Gaza: Dose-dosenang Palestino, minasaker sa mga food distribution site na sinusuportahan ng US at Israel
Bitbit ng mga bata ang kanilang mga kalderong walang laman sa isang community kitchen sa Northern Gaza. Palestinian Territories, 2025. © Nour Alsaqqa/MSF
Ang mga team ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) ay tumulong sa mass casualty response sa Nasser Hospital sa Khan Younis. Inilahad ng mga pasyente sa Doctors Without Borders na sila’y sinalakay mula sa iba’t ibang direksyon ng mga drone, mga helicopter, mga bangkang de-motor, mga tangke, at mga sundalong Israeli.
“Muling ipinapakita ng mga kaganapan ngayong araw na ito na ang bagong sistema ng paghahatid ng aid ay hindi makatao, delikado at lubhang di epektibo. Naging sanhi ito ng pagkamatay at nagdulot sa mga sibilyan ng mga pinsalang maaari naman sanang maiwasan. Ang humanitarian aid ay dapat ibinibigay lamang ng mga organisasyong humanitarian na may kakayahan at determinasyong gawin iyon sa ligtas at epektibong paraan,” sabi ni Claire Manera, ang emergency coordinator ng Doctors Without Borders.
Sa Nasser Hospital ngayong araw na ito, ang mga team ng Doctors Without Borders ay may mga ginamot na mga pasyenteng nagtamo ng malalang pinsala. May ilang mga pasyenteng nasa kritikal na kondisyon at sumasailalim pa sa mga operasyon. Ngunit dahil ang mga blood bank ay halos wala nang laman, ang medical staff mismo ang nagbibigay ng dugo bilang donasyon.
“Ang mga pasilyo ng ospital ay punong-puno ng mga pasyente. Ngunit hindi tulad ng nasaksihan ko dati, kung saan karamihan sa mga pasyente ay kababaihan at mga bata, ngayon nama’y panay lalaki. Nakahiga sila sa mga kama na nasa pasilyo na dahil ang mga silid ay punong-puno na ng mga taong nasaktan. Kitang-kita ang tama ng bala sa kanilang mga binti, at ang kanilang mga kasuotan ay basang-basa ng dugo,” sabi ni Nour Alsaqa, communications officer ng Doctors Without Borders.
“Tila pinanghinaan sila ng loob pagkatapos nilang sumubok makakuha ng pagkain para sa kanilang mga anak. Umuwi silang luhaan at nasaktan pa sila sa labanan. Dinig na dinig ang sigawan ng mga tao sa labas, mga sirena, at ang walang patid na pagdating ng mga pasyente sa emergency room. Sa gitna ng kaguluhan, nakumpirma namin na ang kapatid ng isa sa aming kasamahan ay napatay habang sinusubukan niyang makakuha ng aid mula sa distribution centre,” dagdag niya.
Hindi ito aid. Ito’y panloloko. Dapat ba’y kumuha kami ng pagkain para sa aming mga anak at pagkatapos ay mamatay?Mansour Sami Abdi, ama ng apat
Inilarawan ni Mansour Sami Abdi, ama ng apat, ang kaguluhan: "Pinag-aagawan ng mga tao ang limang papag. Sinabihan nila kaming kumuha ng pagkain—ngunit bigla kaming pinagbabaril. Tumakbo ako sa distansyang 200 na metro bago ko napansin na may tama pala ako. Hindi ito aid. Ito’y panloloko. Dapat ba’y kumuha kami ng pagkain para sa aming mga anak at pagkatapos ay mamatay?"
“3:10am noong nabaril ako. Dahil wala na kaming mapuntahan, tuloy-tuloy ang pagdugo ng sugat ko hanggang 5:00am. Marami akong kasamang iba pang mga lalaki. Sinubukan ng isa sa kanilang tulungan akong makatakas. Binaril siya sa ulo, at namatay siyang nakalugmok sa aking dibdib. Pagkain lang naman ang pakay namin doon, gusto lang naming mabuhay, gaya ng lahat ng ibang tao,” sabi ni Mohammad Daghmeh, 24, isa sa mga nawalan ng tirahan sa Al-Qarara, Khan Younis.
Ito ang ikalawang beses na nauwi sa kasawian ang bagong sistema sa pamamahagi ng aid. Noong Mayo 27, sa unang araw ng pamamahagi sa Rafah, pinagbabaril ng puwersang Israeli ang dose-dosenang tao habang ang kulang na kulang na pangunahing makasagip-buhay na supply ay ipinamamahagi sa gitna ng kaguluhan.
Bilang resulta ng ganap na pagkubkob na ipinataw ng mga awtoridad na Israeli noong Marso 2, nanganganib na ngayon ang buong Gaza mula sa taggutom, ayon sa United Nations. Simula noong Mayo 19, ang ilang daang food truck na ipinasok – isang maliit na bahagi lang ng kabuuang pangangailangan– ay nagpalaganap ng kawalan ng pag-asa sa mahigit 2 milyong taong tatlong buwan nang pinagkaitan ng pagkain, tubig, at mga gamot. Ang ganap o bahagyang paghadlang sa pagpasok ng humanitarian aid sa Gaza ay nagpalala sa sitwasyon para sa lahat ng tao rito.
Idinidiin ng mga Doctors Without Borders na, kasabay ng mga kautusan sa paglikas at mga kampanya ng pagbobomba na pumapatay sa mga sibilyan, ang paggamit sa aid bilang sandata ay maaaring ituring na krimen laban sa sangkatauhan. Tanging isang magtatagal na ceasefire at ang agarang pagbukas ng mga hangganan ng Gaza upang makapasok ang humanitarian aid – tulad ng pagkain, mga medical supply, fuel at mga kagamitan – ang makapipigil sa malaking kapahamakang ito na gawa ng tao.
Susuportahan mo ba ang aming emergency response?
Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.