Ang di makatao at di epektibong militarisasyon ng aid sa Gaza
Isang hilera ng mga jerrycan ang naghihintay malagyan ng tubig, habang inaabangan ng mga Palestino sa Jabalya, Northern Gaza Strip, ang pagdating ng trak na may dalang tubig. Palestinian Territories, Pebrero 2025. © Nour Alsaqqa/MSF
Inilalahad sa sumusunod na pahayag mula sa Secretary General ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) na si Christopher Lockyear ang mga dahilan kung bakit ang pagharap ng Gaza Humanitarian Foundation sa pamamahagi ng aid sa Gaza, Palestine, ay mapanganib at hindi nag-iingat.
“Ang mapaminsalang simula ng pamamahagi ng pagkain na isinaayos ng bagong likhang Gaza Humanitarian Foundation ay nagkukumpirma na ang plano ng US at Israel upang gamitin ang aid bilang instrumento ay di epektibo. Noong Mayo 27, sa unang araw ng pamamahagi sa Rafah, South Gaza, dose-dosenang tao ang nabaril at nagtamo ng pinsala habang ang kulang na kulang na pangunahing makasagip-buhay na mga supply ay ipinamamahagi sa gitna ng kaguluhan.
Ang mga Palestino – na halos tatlong buwang pinagkakaitan ng pagkain, tubig at medical aid – ay binakuran habang sila’y naghihintay na mabigyan ng kanilang mga pangunahing pangangailangan upang mabuhay. Ito ay malinaw na paalala ng hindi makataong pagturing sa mga Palestino ng mga awtoridad na Israeli sa loob ng mahigit 19 na buwan.
Dahil sa mapanganib at hindi maingat na paraan ng pagharap rito, ang pagkain ay hindi ipinamamahagi sa mga lugar kung saan ito’y pinakakinakailangan. Sa halip, ang pagkain ay dinadala sa mga lugar kung saan tinitipon ng mga puwersang Israeli ang mga sibilyan. Ibig sabihin, ang pinakamahihina – lalo na ang mga matatanda at ang mga taong may kapansanan – ay walang pag-asang makakuha ng pagkaing kinakailangan nila."
Ang inisyatibang ito ay tila isa lamang pagpapanggap na sumusunod sila sa International Humanitarian Law. Ang totoong ginagawa nila ay ang paggamit ng aid bilang kasangkapan upang mapuwersa ang mga taong lumikas. Ito’y bahagi ng mas malaking estratehiya para sa ethnic cleansing ng Gaza Strip, at upang mabigyang-saysay ang pagpapatuloy ng digmaan nang walang limitasyon.Christopher Lockyear, Secretary General
Ang kanilang pahayag na ang mekanismong ito na hindi nakabatay sa prinsipyo, at hindi nagtatagumpay ay kinakailangan upang pigilan ang paglihis ng aid ay hindi totoo. Mula noong nag-umpisa ang digmaan, ang Doctors Without Borders ay gumagamot sa mga pasyente kapag nakapagdadala kami ng mga supply sa Gaza. Ang inisyatibang ito ay tila isa lamang pagpapanggap na sumusunod sila sa International Humanitarian Law. Ang totoong ginagawa nila ay ang paggamit ng aid bilang kasangkapan upang mapuwersa ang mga taong lumikas. Ito’y bahagi ng mas malaking estratehiya para sa ethnic cleansing ng Gaza Strip, at upang mabigyang-saysay ang pagpapatuloy ng digmaan nang walang limitasyon.
Samantala, ang sistemang humanitarian ay sinasakal ng mga paghihigpit na ipinataw dito. Pinahintulutan ng mga awtoridad na Israeli ang paunti-unting pagpasok ng mga trak sa Gaza. Ngunit sila’y hahadlangan din agad matapos nilang tawirin ang hangganan, na makapipigil sa pag-abot ng makasagip-buhay na pagtulong sa mga taong lubos na nangangailangan nito gaya ng mga bata, mga nagdadalang tao at mga nagpapasusong kababaihan.
Ang pagpilit sa mga organisasyong humanitarian na maghatid ng kulang na kulang na aid, habang ang pagkubkob na isinasagawa ng mga Israeli ay nagdudulot ng hindi mabatang pangangailangan at kawalan ng pag-asa, ay nagiging sanhi ng mga pandarambong. Ito ang kahihinatnan ng isang lipunan na itinutulak sa bingit, at sinisira ng hindi humuhupang karahasan at pagkakait. Ang kahahantungan nito ay ang pagdami ng mga kamatayan at pinsalang mapipigilan naman. Mauuwi rin ito sa pagiging imposibleng maihatid ang aid sa paraang nagpapakita ng paggalang sa dignidad ng tao. Ito ay bahagi ng isang mas malawakang taktika upang idiin ang isang panig ng kuwento: na ang tanging paraan upang maihatid ang aid ay sa pamamagitan ng militarisasyon.
Kasabay ng mga kautusan sa paglikas at mga kampanya ng pagbobomba na pumapatay sa mga sibilyan, ang paggamit sa aid bilang sandata ay maaaring ituring na krimen laban sa sangkatauhan. Tanging isang magtatagal na ceasefire at ang agarang pagbukas ng mga hangganan ng Gaza upang makapasok ang humanitarian aid – tulad ng pagkain, mga medical supply, fuel at mga kagamitan – ang makapipigil sa malaking kapahamakang ito na gawa ng tao.
Susuportahan mo ba ang aming emergency response?
Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.