Hindi lang bakuna: Ang oxygen ay dapat nasa puso ng bawat pagtugon sa COVID-19
Dalawang manggagawa sa Al-Sahul COVID-19 center, bitbit ang tangke ng oxygen upang mailipat ito sa loob ng ICU, para magbigay ng oxygen sa mga pasyente ng COVID-19. Yemen 2020 © Majd Aljunaid/MSF
Brussels 6 May 2021: Sa isang briefing paper na inilabas ngayong araw na ito, na pinamagatang “Gasping For Air” (Paghabol ng Hininga), binigyang-diin ng pandaigdigang medical humanitarian organisation na Doctors Without Borders/Médecins Sans Frontières (MSF) ang kahalagahan ng paglalagay ng medical oxygen supply, at hindi lang mga bakuna at PPE, sa puso ng isang pandaigdigang tugon sa COVID-19.
Dahil sa kawalan ng bakuna sa karamihan ng bansa sa mundo, patuloy na magkakasakit ang mga tao sanhi ng COVID-19, at kung walang inilalaang pondo para sa oxygen infrastructure, ang mga malubha ang kalagayan at walang makakamit na oxygen ay tiyak na mamamatay.
“Ang oxygen ang pinakamahalagang gamot para sa mga pasyenteng may COVID-19 na malubha at kritikal ang kalagayan, ngunit madalas, di sapat ang oxygen supply dahil ang imprastrukura para rito ay ilang dekada nang di nabibigyang-pansin sa mga lower- at middle-income countries,” sabi ni Dr. Marc Biot, ang Director of Operations ng Doctors Without Borders.
“Bago pa man nagka-pandemya, nasasaksihan na namin ang pagkamatay ng mga pasyenteng may malaria, sepsis, at kung anu-ano pang kondisyon, at mga sanggol na maagang ipinanganak, dahil sa kakulangan ng medical oxygen. Pero dahil sa COVID-19, ang isyung ito ay muling nabibigyang-pansin. Nakamamatay ang mahinang oxygen supply.”
Sa mga mahihirap na bansa kung saan naroon ang mga team ng Doctors Without Borders, kumukuha ang mga ospital at health centres sa mga oxygen supply chains na bukod sa hindi laging maaasahan ay napakamahal pa ng sinisingil. Habang ang mga ospital sa mayayamang bansa ay may mga sariling planta para sa oxygen, at kaya nilang maghatid ng highly concentrated oxygen sa tabi ng mismong kama ng pasyente, ang mga pasyente sa lower- at middle-income countries ay gumagamit ng pagkalaki-laki at mahal na oxygen cylinders na madaling maubusan ng laman, o di kaya’y maliliit na oxygen concentrators na hindi sapat para sa isang pasyenteng nasa kritikal na kondisyon.
Dalawang beses nabibigo ang mga tao. Hindi lang sila nasa dulo ng pandaigdigang pila para sa bakuna, di rin sila makatatanggap ng tamang pangangalaga kapag sila’y nagkasakit dahil wala silang makukuhang oxygen na kailangan nila.Dr Marc Biot, Director of Operations
Bukod sa kasalukuyang krisis sa India, ang sitwasyon sa siyudad ng Aden sa Yemen ay isang paglalarawan ng pandaigdigang kakulangan ng oxygen. Ang kanilang ospital, na sinusuportahan ng Doctors Without Borders, ay sagad na ang kapasidad para sa mga pasyente nitong mga nakaraang araw. Nakakaubos sila ng 600 oxygen cylinders kada araw, kahit na marami silang tinatanggihang pasyente.
“Di na gaanong umaakyat ang bilang ng mga kaso,pero alam naming maaaring magkaroon na naman ng bugso at magdadatingan ang mga pasyenteng malubha ang karamdaman. Kakailanganin nila ng mas maraming oxygen kaysa kaya naming ibigay. Bilang doktor,nakalulungkot makita na kahit naka-ilang bugso na ng COVID-19, hindi pa rin handa ang mga bansa para sa maayos na pagtugon. Kaya’t ang medical teams ay walang magawa, dahil di nila hawak ang mga pangunahing pangangailangan upang makasagip sila ng maraming buhay, na inaasahan mula sa kanila,” paliwanag ni Dr. Biot.
Ang mga tauhang medikal ng Doctors Without Borders ay nagpapatakbo ng intensive care unit (ICU) para sa mga kritikal na pasyente na may COVID-19, sa Al Gamhouria hospital sa Aden. Yemen 2021 © Athmar Mohammed/MSF
Ang mga Doctors Without Borders teams na nagtatrabaho sa mga lugar na tulad nito’y nagiging malikhain sa paghahanap ng solusyon sa suliraning ito. Sa South Africa, ang mga oxygen concentrators, na mga maliliit na makina lamang at walang sapat na lakas upang makatulong sa isang pasyenteng kritikal na ang kalagayan,ay pinagdugtong-dugtong upang lakihan ang kanilang kapasidad. Sa Democratic Republic of Congo naman, pinagkabit-kabit ang oxygen cylinders upang makagawa ng central oxygen bank. Ang mga health workers ay binibigyan ng pagsasanay sa naangkop na paggamit ng oxygen therapy.
Sa ilang konteksto, kinontrol ang presyo ng oxygen upang matiyak na hindi magkaroon ng balakid kapag tumaaas ang pangangailangan para rito.
“Ngayon kasi, di tayo puwedeng maghintay. Ang mga praktikal na solusyon ang nakakasagip ng mga buhay, kaya’t kailangan pa nating dagdagan ang mga ito. Kailangan ng mas maraming concentrators, lalo na sa rural areas kung saan walang mga planta ng oxygen. Ang presyo ng oxygen ay kailangang kontrolin, at kailangan ding lumikha at magpanatili ng buffer stocks at maaasahang supply chains para sa mga pasilidad na gumagamit ng cylinders mula sa mga planta,” sabi ni Biot. “Kailangan ang mga hakbang na ito upang makasagip ng mga buhay habang hinihintay natin ang mga pamahalaang solusyunan ang kakulangan ng pamumuhunan sa oxygen infrastructure na nagiging sanhi ng ilang pasyente na maghabol-hininga.”