Mga pagsalakay sa pangangalagang pangkalusugan: Karapat-dapat ang mga medical staff na makatanggap ng higit sa mga hungkag na pangako
Isang napinsalang medical at health aid centre sa barangay ng Davydiv Brid, Kherson Oblast. Enero 2023, Ukraine © Colin Delfosse
Geneva, 30 Abril 2026 – Sa Mayo 3, sampung taon na mula noong nagkakaisang pinagtibay ng United Nations Security Council ang Resolusyon 2286. Mahigit 80 na mga miyembrong estado ang nanindigan na kanilang poprotektahan ang mga medikal at humanitarian personnel, imprastruktura, transportasyon at kagamitan. Ngayon, ang pandaigdigang organisasyong medikal at humanitarian na Doctors Without Borders/Médecins Sans Frontières (MSF) ay nananawagan sa mga estadong ito na maging tapat sa kanilang pangako, at protektahan ang pangangalagang medikal.
Ang Doctors Without Borders ay may mga team na nagtatrabaho sa mahigit 70 na bansa sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Kabilang rito ang Occupied Palestinian Territory, Lebanon, Ukraine, Sudan at Myanmar, pati na rin ang ibang mga lugar na may nagaganap na hidwaan o digmaan. Sa nakaraang dekada, 21 na staff ng Doctors Without Borders ang pinaslang sa 15 na insidente habang ginagawa nila ang kanilang tungkulin. Noong 2025 lamang, ang Surveillance System for Attacks on Health Care (SSA) ng World Health Organisation ay nag-ulat ng 1,348 na mga pagsalakay sa mga medikal na pasilidad, na naging sanhi ng pagkamatay ng 1,981 na tao.
“Ang itinuturing na kakaiba dati ay pangkaraniwan na ngayon,” sabi ni Dr. Javid Abdelmoneim, International President ng Doctors Without Borders. “Nakakakita tayo ng hayagang pagwawalang-bahala sa proteksyon ng mga misyong medikal sa mga bansang nasa digmaan. Ang mga estado na nangako noong 2016 na poprotektahan ang pangangalagang medikal ay hindi na maaaring magkubli sa likod ng mga pagdadahilan at panunumbat sa iba. Sa halip, dapat na silang kumilos.”
Nitong nakaraang dekada, iba-iba ang mga ginawang pagsalakay sa pangangalagang pangkalusugan. Kabilang rito ang mga airstrike sa mga ospital sa Syria at Yemen, ang mga shelling ng mga ospital sa Ukraine at sa Occupied Palestinian Territory, mga drone strike sa isang ospital sa Myanmar, at mga pagsalakay sa mga ambulansyang may malinaw na marka sa Cameroon, Haiti at Lebanon. Ang mga tugon ng mga estadong may kinalaman sa mga pangyayaring ito ay kadalasang pagtanggi, pagkunwari na ito’y pagkakamali lamang, o mga akusasyon ng pagkawala ng proteksyon nang walang katibayan. Ang mga health worker ay tinatrato bilang mga pinaghihinalaan, sa halip na mga pinoprotektahan.
