Skip to main content
SA KASALUKUYAN DRC: Naghahanda ang Doctors Without Borders para sa malawakang pagtugon sa outbreak ng Ebola Magbasa pa

    West Bank: Limang buwan ng sapilitang pagpapaalis sa kanilang mga tirahan at ang pagdami ng mga pangangailangang humanitarian

    Destruction of roads in Jenin, Palestine

    Ang pagkasira ng mga kalsada sa Jenin sa hilaga ng West Bank. Palestine, 2025 © Oday Alshobaki/MSF

    Jerusalem, Hulyo 1 – Limang buwan matapos ilunsad ng mga Israeli ang kanilang operasyong militar, ang ‘Iron Wall’ (Pader na Bakal), mahigit 40,000 na tao sa hilagang bahagi ng West Bank ay nananatiling hindi makabalik sa kanilang mga tirahan at may limitadong mapagkukunan ng mga pangunahing serbisyo at pangangalagang pangkalusugan. Sa malaking kampanyang militar na ito, sinalakay ng mga puwersang Israeli at marahas na pinaalis ang mga matagal nang nakatira sa mga kampo ng mga refugee sa hilagang bahagi ng West Bank. Nagbabala ang Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) na hinaharap ng mga tao ang mga nasisirang kondisyon ng kalusugan at pamumuhay, habang patuloy pa rin ang mga puwersang Israeli sa malawakang pagwasak at pag-okupa ng tatlong kampo ng mga refugee: ang Jenin, Tulkarem at Nur Shams, kung kaya’t hindi makabalik at makapasok ang mga tao.

    “Limang buwan na ang nakalipas, at patuloy pa rin ang mga operasyong militar. Nananatiling nakasara ang mga kampo, kung saan pinipigilan ng mga sundalo ang pagpasok ninuman. Walang pupuntahan ang mga pamilya, at nag-aalala kami na patuloy na dadami ang mga pangangailangang humanitarian,” sabi ni Simona Onidi, ang project coordinator ng Doctors Without Borders sa Jenin at Tulkarem.
     

    Bilang palatandaan ng nakapanghihilakbot na pangyayaring ito, naglabas ang Doctors Without Borders ng isang advocacy briefing note na pinamagatang, Five Months Under Iron Wall (Limang Buwan sa Ilalim ng Pader na Bakal), na nagbibigay-diin sa kabayaran ng mga tao ng West Bank sa matagal na pagkawala ng kanilang tirahan. Ang talang ito ay hango sa mga karanasan ng Doctors Without Borders sa mismong lugar, sa operational data, at sa halos 300 na panayam na ginawa mula kalagitnaan ng Mayo sa 17 na lokasyon kung saan nagtatrabaho ang Doctors Without Borders sa hilagang bahagi ng West Bank, ng mga displaced refugee na mula sa tatlong kampo.


    Five Months under Iron Wall:
    The Human Toll of Prolonged Displacement &
    Territorial Fragmentation in the West Bank

    Napag-alaman na ang mga komunidad na apektado ng displacement ay humaharap sa umiigting na kawalan ng katatagan at mga hindi natutugunang pangangailangan gaya ng pangangalagang pangkalusugan at ng regular na supply ng pagkain at tubig. Halos kalahati ng mga taong kinausap namin ay sapilitang pinaalis nang tatlo o higit pang beses sa loob ng apat na buwan, habang tatlo sa bawat apat na tao ang hindi sigurado kung maaari silang manatili sa kasalukuyan nilang tinitirhan. Mahigit sa sangkatlo naman ang nagpahayag na pakiramdam nila’y hindi sila ligtas sa kanilang tirahan ngayon. Dumarami rin ang mga pangangailangan para sa kalusugang pangkaisipan, lalo na ng mga kababaihan at mga bata. Ang paulit-ulit na pagpapaalis sa kanilang mga tirahan, ang kawalan ng katiyakan, at ang marahas na pagtrato sa kanila ay dumadagdag sa kanilang pagkabahala.

    "Nang umuwi ako sa bahay ko sa kampo, nakita ko na lang na tinupok na ito ng sunog, at nalaman ko ring pinatay ang aking kapitbahay,”
    Lalaki sa Tulkarem Refugee Camp

    “Nabubuhay kami nang laging takot. Madalas na nagroronda ang mga puwersang Israeli sa lugar na tinitirhan namin ngayon. Laging nakaimpake ang mga gamit namin, handa kaming lumisan kapag kami’y pinaalis na naman,” sabi ng isang babaeng mula sa Nur Shams Refugee Camp.

