Hong Kong: Doctors Without Borders, katuwang ng isang lokal na NGO upang maglunsad ng mobile vaccination programme para sa mga nakatatandang hi ndi makaalis ng bahay
Nananabik na sina Mr. at Mrs. Chan na makita ang kanilang pamilya. Hong Kong, 2022. © MSF
Dati, tuwing umaga’y pumupunta siya sa palengke at sumasamba sa templo ng Wong Tai Sin. Ngunit noong nagkaroon ng COVID-19 outbreak, hindi na niya nagagawa ang mga ito. Tulad ng maraming nakatatanda sa Hong Kong, ilang buwan na siyang hindi nakalalabas ng bahay at nararamdaman niya ang epekto nito sa kanyang pakikipag-ugnay sa ibang tao at sa kalusugan ng kanyang kaisipan.
“Sinabihan kami ng anak ko na huwag lumabas ng bahay upang hindi kami mahawa sa sakit. Ayaw kong mag-alala ang aking mga anak dahil baka hindi sila makapagtrabaho nang maayos. Bihirang-bihira na akong makalabas ng bahay. Mula noong nagsimula ang outbreak ay hindi na ako nakakapunta sa templo ng Wong Tai Sin upang sumamba,” sabi ni Mrs Chan.
Ang kanilang anak na malapit lang sa kanila nakatira ang tumutulong sa kanilang mamili ng mga pagkain at iba pang pangangailangan, at binibisita sila nito kada isa o dalawang linggo. Pero noong katapusan ng nakaraang taon, naospital si Mr. Chan nang ilang araw dahil sa stroke. At kahit nakalabas na siya ng ospital, hindi naman siya nakakaalis ng bahay kahit para lang makipagkita sa kanyang mga kapitbahay sa parke. Sabi niya, “Hindi ako ngangangahas na lumabas nang mag-isa. Dito lang ako sa bahay dahil sa outbreak at dahil din sa aking lumalabong paningin pagkatapos kong makaranas ng stroke.”
Ilang buwan nang hindi nakakaalis ng bahay si Mr. Chan matapos siyang palabasin sa ospital. Hong Kong, 2022. © MSF
Sinubukan ni Mrs. Chan na makibagay sa sitwasyon sa tulong ng mga programa sa telebisyon. “Natututo akong mag-ehersisyo sa bahay at pakalmahin ang sarili. Sinusundan ko lang ang mga tagubilin, at nag-eensayo ako. Ang mahalaga ay malusog ako, hindi ko gaanong aalalahanin ang mga ibang bagay.”
Gustong-gusto na nilang mag-asawa na makita ang kanilang pamilya. Ang mainit na pagbati ng kanilang mga apo ay nagbibigay sa kanila ng ginhawa sa panahon ng epidemya. Ilang beses nabanggit ni Mrs. Chan na tinatawagan sila ng kanilang mga apo at kinakausap sila. Nagtanong pa nga raw ang pinakabata niyang apo kung puwede silang bisitahin. Nakangiti niyang sinabi, “Hindi siya gaanong mahusay sa pag-aaral. Sabi ko sa kanya, makakabisita lang siya sa amin kapag tumaas ang mga grado niya.”
Mababang bilang ng mga nagpapabakunang matanda
May kababaan ang bilang ng mga nagpapabakunang matanda sa Hong Kong. Ilan sa kanila ang hindi pa nagpapabakuna dahil takot silang lumabas, o di kaya’y wala silang kakayahang makarating sa mga pasilidad pangkalusugan.
Mga matatandang hindi makalabas at walang kasama sa bahay ang isa sa mga pinakamahinang sektor. Hindi sila makapagpabakuna dahil hindi sila makaalis mula sa kanilang mga tirahan at wala silang kaalaman sa pagpaparehistro online upang makapagpabakuna.Dr Nason Tan, Ops Support Unit Director
Dahil sa mga pangangailangang ito, naglunsad ang Doctors Without Borders / Medecins Sans Frontieres (MSF) ng isang mobile vaccination programme noong Marso para sa mga matatandang hindi makalabas ng bahay. Katuwang nila rito ang Christian Family Services Centre.
Kasali sina Mr. and Mrs. Chan sa programang ito. Ninais nilang magpabakuna kontra COVID-19 upang makabalik na sa kanilang normal na pamumuhay. Ngunit dahil sa kondisyon ng kanilang kalusugan, di malaman ng kanilang anak kung paano sila dadalhin sa vaccination centre.
Noong nalaman nila mula sa kanilang social worker na mula sa Christian Family Services Centre ang tungkol sa mobile vaccination programme para sa matatandang hindi makalabas sa kanilang mga tahanan, kinausap nila ang kanilang mga anak at nagdesisyon silang sumali sa programa. Nitong katapusan ng Abril, nagpaturok na sila ng pangalawang dose ng bakuna kontra COVID-19.
Ang mag-asawa at ang social worker mula sa Christian Family Services Centre. Hong Kong, 2022. © MSF
At ngayon naman, ano ang kanilang inaasam pagkatapos mabakunahan?
“Gusto kong kumain ng dim sum sa isang restawran kasama ang aking mga anak at apo,” sabi ni Mr. Chan. Dagdag pa ni Mrs. Chan, gusto rin niyang sumamba sa templo ng Wong Tai Sin. Sabi niya, “Ipagdadasal ko ang buong komunidad at ang aking pamilya sa harap ng Wong Tai Sin. Sana manatili akong malusog at hindi maging pabigat sa aking mga anak.”