Skip to main content
SA KASALUKUYAN DRC: Naghahanda ang Doctors Without Borders para sa malawakang pagtugon sa outbreak ng Ebola Magbasa pa

    'Krisis ng pagmamalasakit sa Sudan, iginuhit ko sa aking watercolour journal'

    Illustration of war in Sudan by a Doctors Without Borders (MSF) staff

    Mga larawang guhit ni Narin Fandoglu.

    Magkakaiba ang mga eksena: iba-ibang edad, kasarian, mga mukha, at mga kuwento. Ngunit kapag tinitigan ko ang mga mata ng mga kabataan, mga kababaihan, o maging ng mga kalalakihan na nasa daan ng pagkawala ng tirahan at migrasyon, alam n’yo ba kung sino ang nakikita ko sa kanilang mga mata? Nakikita ko ang aking sarili. 

    Ako si Narin Fandoglu—isang ordinaryong tao bago ako naging isang humanitarian. Nagsimula ang aking paglalakbay kasama ang Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) noong 2016. Pagkalipas ng ilang taon, habang nagtatrabaho ako sa mga pagtugon sa migrasyon, nagulantang ako nang napagtanto kong ako rin ay isang migrante noong ako’y bata pa. Nanatili sa akin ang realisasyong iyon, at naniniwala akong binigyang-hubog nito ang aking tinahak na daan sa Doctors Without Borders. 

    Sa halos isang dekada ng pagtatrabaho sa Doctors Without Borders, hindi ko na mabilang ang mga kuwentong ipinasulat sa akin. May mga gabing dumugo ang puso ko dahil sa mga nakita ko at narinig. May mga sandaling ang bigat ng aking dinadala ay nagtulak sa akin sa tila kawalan ng emosyon – hindi ko magawang umiyak, hindi ko magawang sumigaw.  

    Napakabigat ng pinapasan ko. Subali’t dahil kailangan kong alagaan ang aking sarili upang maipagpatuloy ko ang pangangalaga sa iba, kinailangan ko ng paraan upang mailabas ang aking nararamdaman. Kaya’t naisip kong balikan ang isang libangan ko noong ako’y bata pa: ang pagguhit. 

    Noong 2017, sinimulan kong iguhit ang mga nakita ko sa aking watercolour journal. Nakatulong ito, iniyak ko, at pagbalik ko kinabukasan, handa na uli akong suportahan ang mga taong nangangailangan. 

    Ang pagguhit ay naging paraan upang pabagalin ko ang aking pagkilos, iproseso ang aking mga nararamdaman, at ituloy ang aking ginagawa. 

    A woman holding her sketch book where she draw what she saw in Sudan

    Binigyang-buhay ng Operations Advisor ng Doctors Without Borders (MSF) Switzerland na si Narin Fandoglu ang kanyang mga karanasan sa pamamagitan ng pagguhit ng mga larawan sa kanyang pagbisita sa Sudan.  

    Sa mga daan ng Khartoum at ng Darfur 

    Dalawang beses kong binisita ang Sudan noong 2025, isang beses sa silangan, at isa sa kanluran. Masakit para sa akin na makilala ang bansa sa ganitong paraan, nang nahahati ito sa dalawa. 

    Noong Pebrero, pumunta ako sa Chad, at mula roon ay tumawid ako sa hangganan papuntang Darfur, Sudan. Dalawang linggo ako sa El Geneina, ang kabisera ng West Darfur, at pagkatapos ay isang linggo naman sa Fora Baranga sa timog ng estadong ito, kung saan sinisimulan pa lang ang isang proyekto ng Doctors Without Borders para sa malnutrisyon at sa kalusugan ng mga bata. Bumalik ako noong katapusan ng Mayo, sa pagkakataong ito’y sa Port Sudan naman ako tumungo at pagkatapos ay sa Khartoum. 

    Isa sa pinakamalaking hamon sa Sudan ay ang daan papasok ng bansa. Upang marating ang Khartoum, lumipad kami mula Geneva patungong Nairobi, at pagkatapos ay papunta naman ng Port Sudan, at bilang pagwawakas ay dalawang oras kaming naglakbay sa lupa. Isang mahabang biyahe para lang makarating roon. Sa aking pagdating, natuwa akong makita ang aking mga kasamahan, na mahigit isang buwan nang naghihintay para sa kanilang visa at iba pang mga papeles upang makapasok sa bansa. 