Mga halimbawa ng mga pagsalakay sa pangangalagang pangkalusugan nitong nakaraang dekada
Ang ospital ng Doctors Without Borders sa Lankien ay pinatamaan sa isang airstrike na isinagawa ng puwersa ng pamahalaan ng South Sudan noong gabi ng Pebrero 3. Isang staff ng Doctors Without Borders ang nagtamo ng hindi malubhang pinsala. Ang pangunahing bodega ng ospital ay winasak ng pagsalakay, at nagresulta sa pagkawala ng karamihan sa mahahalagang supplies ng Doctors Without Borders para makapagbigay ng pangangalagang medikal. South Sudan, 2026 © MSF
Ang Doctors Without Borders staff sa harap ng Nasser Hospital sa Gaza pagkatapos ng isang strike ng mga Israeli noong Marso 23, 2025. Pinuntirya ng mga puwersang Israeli ang inpatient surgical department sa Nasser Hospital, at ito’y nagresulta sa pagkamatay ng dalawang tao, ayon sa Ministry of Health. Palestine, 2025 © MSF
Noong 2024, isang ambulansya ng Doctors Without Borders ang pinahinto ng mga miyembro ng isang self-defence group at ng mga pulis. Nauwi ito sa pagpatay ng hindi bababa sa dalawang pasyente. Ang staff ng Doctors Without Borders na nasa ambulansya ay sinalakay, ininsulto, binatuhan ng tear gas, binantaang papatayin, at ginawang mga bihag. Port-au-Prince, Haiti, Setyembre 2024 © Didier Rigole/MSF
Ang Doctors Without Borders ay nagpatakbo ng 14 na mga mobile clinic sa Northern Rakhine, kung saan nagbigay sila ng mahahalagang serbisyong medikal sa lahat ng mga komunidad, kabilang ang mga Rakhine, Rohingya at iba pang mga pangkat na minorya. Ang team ng Doctors Without Borders sa Shan ay nakatanggap ng mga ulat na ang Pang Hseng Hospital, isang pasilidad na sinusuportahan ng MSF noon, ay pinatamaan ng isang drone strike. Dahil sa malubhang paglala ng hidwaan, walang pinipiling karahasan, at mga matinding paghihigpit sa humanitarian access, napilitan ang Doctors Without Borders na suspindihin ang lahat ng mga aktibidad nito. Myanmar, 2024 © Zoe Bennell/MSF
Isang ambulansya ng Doctors Without Borders ang pinagbabaril ng mga armadong kalalakihan. Dahil dito’y nasaktan ang isang nars. Cameroon, 2020 © Scott Hamilton/MSF
Ang agarang kinahihinatnan ng mga pagsalakay ay ang mga pinsalang idinudulot sa mga tao at ang pagkawala ng buhay. Sa pangmatagalan, ang kinahihinatnan nito ay ang pagkakait sa mga komunidad ng makasagip-buhay na pangangalaga sapagka’t ang imprastrukturang pangkalusugan ay hindi naitatayong muli o napipilitan ang mga organisasyong humanitarian na suspindihin ang kanilang mga aktibidad dahil sa mga isyu ng seguridad.
Noong 2025, ang mga team ng Doctors Without Borders sa Sudan ay nagsagawa ng halos 850,000 na mga outpatient consultation, tumanggap ng halos 95,600 na pasyente sa ospital at tumulong sa halos 29,000 na mga panganganak. Sa Gaza, sa ganito ring panahon, ang mga team ay nakapagsagawa ng 913,000 na mga outpatient consultation, tumanggap ng halos 54,000 na pasyente at nagpatakbo ng 89,800 na mga sesyon para sa kalusugang pangkaisipan. Sa Ukraine noong 2025, ang mga ambulansya ng Doctors Without Borders ay nagsangguni ng 10,700 na mga pasyente. 60% ng mga ito ay nagtamo ng pinsala dahil sa digmaan, at ang mga team ay nagsagawa ng 45,300 na mga outpatient consultation sa mobile clinic at nagdaos ng 9,750 na mga physiotherapy session. Kapag napinsala o nawasak ang mga imprastrukturang pangkalusugan, at ang mga tao’y natatakot umalis sa kanilang mga tahanan upang kumuha ng pangangalagang medikal, ang nagdurusa ay ang mga komunidad.
“Ang pangangalagang medikal sa gitna ng hidwaan ay nasa matinding panganib, sapagka’t nakakakita tayo ng mga pagsalakay sa mga healthcare worker at sa mga gumaganang imprastrukturang pangkalusugan sa halos lahat ng mga hidwaan nitong nakaraang dekada. Hinihingi ng Doctors Without Borders sa mga estado na tuparin ang kanilang mga obligasyon at mga pangako sa ilalim ng Resolusyon 2286 para sa mas malawak na proteksyon at pananagutan. Ang proteksyong ipinapangako sa amin at sa aming mga pasyente sa ilalim ng International Humanitarian Law (IHL) ay dapat ipakita sa gawa, hindi lamang sa salita.”
Ang ulat na pinamagatang “Medical Care in the Crosshairs” ay nagbibigay ng pangkalahatang pananaw ukol sa mga pagsalakay sa mga misyong medikal at humanitarian na hango sa mga kaalamang nasa mga international database, sa mga pagsusuri, at pati na rin sa mga karanasan ng Doctors Without Borders.
Will you support our work?
Help us provide lifesaving medical care by making a donation today.
Related articles