    Ipinakita rin sa tala ng Doctors Without Borders ang isang nakababahalang pagkakaulit-ulit ng mga karahasang nakapuntirya sa mga pinaalis na residenteng nagtangkang bumalik sa kanilang mga tahanan sa mga kampo. Mahigit 100 na insidente ng walang pinipiling karahasan ang naiulat, kabilang rito ang mga pamamaril, pambubugbog, at pagkukulong. Iba’t iba ang mga edad at kasarian ng mga taong naapektuhan. May ilang mga pamilyang nakita na lang ang kanilang mga tahanan na sinunog na, nilooban, o may iba nang nakatira. Ang iba sa kanila’y tahasang pinagbantaan at sinabihang kailanma’y huwag nang babalik. Ang mga may gustong balikan ay lubos na hinihigpitan, binibigyan lang sila ng limitadong oras, o di kaya’y hindi talaga pinatutuloy.
     

    "Nang umuwi ako sa bahay ko sa kampo, nakita ko na lang na tinupok na ito ng sunog, at nalaman ko ring pinatay ang aking kapitbahay,” sabi ng isang lalaking residente ng Tulkarem Refugee Camp.

    Isa sa bawat tatlong tao ang hindi makapunta sa doktor kapag kinakailangan, at ang mga pangunahing dahilan nito ay ang kakulangan ng pera, ang layo ng pupuntahan, at ang kawalan ng masasakyan. Halos kalahati ng mga nakapanayam ay nag-ulat na hindi sila palaging may mapagkukunan ng pagkain at tubig, at 35% ng mga matagal nang may sakit ay hindi regular na nakakakuha ng kanilang mga gamot.

    Bilang pagtugon sa lumalantad na krisis, nagtalaga ang Doctors Without Borders ng mga mobile medical team sa mahigit sa 40 na mga pampublikong lugar, mga displacement shelter sa Jenin at Tulkarem, at mga sentro para sa pangunahing pangangalagang pangkalusugan na pinapatakbo ng mga pasilidad ng Ministry of Health, kung saan sila’y nagbibigay ng mga pangunahing serbisyo para sa pangangalagang pangkalusugan, suporta para sa kalusugang pangkaisipan, at nagsasagawa ng mga aktibidad para sa pagtataguyod ng kalusugan.

    Destruction of a house

    Sa kanilang huling pagsalakay, winasak ng mga puwersang Israeli ang malaking bahagi ng imprastruktura sa kalsada, at pinutulan ng kuryente at tubig ang mga residente. Isang linggo pagkaalis ng mga puwersang militar, hirap pa rin ang mga taong makakuha ng malinis na tubig, dahil pinutol ang karamihan sa mga poso, samantalang ang mga tangke ng tubig ay butas-butas dahil pinatamaan ng mga bala. Palestine, 2024 © Alexandre Marcou/MSF

    Ang operasyong militar na tinaguriang Iron Wall ay hindi ang simula o katapusan ng karahasang pinagdaraanan ng mga Palestino sa West Bank. Ang pinakahuling paglala ng labanan ay dumadagdag pa sa isang sitwasyong tuloy-tuloy nang nasisira, lalo na mula noong Oktubre 2023. Tulad ng ipinapakita sa ulat ng Doctors Without Borders nitong Pebrero 2025, na pinamagatang ’Inflicting Harm and Denying Care’ (Pananakit at Pagkakait ng Pangangalaga), ang West Bank ay matagal nang isang lugar kung saan paulit-ulit na nilalapastangan ang mga sibilyan at mga organisasyong medikal. Ang kasalukuyang krisis na humanitarian sa mga governorate sa hilaga ay hindi natin mauunawaan nang nakabukod mula sa mas malawak na konteksto ng mga mapilit at marahas na mga hakbang, at ng annexation.

    “Ang nakikita natin sa hilagang bahagi ng West Bank ay hindi lang isang humanitarian emergency; ito’y isang krisis na kagagawan ng tao, sinadyang patagalin, at lumalala sa bawat dumadaang araw,” sabi ni Simona Onidi. “Ang ibinibigay na humanitarian assistance ay hindi sapat at hindi laging meron. Kailangang paunlarin pa ng mga organisasyon ang kanilang pagtugon upang mabigyan ang mga tao ng matitirhan, pangangalagang medikal, suporta para sa kalusugang pangkaisipan, at proteksyon. Hinihingi rin namin ang pagwawakas ng mga operasyong militar ng mga Israeli at ng kanilang nakamamatay na paggamit ng dahas na nauuwi sa mga pagkasawi at pinsala. Dapat ding pahintulutang makabalik sa kanilang mga tahanan ang mga pinaalis na komunidad, nang ligtas at may dignidad.”



    Susuportahan mo ba ang aming emergency response?

    Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.


    Categories