    Mula noong pumutok ang digmaan sa Khartoum noong Abril 2023, masugid kong sinubaybayan ang mga balita tungkol dito. Kadalasan, hindi ako ang karaniwang unang tumutugon – nauuna ang mga kasamahan ko sa pagkilos – ngunit lagi kong naiisip ang Sudan mula noong may mga naganap na demonstrasyon doon noong 2019. Nakaramdam ako ng koneksyon, lalo na sa mga kababaihang nasa frontline. Nagbigay ng inspirasyon sa akin ang kanilang katapangan; nakaramdam ako ng pakikiisa sa kanila.  

    Naantig akong makita kung gaano katiyaga ang aking mga kasamahan sa pagsasaayos ng aming mga papeles upang makapasok kami sa bansa at masimulan ang aming mga gawain. Ngayon, kabilang sa aming mga team ang mahigit sa 1,400 na staff, mga lokal at may mga galing rin sa ibang bansa, na nagtatrabaho sa iba’t ibang pasilidad pangkalusugan at sinusuportahan ang mga team ng Ministry of Health. Ang makita ang ganitong antas ng pag-unlad sa kabila ng mga balakid ay nakapagbigay sa akin ng lakas ng loob.

    Mga iginuhit kong larawan na nanatili sa akin 

    Ngayong taon sa Sudan, ipinagpatuloy ko ang pagguhit. Ngunit ngayon, gusto kong ilarawan din ang aking nakikita, ang aking nararamdaman. 

    Kapag umuuwi ako mula sa mga bansang tulad ng Sudan, kung saan may mga nakalimutan nang hidwaan, iniisip ng mga tao sa paligid ko, kahit ng mga pinakamalapit sa akin, na ang mga lugar na ito ay panay digmaan at pagdurusa lamang. Hindi nila ako tinatanong tungkol sa pang-araw-araw na pamumuhay roon; ang iba nama’y talagang umiiwas sa ganoong usapan. Sa pamamagitan ng aking mga iginuhit, sinusubukan kong magbahagi ng ibang pananaw. 

    Gumuguhit ako ng maliliit na detalye: mga pamilihan, kapihan, mga kalsada, at pagkain. Nais kong ipakita na hindi lang panay hidwaan ang nasa Sudan. Kasabay ng digmaan, mayroon ding katatagan, kagandahan, at araw-araw na pamumuhay. 

    Noong ibinahagi ko ang iginuhit kong mga piramide ng Sudan, maraming mga taong hindi alam na may mga ganoong istruktura sa bansa. Ang larawang ito ay nagbigay-daan sa pag-uusap tungkol sa kasaysayan at kultura, hindi lang tungkol sa digmaan. 

    Sa El Geneina, ang kabisera ng West Darfur, ipininta ko ang isang banga na gawa sa luwad na nakita ko sa kalye. Ipinaliwanag ng aking mga kasamahan na pinanatili ng mga magkakapitbahay ang bangang ito upang ang sinumang dumaan ay maaaring uminom ng malamig na tubig mula rito. Isang simpleng tradisyon ng pagbibigay na buhay na buhay kahit sa gitna ng digmaan. Lubos itong nakaantig ng aking damdamin, kung kaya’t gusto kong bigyan ito ng parangal sa pamamagitan ng pagpinta.

    Mula sa Darfur, naalala ko ang isang lalaking may dalang mga panggatong sa isang kariton na hila-hila ng isang pagod na asno. Napakainit noong araw na iyon, tuyong-tuyo ang kapaligiran, habang ang mga tao’y ilang oras nang naghihintay. Mula sa kumportable at madaling pamumuhay sa Geneva, ang lungsod kung saan ako nakatira, patungo sa lugar ng mga alitan – nabagabag ako sa malaking pagkakaiba ng dalawang lugar. Iniwan ako nito na nagtatanong tungkol sa kawalan ng hustisya sa ating nahahating mundo. 

