Skip to main content

    Hong Kong: Ang mga matatanda at mahihinang grupo ay hindi dapat mabukod sa anumang tugon sa outbreak

    MSF team provides free medical consultation and vaccination for vulnerable groups such as the elderly and people experiencing homelessness.in Hong Kong

    Ang Doctors Without Borders team ay nagbibigay ng libreng konsultasyong medikal at bakuna para sa mga mahihinang grupo tulad ng mga matatanda at mga taong walang tirahan. Hong Kong, 2022. © Jessica Wong/MSF

    Upang makatulong sa mga pangangailangan ng mga mahihinang grupo sa labas ng ospital, ang Doctors Without Borders / Medecins Sans Frontieres (MSF) ay nakipagtulungan sa Society of Community Organization (SoCO) at Shoebill Healthcare para sa isang serye ng pagbabakuna sa Sham Shui Po, isa sa mga distritong pinaka-natamaan ng Omicron surge, noong simula ng Marso. Ito’y nakatulong sa isang komunidad ng matatanda, ng mga taong walang tirahan, at ng mga taong hindi sapat ang kinikita. Tinulungan sila sa pamamagitan ng pagbibigay ng libreng konsultasyong medikal, edukasyong pangkalusugan, at bakuna upang maiwasan nilang magkaroon ng COVID-19.

    Ayon kay Dr Joyce Ching, isang doktor mula sa Doctors Without Borders, isa sa mga kritikal na isyu na kanyang nasaksihan nitong pandemya ay ang social breakdown at isolation, o pagkakabukod. “Marami akong nakitang matatanda na nawalan na ng kakayahang alagaan ang kanilang sarili at mas malubha pa ito kapag mayroon silang mild cognitive impairment. Sabi nga ng isang pasyente sa akin, dati raw ay naglalakad siya mula sa Kwai Chung hanggang sa Tsim Sha Tsui mag-isa. Pero ngayon, hindi na niya natatandaan yung ruta at hindi na rin siya marunong sumakay sa MTR,” sabi niya.

    MSF staff shows the patient the rapid antigen test pack information in Hong Kong

    Ipinapakita ng Doctors Without Borders staff sa isang pasyente ang impormasyong nasa rapid antigen test pack. Hong Kong, 2022. © Jessica Wong/MSF

    Sa isa sa mga konsultasyong medikal noong may vaccination drive, may nakilala si Dr. Joyce na isang matandang babaeng walang kasama sa kanyang tirahan. Nag-aalala ang matanda sa kanyang kalusugan dahil meron siyang rheumatoid arthritis, at di pa siya nagpapatingin sa ospital mula noong nagsimula ang 5th wave.

    “Bagama’t di kami makapagbibigay ng partikular na payong medikal kapag di namin alam ang medical history ng pasyente,” sabi ni Dr Ching, “Nagpapasalamat ang babae sa oportunidad na kahit paano’y may makausap siya. Pinag-usapan namin ang mga inaalala niya tungkol sa kanilang bayan, at naramdaman kong nakatulong ang aming pag-uusap upang magkaroon siya ng tiwala sa akin at magkaroon kami ng mabuting ugnayan.”  

    Isa pang alalahanin na di nabibigyang-pansin ng publiko ay ang tungkol sa mga matatandang hindi nakalalabas mula sa kanilang tirahan. Ayon kay Ivan Lin, isang community organizer ng SoCO, humarap siya sa matinding hamon sa pagsuporta sa mga grupong nakatira sa Sham Shui Po. 

    MSF team provides free medical consultation and vaccination for vulnerable groups such as the elderly and people experiencing homelessness in Hong Kong

    Nagbibigay ang Doctors Without Borders team ng libreng konsultasyong medikal at bakuna para sa mahihinang grupo tulad ng mga matatanda at mga walang tirahan. Hong Kong, 2022. © Jessica Wong/MSF

    “Maliit lang ang kanilang mga social network at wala silang sapat na kasalukuyang impormasyong medikal. Hindi rin nila kayang bayaran ang mga fee sa mga pribadong klinika. Kaya naman kapag nagpositibo sila sa COVID-19, ang kanilang social worker lang ang maaari nilang hingan ng tulong. Matinding pressure ang nararamdaman namin pag tinatanong kami tungkol sa kaalamang medikal, gaya ng ibig sabihin ng malubhang sintomas o kung anong gamot ang iinumin. Naaalala ko pa noong sinubukan kong turuan ang isang matandang mag-isa lang sa bahay kung paanong gumamit ng rapid antigen test kit habang kausap ko siya sa telepono. Kaya lang, nang sinubukan niyang maipasok ang swab sa kanyang ilong, dumugo ang ilong niya. Labis akong nag-alala para sa kanya, pero wala akong magawa ng mga sandaling iyon. Kung maaari silang puntahan ng doktor o nars sa bahay, mas mabuti sana."
     
    Dagdag ni Ivan, “Sa mga pinagdaanan natin kaugnay ng epidemya mula noong 2020, naniniwala ako sa kahalagahan ng mga safety-net health system sa pagbibigay ng pangangalaga sa mga populasyong mahihina at mga mababa ang kinikita. Bilang isang social worker, ipinagmamalaki ko ang aking sarili at ang aking mga kasamahan sa pagtulong sa mga pinakamahihinang tao. Pero sa kabilang banda, sana nama’y di lang sa amin sila makahihingi ng tulong sa susunod.”

    Paalala ni Dr. Ching ng Doctors Without Borders, may mga mapupulot tayong aral sa mga naranasan natin nitong mga nakaraang taon. Kailangan nating matukoy kung saan pa maaaring magamit ang mga napatunayan na bilang mga epektibong gawain. 

    Ang mga maaaring gawing muli para sa susunod na outbreak ay ang kasalukuyang pamamaraan kung saan ang suporta sa konsultasyong medikal at ang pagbabakuna ay parehong libre at madaling makuha, at gayon din ang iba pang suporta para sa mga mahihinang grupo.
    Dr Joyce Ching, Doktor

    Noong ika-limang bugso ng COVID-19, sa pakikipagtulungan sa ibang mga organisasyo’y pinagtuunan ng Doctors Without Borders team na nasa Hong Kong ang mga grupo ng matatanda na pinakamadaling magkaroon ng malubhang impeksyon at maaring mamatay. Ang iba pang mga grupong dehado, gaya ng mga pamilyang mababa ang kita at ang mga nahihirapang makakalap ng mapagkakatiwalaang impormasyong medikal at pangkalusugan dahil sa pagkakaiba ng wika (halimbawa, mga foreign domestic workers) ay binigyan din ng prayoridad. Ang edukasyong pangkalusugan at mga tip para sa kalusugang pangkaisipan ay kasama sa mga serbisyong ibinibigay.