Skip to main content
SA KASALUKUYAN DRC: Naghahanda ang Doctors Without Borders para sa malawakang pagtugon sa outbreak ng Ebola Magbasa pa

    Ang mga pamamahagi ng pagkain na pinatatakbo ng GHF ay mga planadong pagpatay at dehumanisasyon—kailangang ipasara ang mga ito

    Palestinians at the GHF distribution site

    Inilalagay ng mga Palestino sa panganib ang kanilang mga buhay sa GHF distribution site sa Netzarim upang makatanggap ng kaunting pagkain. Palestine, 2025. © MSF

    For 22 months, Palestinians in Gaza have endured bombardment, forced displacement, and starvation. The imposition since 27 May 2025 of a new Israeli and US government food distribution scheme run by the GHF proves that replacing conventional pragmatic and principled humanitarian aid is as ineffective as it is deadly because it weaponises aid.  

    22 na buwan nang tinitiis ng mga Palestino sa Gaza ang mga pagbobomba, puwersahang paglisan sa kanilang mga tirahan, at pagkagutom. Ang pagpataw mula noong Mayo 27, 2025 ng mga pamahalaan ng US at Israel ng isang bagong pamamaraan ng pamamahagi ng pagkain na pinatatakbo ng GHF ay patunay na ang pagpapalit sa mga nakagawian, mga nakabatay sa prinsipyo, at gumaganang pamamahagi ng humanitarian aid ay hindi epektibo at maaaring nakamamatay dahil ginagawa nitong sandata ang pagtulong

    Mula sa mahigit sa 400 na distribution site ng UN noong nagkaroon ng ceasefire, naging apat na hub na lang ang mga lugar ng pamamahagi sa ilalim ng GHF. Ang lahat ng mga lugar na ito ay nasa mga sonang may matinding presensyang militar sa ilalim ng mga kautusang Israeli para sa paglikas na binabantayan ng mga pribadong kontratista mula sa US, at kung saan ang mga militar na Israeli ang nagkokontrol sa panlabas na hangganan. Dapat nating tandaan na ang GHF ay walang karanasan sa paghahatid ng humanitarian aid

    Ang pinakabagong ulat ng Doctors Without Borders, This is not aid. This is orchestrated killing.” (Hindi ito aid. Ito ay planadong pagpatay), ay nagdokumento ng mga kahindik-hindik na nasaksihan ng aming mga team sa mga klinika ng Al-Mawasi at Al-Attar sa Southern Gaza. Ang mga klinikang ito ay laging dinadagsa ng mga naging biktima ng karahasan sa mga militarisadong food distribution site ng GHF.  

    Sa pagitan ng Hunyo 7 at Hulyo 24, 2025, ang mga medical team ng Doctors Without Borders ay nakatanggap ng 1,380 na mga casualty, kabilang rito ang 28 na namatay sa dalawa naming klinika malapit sa tatlong distribution site ng GHF. Sa loob lamang ng pitong linggo, ginamot ng aming mga team ang 71 na batang nagtamo ng pinsala dahil sa pamamaril. 25 sa kanila ay wala pang 15 na taong gulang. Dahil sa wala silang alternatibong mapagkukunan ng pagkain, walang magawa ang mga nagugutom na pamilya kundi ang papuntahin ang kanilang mga binatilyong anak sa nakamamatay na lugar dahil sa sila lang sa mga miyembro ng pamilya ang may kakayahang makapaglakbay.  

    Isa sa aming mga naging pasyente ay isang 12 na taong gulang na batang lalaki na tinamaan ng bala na tumagos hanggang sa kanyang tiyan. May ginamot din kaming limang batang babae. Ang isa sa kanila, na walong taong gulang lamang, ay tinamaan ng bala sa dibdib. 

    Iilan lang ang mga ito sa mga taong napatay at nasaktan sa mga distribution site ng GHF.

    Ang International Committee of the Red Cross ay nag-alerto ukol sa biglang pagtaas ng mga insidente ng maramihang pagpatay sa mga food distribution site nang ang Red Cross Field Hospital sa Rafah ay nakatanggap ng 132 na mga pasyenteng nagtamo ng pinsala dahil sa mga sandata. 25 sa mga ito ay patay na noong dumating sa ospital at anim naman ang namatay pagkatapos silang tanggapin sa pasilidad. Ang field hospital na ito ay nakapaggamot ng mahigit 3,400 na nasugatan ng mga sandata at nakapagtala ng mahigit sa 250 na mga nasawi.

