagtataguyod ng mga estado sa Resolusyon 2286

    MSF ambulance

    Isang ambulansya ng Doctors Without Borders. Cameroon, 2020 © Scott Hamilton/MSF

    Habang patuloy na naaapektuhan ng karahasan ang mga medikal na pasilidad, transportasyon at staff, ang pinsalang sinisikap ng resolusyong ito na mapigilan ay hindi nababawasan. Ito'y walang humpay at sa maraming konteksto, ito pa nga’y naging mas matindi. Bilang mga pinuno ng International Committee of the Red Cross (ICRC), ng World Health Organisation (WHO), at ng Doctors Without Borders/Médecins Sans Frontières (MSF), nakikiisa kami sa ibang miyembro ng pandaigdigang komunidad sa  panawagan para sa agarang pagkilos.

    Araw-araw, sa mga frontline ng mga pinakamatinding krisis, ang aming mga team ay naging saksi sa mga malalang kinahihinatnan ng hindi paggalang sa pangangalagang pangkalusugan. Gumuho na ang mga ospital, ang mga ambulansya ay naaantala o naharangan, at ang mga doktor, mga nars at ang mga pasyente ay madalas na nadadamay sa mga pagsalakay na nagiging sanhi ng kanilang pagkamatay o pagtamo ng pinsala. May mga namamatay na mga pasyente dahil sa mga sugat na maaari namang gamutin. May mga kababaihang napilitang manganak nang walang sapat na pangangalaga, at may mga komunidad na nawalan ng mapagkukunan ng makasagip-buhay na serbisyo. Kapag ang pangangalagang pangkalusugan ay hindi na ligtas, ito ang pinakamalinaw na senyales na ang mga alituntunin na dapat pumipigil sa pinsalang idinudulot ng digmaan ay nawawalan ng saysay. Kapag ang mga ospital at ang mga tagapagbigay ng pangangalaga ay sinasalakay, nahaharap tayo hindi lang sa isang krisis na humanitarian, kundi sa isang  krisis ng ating pagkatao.

    Ang mga estado at lahat ng mga partidong sangkot sa armadong hidwaan ay dapat sumunod sa mga patakarang nagpoprotekta sa pangangalagang pangkalusugan. Ang obligasyon na itinatakda ng international humanitarian law (IHL) na “respetuhin at tiyakin ang pagrespeto ... sa lahat ng pagkakataon” ay  hindi lamang tumutukoy sa pagsunod ng mga estado sa mga patakarang ito, kundi pati na rin sa paggamit nila ng kanilang impluwensya upang tiyaking susunod din ang ibang mga estado at partidong sangkot sa hidwaan.

    Ang mga rekomendasyon ng Secretary-General ng UN na kasama sa Resolusyon 2286 ay nananatiling isang malinaw at maisasakatuparang gabay para sa mga estado. Ang ICRC, WHO at ang MSF ay laging handang  ipadama ang kanilang presensya sa mga lugar ng  hidwaan, ibahagi ang kanilang kadalubhasaang medikal, at gamitin ang kanilang kapasidad upang suportahan ang mga estado sa pagpapatupad ng mahahalagang hakbang na ito.

    Nariyan din ang World Health Assembly Resolution 65.20, na ipinatupad noong 2012, at nagpakilala ng sistematikong paraan ng pagdodokumento at pag-uulat ng WHO ukol sa mga pagsalakay sa pangangalagang pangkalusugan. Ang pagpapalakas ng maaasahan at malinaw na pag-uulat ay mahalaga sa paglalatag ng mga ebidensya, pagbabahagi ng impormasyon para sa pagpigil at pagtugon, at pagsuporta sa  pananagutan.

    Upang itaguyod at isulong ang hinihingi ng Resolusyon 2286 na “ang lahat ng  mga partidong sangkot sa mga armadong hidwaan ay dapat tumupad sa kanilang mga obligasyon sa ilalim ng pandaigdigang batas  ... upang tiyakin ang pagrespeto at pagprotekta sa lahat ng  medical at humanitarian personnel na nakatuon sa kanilang mga tungkuling medikal, sa kanilang mga sasakyan at kagamitan, pati na rin ang mga ospital at iba pang mga medikal na pasilidad"; at upang maiwasan ang isa na namang dekada ng mga nasisirang pamantayan at ng hindi makatwirang karahasang nakaaapekto sa pangangalagang pangkalusugan sa mga lugar ng alitan, nananawagan kami sa lahat ng mga estado na agad ipatupad ang mga sumusunod:

    • Gawing konkretong  pagkilos ang mga umiiral na pangako sa pagpapatupad ng Resolusyon 2286 at itaguyod ang mga positibong hakbang, kasama rito ang resulta ng pagsisikap ng Global IHL na mabigyan ng makahulugang proteksyon ang mga ospital.

    • Isama ang proteksyon ng pangangalagang pangkalusugan sa doktrina ng mga puwersang sandatahan at panseguridad, mga alituntunin sa pakikipaglaban at gabay sa operasyon upang tuparin ang mga obligasyon sa IHL.

    • Muling pag-aralan, isagawa at patatagin ang mga lokal na batas upang maprotektahan ang pangangalagang pangkalusugan sa gitna ng armadong hidwaan.

    • Maglaan ng sapat na mapagkukunang-yaman para sa mga pangangailangang pinansyal, teknikal at pang-operasyon upang maipatupad ang mga hakbang sa pagpoprotekta ng pangangalagang pangkalusugan, at sa pagtataguyod ng respeto sa pagbibigay nito.   

    • Gamitin ang lahat ng paraan upang maimpluwensyahan ang ibang mga partidong sangkot sa alitan – kabilang rito ang mga sinusuportahan ng mga estado, anuman ang kanilang anyo – na tuparin ang kanilang mga obligasyon upang maprotektahan ang pangangalagang pangkalusugan.

    • Magsagawa ng mga mabilis, hayag at walang kinikilingang pag-imbestiga sa mga pagsalakay sa pangangalagang pangkalusugan at suportahan ang mga pagsisikap na tiyaking may mananagutan nang naaayon sa mga angkop na batas.

    • Magbigay ng regular at malinaw na ulat ukol sa implementasyon ng Resolusyon 2286. Kabilang rito ang mga pag-unlad, mga hamon, mga mahuhusay na gawain at mga aral na natutunan upang masuportahan ang ganap na implementasyon nito.

    Sampung taon na ang nakalilipas mula noong muling manindigan ang pandaigdigang komunidad na ang mga alituntunin sa panahon ng digmaan ay dapat igalang at ang mga sugatan at may sakit, pati na rin ang mga nag-aalaga sa kanila ay dapat protektahan. Ngayon, patuloy ang pagwasak o pagpinsala sa mga pasilidad pangkalusugan. Ang mga medical worker at mga pasyente ay naiipit sa mga pagsalakay na nagiging sanhi ng kanilang pagkamatay o pagtamo ng pinsala. Ito ay hindi pagkukulang ng batas. Ito ay pagkukulang ng paninindigang pulitikal.

    Inuudyukan namin ang mga pinuno sa iba’t ibang bahagi ng mundo na kumilos at magpakita ng pulitikal na determinasyon upang wakasan ang karahasang ito. Ang pangangalagang pangkalusugan ay hindi kailanman dapat isakripisyo sa isang digmaan.