    Sa daan mula sa Port Sudan papuntang Khartoum, naalala ko ang isang babaeng nagtitinda ng kape. Ang kanyang maliit na tindahan ay itinayo sa harap ng isang bahay na kalahati na ang sira, at nasa halos gitna ng kawalan. Noong una, akala ko’y mag-isa lang siya ngunit napansin ko ang isang sanggol sa kama sa likod niya, at isang batang naglalaro sa di-kalayuan. Nagtatrabaho siya habang inaalagaan niya ang kanyang mga anak. Noong sinabi kong gusto ko ng kapeng walang asukal o luya, tumawa siya at tinukso ako dahil sa aking panlasa. Ang kanyang lakas at magaang pakikitungo ay karaniwang makikita sa mga kababaihang Sudanese. 

    Ipininta ko – hindi ang isang larawan niya, kundi ang kanyang alaala. Pinaghalo ko ang kanyang presensya at ang iniwan niyang bakas.
    Illustration of war in Sudan by a Doctors Without Borders (MSF) staff

    Mga larawan pagmamay-ari ni Narin Fandoglu
     

    Paano Kung Ako’y isang Sudanese… 

    Saan man ako pumunta, tinatanong ko sa aking sarili: kung dito ako ipinanganak, ano kaya ang naging buhay ko? Hindi natin pinipili kung saan tayo isisilang, kung sino ang magiging pamilya natin o anong nakalagay sa ating pasaporte. Bagama’t mahalaga ang mga pinipili natin, ang lugar na ating pinagmulan ay nagbibigay-hugis sa ating paroroonan. 

    Kapag nakakakita ako ng mga refugee o mga taong sinusuportahan namin, nakikita ko ang aking sarili sa kanila. Maaaring ako ang nasa katayuan nila; o maaaring sila ang nasa katayuan ko.  

    Ang aming trabaho ay hindi tungkol sa magbibigay ng tulong at tatanggap nito – ito ay tungkol sa pagkakaisa ng mga tao.

    Gayunpaman, madalas kong nararamdaman na nahuhuli ako sa pagitan ng mga buhay. 

    Dumarating ako mula sa napakakumportable kong buhay sa Geneva,habang ang mga kasamahan kong Sudanese ay nakatira sa mga liblib na pook o sa mga displacement camp. Napapaisip tuloy ako: dapat ko bang dagdagan ang mga ginagawa ko? Ang aking pamilya at ang aking mga kaibigan ay nabubuhay nang wala ako tatlo hanggang apat na buwan sa isang taon. Ang mga plano ay maaaring magbago. Nararamdaman ko rin ang pangangailangang ipaliwanag ang ginagawa ko, at kung ano ang nagaganap doon. 

    Kaya’t kapag sabihin kong muli sa aking mga pamilya at kaibigan na, ‘Pupunta ako sa Sudan,’ umaasa akong maiisip nila hindi lang kung gaano kalalim ang epekto ng digmaan sa mga tao, ngunit na mayroon ding init ng damdamin, humor, at pang-araw-araw na pamumuhay na nagpapatuloy pa rin doon. Sa pamamagitan ng mga iginuhit ko, higit na makatotohanan ang naibabahagi ko tungkol sa Sudan. 

    Ngayon gusto kong ipakita sa mas maraming tao – kayo na nagbabasa ng aking mga sinasabi, dahil gusto kong makita ninyo ang tunay na Sudan, isang bansang tila nakalimutan na. Nahaharap tayo hindi lang sa isang krisis na humanitarian, ngunit sa isang krisis ng pagmamalasakit, dahil ito ay nagsisimula sa pagtingin at pagtangging talikuran ito.

    Kung ang mga tao’y maglalaan lamang ng ilang sandali upang magbasa tungkol sa Sudan, upang sila’y makapag-isip, makidama, at ilagay ang kanilang mga sarili sa lugar ng mga nabubuhay sa gitna ng digmaang ito – iyon ang isa sa mga pinakamakahulugang magagawa nila. 

    Hindi natin mapipigilan ang digmaan sa pamamagitan ng mga pagguhit, ngunit maaari tayong tumangging talikuran ito, at sa halip ay maging saksi.

    Susuportahan mo ba ang aming emergency response?

    Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.


    Narin Fandoglu
    Operational Advisor

    Narin Fandoglu is Doctors Without Borders (MSF) operational advisor based in Geneva.

    Categories