Gaza: Walang makuhang ginhawa, walang pagkakataong gumaling ang mga pasyenteng biktima ng pagkasunog
Sa klinika sa siyudad ng Gaza, ginagamot ng isang nars ng Doctors Without Borders ang isang batang pasyente. Nagtamo ang batang babae ng mga pinsala mula sa pagkasunog matapos pasabugin ang kanilang bahay sa Beit Hanoun. Palestinian Territories, Disyembre 2024. © MSF
Ang isang burn injury o pinsalang sanhi ng pagkasunog ay hindi lang basta sugat—kalakip nito ang matagal na pagdurusa, lalo na sa Gaza Strip, Palestine. Marami sa mga tao rito ang may pagkasunog sa malaking bahagi ng kanilang mga katawan. Ang iba sa kanila’y mahigit 40% ng katawan ang napinsala ng sunog.
Matapos wasakin ng mahigit 19 na buwan ng pagsalakay ng mga puwersang Israeli ang sistema ng pangangalagang pangkalusugan ng Gaza, marami sa mga pasyenteng nagtamo ng pinsala dahil sa pagkasunog mula sa pagbobomba at sa mga di ligtas na paraan ng pagluluto ay walang gaanong makuhang pangangalaga. Habang patuloy ang pagkubkob ng mga Israeli sa Gaza, hinaharangan nila ang pagpasok ng mga pangunahing tulong, medical supplies, at mga makasagip-buhay na kagamitan. Maraming mga pasyente ang tinitiis na lang ang matinding sakit dahil ang nakukuha nilang ginhawa ay limitado lamang, o wala talaga.
Noong Agosto 2024, malubhang pagkasunog ng katawan ang naranasan ni Tayseer Mansour, 17 nang tinamaan ng pagpapasabog ng mga Israeli ang kanilang bahay. Napatay ang kanyang ina, at nasaktan ang kanyang ama at mga kapatid. Ginagamot siya ng mga team ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) sa Nasser Hospital sa Khan Younis, Southern Gaza.
Malubha ang natamo kong mga pinsala—mga third degree burn. Mahigit 150 na araw na akong nasa inpatient department. Hindi ko na magalaw ang mga kamay ko sa sobrang sakit. Hindi ko na magawang subuan ang sarili ko o gumawa ng kahit mga simpleng pagkilos. Matindi ang epekto nito sa akin. Umaasa akong gagaling ako.Mansour, pasyente
Nang sinimulang muli ng mga puwersang Israeli ang pakikidigma noong Marso 18, umakyat ang bilang ng mga pasyenteng ginagamot ng mga team ng Doctors Without Borders para sa mga pinsalang dulot ng pagkasunog. Karamihan sa kanila ay mga bata. Nitong Abril, sa Gaza City Clinic na pinatatakbo ng Doctors Without Borders sa hilagang bahagi ng Strip, sinusuri ng mga team ng Doctors Without Borders ang hindi bababa sa 100 na pasyente kada araw, na nasaktan dahil sa pagsunog at iba pang dahilang kaugnay ng digmaan. Sa Nasser Hospital, ang pinakamalaki sa mga tanging gumaganang ospital sa Gaza, ang mga team ng Doctors Without Borders ay nagbibigay ng pangangalaga para sa mga pasyenteng nasaktan dahil sa pagkasunog.
Mula Mayo 2024, ang mga team ng Doctors Without Borders na nagtatrabaho sa Nasser Hospital ay nagsagawa ng mahigit 1,000 na operasyon para sa mga burn patient. 70% ng mga pasyenteng ito ay mga bata, karamihan sa kanila’y wala pang limang taong gulang. Marami sa mga batang ito’y nasaktan dahil sa pagkasunog mula sa mga pagbobomba, samantalang ang iba nama’y dahil sa pagpapakulo ng tubig, pagluluto o pag-iinit gamit ang mga hindi angkop na kasangkapan sa kanilang mga pansamantalang tirahan.
Ang mga matinding pagkasunog ay nangangailangan ng kumplikado at pangmatagalang pangangalaga. Kabilang rito ang mahigit sa isang operasyon, pagpapalit ng mga wound dressing araw-araw, physiotherapy, pagharap sa sakit, suportang sikolohikal, at ang isang kapaligirang ubod ng linis at ligtas sa impeksyon. Subali’t, pagkatapos ng 50 na araw na walang pumapasok na supplies sa Gaza dahil sa pagbangkulong, nauubusan na ang mga team ng Doctors Without Borders ng kahit na mga pangunahing painkiller, kung kaya’t walang makuhang sapat na ginhawa ang mga pasyente. Kasabay nito, mula noong nag-umpisa ang digmaan, iilang surgeon lang sa Gaza ang may kakayahang magsagawa ng complex burn care plastic surgery.
"Napapahiyaw ang mga bata habang napipilitan kaming tanggalin ang mga nakadikit na sunog na tela mula sa kanilang balat," sabi ni Dr. Ahmad Abu Warda, ang Medical Activity Manager ng Doctors Without Borders na nagtatrabaho sa Nasser Hospital. "Nagmamakaawa silang tigilan na namin ang pagtanggal, ngunit kung hindi namin tatanggalin ang patay na tissue, posible itong magdulot ng impeksyon at sepsis na maaaring mauwi sa kamatayan. Dahil walang sapat na medical supplies para sa napakaraming mga pasyenteng nangangailangan ng pangangalaga para sa mga burn injury, hindi kami nakapagbibigay ng tamang pangangalaga. Naipagpapaliban lang namin ang tiyak na pagkakaroon ng mga impeksyon."
Habang ang mga pasyenteng napinsala dahil sa pagkasunog ay nangangailangan ng mataas na antas ng pangangalagang pangkalusugan, kailangan din nila ng doble ng bilang ng mga calorie na ikokonsumo araw-araw upang gumaling. Dahil walang supplies na nakapapasok sa Gaza, kulang ang natatanggap na pagkain ng mga pasyente, at ito ay maaring makahadlang sa kanilang paggaling.
“Napakahirap ng pamumuhay sa Gaza. Walang masustansyang pagkain, walang karne o tamang nutrisyon,” sabi ni Mansour.
Upang magsara ang mga sugat na hindi gumagaling, kinokonsumo ng aming mga pasyente ang sarili nilang mga katawan. Walong buwan nang nasa ospital si Tayseer. Kung normal ang lahat, dapat ay magaling na siya sa loob lamang ng tatlong buwan. Ngunit dahil walang pagkain, walang ginhawa mula sa sakit, walang malinis na tubig—hindi siya makaalpas mula sa paulit-ulit na graft failure, mga pabalik-balik na impeksyon, at ang paikot-ikot na kawalan ng pag-asa.Doctors Without Borders surgeon
Mula noong Disyembre 2024, ang mga team ng Doctors Without Borders na nagtatrabaho sa pinatatakbo naming Gaza City Clinic, ang field hospital sa Deir al-Balah, pati na rin ang Nasser Hospital ay nakapagbigay ng mahigit sa 6,518 na burn dressing. Gayunpaman, halos kalahati sa mga pasyenteng ito ang hindi na nakabalik para sa karagdagang pangangalaga. Nitong Abril 24, mahigit kalahati na ng mga tumatakbong pasilidad pangkalusugan sa Gaza ay nasa mga lugar na nasa ilalim ng kautusang lumikas, ayon sa OCHA, kung kaya’t halos di makakuha ang mga pasyente at mga staff ng pangangalagang pangkalusugan.
Susuportahan mo ba ang aming emergency response?
Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.