Sudan: Tinutuligsa ng Doctors Without Borders ang mararahas na pagsalakay na nauwi sa pagsuspindi ng kanilang mga aktibidad sa Khartoum
Ang Bashair Teaching Hospital sa timog na bahagi ng Khartoum ay isa sa mga iilang ospital na tumatakbo sa lugar na iyon. Sudan, Mayo 2023. © Ala Kheir/MSF
Mariing kinokondena ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) ang kasalukuyang mga mararahas na pagsalakay sa mga pasyente at staff ng Bashair Teaching Hospital, na nasa Khartoum, isang bahagi ng bansa na kontrolado ng Rapid Support Forces. Sa kabila ng malawakang pakikipag-ugnayan sa lahat ng mga stakeholder, nagpatuloy pa rin ang mga pagsalakay nitong nakaraang ilang buwan. Kaya naman, napilitan ang Doctors Without Borders na gawin ang napakahirap na desisyong suspindihin ang lahat ng mga aktibidad medikal sa ospital.
Sa 20 na buwan ng pakikipagtulungan ng mga team ng MSF sa mga hospital staff at mga boluntaryo, nakaranas ang Bashair Hospital ng paulit-ulit na insidente ng biglang pagpasok ng mga armadong mandirigma sa ospital at pagbanta sa medical staff. Kadalasa’y ipinag-uutos nilang unahin ang paggamot sa kanilang mga kasamahan bago sa ibang mga pasyente. Noong Nobyembre 11, 2024, isang pasyente ang binaril at pinatay sa loob ng ospital. Noong Disyembre 18, may mga sumugod at nagpaputok ng mga sandata sa loob ng emergency ward, at pinagbantaan ang mga medical staff. Sa isa namang naunang insidente, pinaputukan ng mga baril ang ospital. May mga lumusot na bala sa loob ng hospital compound, at isang tao ang nasugatan.
Ang paghihirap na nasaksihan namin sa Khartoum ay napakatindi. Ang malubha at matinding karahasan ay nagpapatuloy araw-araw. Ang mga kakulangan at paghadlang sa pagpasok ng pagkain, supplies at humanitarian aid ay nag-iiwan sa mga tao na nagkukumahog para mabuhay. Nakapupuspos ang mga pangangailangang medikal. Ang mga pinsala sa mga tao ay kadalasang kahila-hilakbot. Ang mga insidente ng mass casualty ay tila bahagi na ng araw-araw na pamumuhay. Ang aming mga team, hospital staff at ang mga boluntaryo ay walang pagod na nagtatrabaho sa ilalim ng mga napakahirap na kondisyon upang makapagbigay ng pangangalagang medikal. Ngunit dahil sa kawalan ng seguridad na makakilos nang ligtas, hindi na posibleng magpatuloy dahil sa ang buhay ng aming mga staff at pasyente ay malalagay sa panganib.Claire San Filippo, Emergency Coord.
Ang Bashair Hospital ay isa sa mga natitirang tumatakbong ospital sa South Khartoum na nagbibigay ng libreng pangangalagang medikal. Simula noong lumala ang labanan noong pagtatapos ng Setyembre, lubhang umakyat ang bilang ng mga taong ipinapasok doon nang may mga natamong pinsala na dulot ng karahasan at trauma. Dose-dosena ang mga taong dumarating sa ospital pagkatapos ng mga shelling o airstrike sa mga kapitbahayan at mga pamilihan. Noong Linggo, Enero 5, 2025, 50 na tao ang ipinasok sa emergency room – pagkatapos ng isang airstrike na ginawa isang kilometro lang mula sa ospital. 12 sa kanila ay patay na noong dumating.
Kasabay nito, ang mga team ay nakakita ng pagdami ng mga paediatric at maternity case dahil sa pagsara ng ibang mga pasilidad pangkalusugan, o ng pagbawas ng kanilang mga serbisyo. Tumutugon din kami sa mga outbreak ng cholera, malaria at dengue at sa mga nakababahalang antas ng malnutrisyon.
Hinarap na rin ng ospital ang maraming seryosong pagsubok. Noong Oktubre 2023, pansamantalang sinuspindi ang lahat ng mga operasyon matapos harangan ng Sudanese Armed Forces ang pagpasok ng mga surgical supply. Ngayon, mahigit isang taon ng hindi pinapapasok ang mga medical supply at staff mula sa Port Sudan. Bago iyon, kinailangan na ring suspindihin ng MSF ang mga aktibidad medikal sa di kalayuang Turkish Hospital noong Hulyo 2024 dahil sa mga pagbabanta at mga karahasang ginawa sa aming staff.
“Nakapanlulumo na kailangan naming tigilan ang pagsuporta ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa ospital na ito, partikular na sa harap ng mga napakalaki at dumaraming pangangailangang medikal. Tuwing ang isang organisasyon ay napipilitang suspindihin ang kanilang mga aktibidad, nababawasan ang pagkakataon ng mga taong makakuha ng lubhang kinakailangan nilang pangangalagang medikal,” sabi ni San Filippo.
Noong Mayo 2023, nang kakaumpisa pa lang ng digmaan, isang team ng MSF ang nakikipagtulungan sa mga boluntaryo at mga medical staff na muling buksan ang ospital. Mula Mayo 2023 hanggang Disyembre 2024, 25,585 na pasyente na ang ipinasok sa emergency room. Mahigit sa 9,000 sa kanila ang naging biktima ng karahasan, gaya ng pagbobomba at pamamaril.
Noong panahon ding iyon, ang team ay nagsagawa ng 3,700 na operasyon – karamihan doon ay may kaugnayan sa pinsalang natamo dahil sa karahasan – at tumulong sa halos 3,800 na pagpapaanak, kasama na rito ang 850 na caesarean section. Patuloy ang pagtatrabaho ng Doctors Without Borders sa 11 na estado ng Sudan, kabilang na rito ang siyudad ng Omdurman sa estado ng Khartoum. Umaasa kaming makababalik kami sa Bashair Hospital sa lalong madaling panahon upang muling simulan ang aming mga gawaing medikal.