Skip to main content
SA KASALUKUYAN DRC: Naghahanda ang Doctors Without Borders para sa malawakang pagtugon sa outbreak ng Ebola Magbasa pa

    Palestine: Doctors Without Borders, napilitang suspindihin ang kanilang mga aktibidad sa gitna ng umiigting na opensa ng Israel sa Gaza City

    Logistics staff dismantle and evacuate tents often used for triage and overflow, are no longer available to the influx of wounded from continued Israeli airstrikes.

    Kinakargahan ng staff ng Doctors Without Borders ang isang trak ng mga kama at supplies bago nila iwan ang klinika ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) sa Gaza City.  Palestine, 2025 © MSF

    Dahil sa walang humpay na opensa ng Israel sa Gaza City, napilitan ang Doctors Without Borders na suspindihin ang mga mahahalagang aktibidad medikal sa lugar dahil sa mabilis na pagkasira ng seguridad ng sitwasyon. Kabilang rito ang tuloy-tuloy na airstrike at ang pagdating ng mga tangke, wala pang isang kilometro ang layo mula sa aming mga pasilidad para sa pangangalagang pangkalusugan. Ang mga tumitinding pagsalakay ng mga puwersang Israeli ay nagdudulot ng hindi katanggap-tanggap na antas ng panganib sa aming mga staff, kaya’t napilitan kamings suspindihin ang aming mga makasagip-buhay na aktibidad medikal.

    Wala kaming magagawa kundi itigil ang aming mga aktibidad ngayong ang aming mga klinika ay napalilibutan ng mga puwersang Israeli. Ito ang pinakaayaw naming mangyari, lalo pa’t napakalaki ng mga pangangailangan sa Gaza City, at ang mga pinakamahihinang tao – mga sanggol na nasa neo-natal care, ang mga may malalang pinsala at mga nakamamatay na sakit – ay hindi makagalaw at delikado ang kanilang kalagayan.
    Jacob Granger, Emergency Coordinator

    Habang napakarami nang tumakas papuntang timog dahil sa mga kautusang lumikas, daan-daang libong mga tao pa rin ang naiwan sa Gaza City. Hindi sila makaalis at wala silang magawa kundi ang manatili roon. Kahit ang mga nakaalis ay nahaharap pa rin sa mga imposibleng desisyon: mananatili na lang ba sila sa Gaza City kung saan makararanas sila ng mga matinding operasyong militar at ang pagkasira ng batas at kaayusan, o iiwan nila ang kanilang mga tirahan, mga pag-aari at alaala, upang lumipat sa mga lugar kung saan ang mga kondisyong humanitarian ay mabilis na gumuguho?  

    Kasabay nito, ang mga bahagyang gumaganang ospital sa iba’t ibang bahagi ng Strip ay napupuspos dahil sa kakulangan ng mga staff, supplies, at fuel, habang ang mga pasyente ay nahaharap sa malalaking balakid sa pangangalaga, at kadalasa’y dumarating sila nang huli na sapagka’t sila’y nasa kritikal nang kondisyon. 

    Doctors Without Borders in southern Gaza  In southern Gaza, MSF teams continue to provide critical care. In Khan Younis, MSF supports Nasser Hospital and runs three primary healthcare centres. In the Middle Area, MSF supports Al-Aqsa Hospital’s emergency department and wound care clinic, and operates two field hospitals in Deir Al-Balah.

    Binitbit ng Doctors Without Borders staff ang aming mga kagamitan at medical supplies palabas sa bakuran ng aming klinika sa Gaza City noong kami’y lumilikas. Palestine, 2025. © MSF

    Nitong nakaraang linggo lamang, sa kabila ng tumitinding opensa, ang klinika namin sa Gaza City ay nakapagsagawa ng mahigit sa 3,640 na konsultasyon at gumamot ng 1,655 na pasyenteng may malnutrisyon. May mga ginamot na rin kaming mga pasyenteng may malubhang pinsala dahil sa trauma, mga nasunog, at mga nagdadalang taong kababaihan at mga iba pang nangangailangan ng tuloy-tuloy na pangangalagang medikal at di makaalis sa lungsod. Dito makikita ang laki ng pangangailangang medikal. Bagama’t napilitan ang Doctors Without Borders na suspindihin ang aming mga aktibidad sa Gaza City, layunin naming ipagpatuloy ang pagsuporta sa mga mahahalagang serbisyo sa mga pasilidad ng Ministry of Health, tulad ng Al Helou at Al Shifa Hospital, habang ang mga ito’y bukas pa.  

    Mas lalo nang hinihigpitan ang pagkuha at pagbibigay ng ligtas na inuming tubig, pagkain, masisilungan at pangangalaga. Ang mga nakatira sa Gaza City ay paulit-ulit at walang humpay na binobomba. Pagod na pagod na sila at sinasadya silang pagkaitan ng mga pangunahing pangangailangan upang mabuhay. 

    Nananawagan kami para sa agarang pagwawakas sa karahasan, at humihingi kami ng mga konkretong hakbang na naaangkop para sa proteksyon ng mga sibilyan. Dapat garantiyahan ng mga awtoridad na Israeli na hindi hahadlangan, at na bibigyan ng seguridad ang mga organisasyong humanitarian na kumikilos sa Gaza City. Dapat ding magkaroon ng mga katanggap-tanggap na kondisyon para sa ligtas at mapapanatiling paghahatid ng pangangalagang medikal at humanitarian aid – mga kondisyong hindi naibibigay sa mga tao ngayon. 

    Doctors Without Borders sa southern Gaza

    Sa Southern Gaza, ang mga team ng Doctors Without Borders ay patuloy na nagbibigay ng kritikal na pangangalaga. Sa Khan Younis, sinusuportahan ng Doctors Without Borders ang Nasser Hospital at nagpapatakbo ng tatlong sentro para sa pangunahing pangangalagang pangkalusugan. Sa Middle Area naman, sinusuportahan ng Doctors Without Borders ang emergency department at wound care clinic ng Al-Aqsa Hospital, at nangangasiwa ng dalawang field hospital sa Deir Al-Balah. 



    Susuportahan mo ba ang aming emergency response?

    Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.


    Categories