    Ayon sa isang detalyadong pagsusuri ng mga pasyenteng nagtamo ng pinsala mula sa pamamaril na nagpagamot sa klinika sa Al Mawasi ng Doctors Without Borders, 11% ng mga bala ay tumama sa ulo o leeg, samantalang 19% naman ang tumama sa dibdib, sa tiyan, o sa likod. Ang mga pag-uulit at katumpakan ng mga bahaging pinatatamaan ng mga namamaril ay maaaring pagpapatunay na ang mga tao sa loob at paligid ng mga distribution site ay sinadyang puntiryahin at hindi sila mga biktima lang ng mga aksidente o ng walang pinipiling pamamaril para sa tinatawag na “crowd control” (pagkontrol sa kaguluhan ng mga tao).  

    Walang ibang paraan upang ilarawan ang pagpatay sa mga bata kundi na ito’y sinadya. Sa kabila ng mga pagkondena at mga panawagan na buwagin na ito, ang hindi pagkilos ng mundo upang pigilan ang GHF ay isang malaking palaisipan.

    Ang karahasan ng mga tao sa mga pamamahagi ng GHF ay isa pang kahila-hilakbot na karanasan. Ang mga taong kumukuha ng aid ay madalas na binubugbog o ninanakawan ng pagkain ng ibang nakakasama nila sa mga gitgitan. Kaya naman, ang mga kasamahan ko’y gumawa ng isang bagong registry code: ang BBO o Beaten by Others (Sinaktan ng Iba).

    Upang maharap ang pagdami ng pasyente nitong mga nakaraang linggo, pinalaki namin ang maliliit na mga emergency room at naglaan ng isang kama para lamang sa mga namatay na pasyente. Ang sistema para sa pangangalagang pangkalusugan sa Gaza ay naghihingalo na dahil sa walang humpay na hidwaan at ngayon nama’y malawakang karahasan sa mga aid site.

    A patient being treated in clinic

    “Paggising niya, gusto niyang mag-almusal ngunit walang makain. Sabi niya, maghahanap ako ng pagkain para sa atin. Sinabihan ko siya na masyado itong mapanganib. Subali’t gusto raw niyang pakainin ang kanyang mga kapatid. Pagkalipas ng tatlumpung minuto, tumawag siya at humihingi ng tulong dahil siya’y nabaril. Ang pagtulong na ito ay nakalublob sa dugo.” – Hanan, ina ng 17 na taong gulang na si Ashraf. Palestine, 2025 © Nour Alsaqqa/MSF

    Ang pangangalaga sa mga sugat sa aming klinika sa Al Mawasi ay umakyat ng 206% sa apat na linggo mula noong nag-umpisang tumakbo ang GHF. Ang nakokonsumong supplies sa loob lamang ng isang linggo ay dapat para sa isang buwan na. Kumukuha kami ng mga supply ng mga body bag tuwing dalawang linggo dahil sa dami ng karahasang nangyayari sa mga site ng GHF. 

    Ang mga team ng Doctors Without Borders mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo ay nananawagan para sa agarang pagtigil ng pamamaraan ng pamamahagi ng GHF dahil ito ay napatunayang nakamamatay, nakapagpapababa ng dignidad, mapanganib at hindi makatutulong.  

    Hinihingi namin ang pagwawakas ng pagkubkob ng Israel sa Gaza at ang pagbukas ng lahat ng hangganang tatawiran sa lupa upang mapahintulutan ang mabilis, ligtas at walang sagabal na pagpasok ng mga produktong pangkalakalan at ng humanitarian aid, at ng pagpapadali ng mga relief operation ng mga walang kinikilingan at propesyonal na ahensyang humanitarian. Ito ay upang maiabot ang pagtulong sa mga pinakamahihinang tao, saan man sila sa Gaza – tulad ng hinihingi ng pandaigdigang batas humanitarian sa mga mananakop na may kapangyarihan.  

    Hinihingi rin namin ang pagtiyak ng pagpasok ng mga pagkain sa Gaza na sapat ang dami at sa sapat na bilis sa mga humanitarian at commercial na daan — upang labanan ang lumalalang pagkagutom. Ang napakalaking pagdami ng mga lifesaving supply na papasok sa Gaza ay makababawas sa kasalukuyang bigat na pinapasan ng aid convoy.

    Sa halos 54 na taon ng pagkilos ng Doctors Without Borders, bihira kaming nakakakita ng ganitong antas ng sistematikong karahasan laban sa mga sibilyang hindi armado. Walang lugar sa buong mundo kung saan naroon ang Doctors Without Borders — kabilang rito ang mga pinakamapanganib na lugar ng mga hidwaan — na hahayaan ang ganitong antas ng karahasan sa isang aid distribution site. Ang nasasaksihan natin sa Gaza ay lumalampas sa lahat ng hangganan ng karahasang kaya pang intindihin.
    Aitor Zabalgogeazkoa, emergency coord.


    Susuportahan mo ba ang aming emergency response?

    Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.


    Aitor Zabalgogeazkoa
    Emergency Coordinator

    Aitor Zabalgogeazkoa is Doctors Without Borders emergency coordinator in Gaza. 

    Categories