Gaza: Doctors Without Borders, sinimulang muli ang kanilang mga aktibidad sa Gaza City
Isang sasakyan ng Doctors Without Borders ang nakaparada sa labas ng Al Rantisi Hospital sa Gaza City, sa gitna ng mga labi ng mga gumuho at mga nawasak sa lugar. Makikita sa larawang ito na kuha mula sa pasukan ng ospital ang matatanaw sa katapat na kalye. Palestine, October 2025. © MSF
Noong Setyembre 24, napilitang lisanin ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) ang Gaza City sa gitna ng tumitinding opensa ng mga Israeli. Pagkatapos magsimula ng ceasefire noong Oktubre 10, mahigit 402,488* ang napilitang lumikas. Ang mga displacement movement na ito ay naitala mula timog hanggang hilaga, ayon sa Population Movement Monitoring Flash Update. Matapos ang maingat na pagsubaybay at pagtatasa, muling inumpisahan ng Doctors Without Borders ang kanilang mga aktibidad sa lugar, habang patuloy ang pagsisikap naming puntahan ang mga pasyente kung nasaan sila.
Muling binuksan ng Doctors Without Borders ang klinika nito noong Oktubre 15 para sa pangangalaga ng mga sugatan sa Gaza City. Nakatanggap ang aming mga team ng mahigit sa 640 na pasyente—ang karamihan sa kanila ay nagtamo ng mga pinsalang kaugnay ng trauma. Marami sa kanila ang ilang linggo nang walang mapagkunan ng tamang pangangalaga para sa mga sugat, at ng mga dressing. Patuloy rin ang pagsuporta ng Doctors Without Borders sa Al-Helou Maternity Hospital at sa Al-Shifa Hospital sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga insentibo, supplies at fuel.
Noong nag-umpisa ang Setyembre, isa sa mga pasilidad kung saan kinailangan naming suspindihin ang aming mga aktibidad ay ang Primary Healthcare Centre (PHCC) na aming sinusuportahan sa Sheikh Radwan. Noong bumalik ang aming mga team doon noong nakaraang linggo, nalaman nilang may mga bahagi ng pasilidad ang nawasak, kung kaya’t ang komunidad ay nawalan ng mahalagang mapagkukunan ng pangangalagang medikal.
Pagsapit ng Oktubre 14, muling naghatid ang mga trak ng Doctors Without Borders ng malinis na tubig sa Gaza City. Sa siyam na magkakasunod na araw, nakapagbigay kami ng 90,000 hanggang 180,000 na litro ng inuming tubig kada araw sa 9 hanggang 14 na lugar ng pamamahagi. Kasalukuyan naming pinag-aaralan ang posibilidad na palawakin pa ang pamamahaging ito, habang dumarami ang mga taong bumabalik mula sa timog at haharap sa limitadong mapagkukunan ng ligtas na tubig sa Gaza City.
*Ang mga bilang na ito ay sumasalamin sa mga agos ng populasyon sa halip na sa mga permanenteng pagbalik, sapagka’t hindi lahat ng naglalakbay ay nananatili sa hilaga.
Susuportahan mo ba ang aming emergency response?
Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.