Gaza: Ang nakamamatay na pamamaraan ng pamamahagi ng supply ng Israel at US ay kinakailangang wakasan na at dapat nang tanggalin sa pagkakakubkob ang Gaza
Si Ashraf, 17 na taong gulang ay ginagamot ng Doctors Without Borders staff sa isang klinika para sa pangunahing pangangalagang pangkalusugan matapos siyang magtamo ng malubhang sugat habang siya’y nasa isang Israeli-US aid distribution site sa Gaza. Palestine, 2025 © Nour Alsaqqa/MSF.
Hunyo 27, Gaza – Ang pamamaraan ng pamamahagi ng mga pagkain ng Israel at US sa Gaza, na kanilang inilunsad isang buwan na ang nakararaan, ay dinisenyo upang pahiyain ang mga Palestino. Napipilitan silang mamili kung gugutumin nila ang kanilang mga sarili o ilalagay sa panganib ang kanilang mga buhay para lang sa kaunting supplies. Mahigit 500 na tao na ang napatay at halos 4,000 na ang nasugatan habang sila’y naghahanap ng pagkain. Ang pamamaraang ito ay pagpaslang sa marami na nagkukunwang humanitarian aid at dapat ito’y agad nang tigilan. Nananawagan ang Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) sa mga awtoridad na Israeli at sa kanilang mga kaalyado na wakasan na ang pagkubkob, upang ang pagkain, gasolina, medical at humanitarian supplies ay bumalik na lang sa dati nang sistemang humanitarian na pinangangasiwaan ng UN.
Ang trahedyang ito ay nilikha ng Israeli-US proxy na kumikilos sa ilalim ng pangalang Gaza Humanitarian Foundation (GHF). Ang kanilang pamamaraan sa pamamahagi ng supplies ay nagpupuwersa sa libo-libong mga Palestino, na 100 na araw nang nagugutom dahil sa pagkubkob sa kanila ng Israel, na maglakad nang malayo para marating ang apat na distribution site at doo’y makikipaglaban pa sila para sa mga tira-tirang pagkain. Sa mga lugar na ito’y hinahadlangan ang mga kababaihan, mga bata, mga matatanda, at mga taong may kapansanan na makakuha ng aid, at ang mga tao’y napapatay at nasusugatan sa magulong prosesong ito. Gayunpaman, ang bawat kasamaan ay nangyayari nang halos hindi na ipinagkikibit-balikat, at lalong wala nang pagkondena, mula sa isang pandaigdigang komunidad na tila hindi na tumututol sa papel nito sa pagpapahintulot at pagpapatuloy ng isang kampanyang maihahalintulad sa mga ginagawa sa genocide. Hindi dapat na hayaan na lang natin itong mangyari.
“Ang apat na distribution site, na lahat ay nasa mga lugar na ganap na kontrolado ng mga puwersang Israeli pagkatapos sapilitang pinalikas ang mga tao mula roon, ay kasinglaki ng mga football field na napapaligiran ng mga watch point, mga tumpok ng lupa at barbed wire. Ang nakabakod na pasukan ay nagbibigay lamang ng iisang madadaanan papasok o palabas,” sabi ni Aitor Zabalgogeazkoa, ang emergency coordinator ng Doctors Without Borders sa Gaza. Ibinabagsak ng mga manggagawa ng GHF ang mga palyeta at mga kahon ng pagkain, at pagkatapos ay bubuksan nila ang mga bakod upang papasukin nang magkakasabay ang libo-libong tao na maglalaban-laban para sa huling butil ng bigas.
“Kung maagang dumating ang mga tao at lumapit sa mga checkpoint, babarilin sila. Kung dumating sila sa tamang oras, ngunit masyado silang marami kaya’t tatalunin nila ang mga tumpok ng lupa at mga wire, babarilin din sila,” sabi ni Zabalgogeazkoa. “Kapag mahuli naman sila ng dating, hindi na sila maaaring pumunta roon dahil ito ay isa nang ‘evacuated zone’, at babarilin din sila.”
"Sino pa ang magpapakain sa aking pamilya? Kinailangan kong pumunta." Ginagamot ang isang 32 na taong gulang na pasyente sa klinika ng Al-Mawasi para sa sugat na tinamo niya noong pumunta siya sa isang food distribution site sa Gaza. Palestine, 2025 © Nour Alsaqqa/MSF.
Araw-araw, nakakita ang mga team ng Doctors Without Borders ng mga pasyenteng napatay o nasugatan habang sinusubukan nilang makakuha ng pagkain sa mga site na ito.
“Maraming mga tao ang nababaril. Hindi ito tulong – ito’y isang nakamamatay na patibong,” sabi ni Hani Abu Soud, isang miyembro ng komunidad sa sentro para sa pangunahing pangangalagang pangkalusugan sa Al-Mawasi. “Isa-isa nila kaming papatayin. Gutom kami, at nagsusumikap lang kaming pakainin ang aming mga anak. Ano pa ba ang maaari kong gawin? Ang isang supot ng munggo ay nagkakahalaga ng mga 30-40 na shekels [€6 – €10]”.
“Wala kaming ganoong klaseng pera. Mas mura pa ang mamatay kaysa mabuhay.”
Sa pagpapatuloy ng pamamahagi, napansin ng mga medical team ang matinding pagtaas ng bilang ng mga pasyenteng nababaril. Sa field hospital ng Doctors Without Borders sa Deir Al-Balah, umakyat ang bilang ng mga pasyenteng nabaril ng 190% noong linggo ng Hunyo 8 kumpara sa nakaraang linggo. Ang mga halos hindi na gumaganang mga ospital sa Gaza ay napupuspos na; paubos na ang kanilang mga supply ng mga pain reliever, anaesthesia at dugo. Kahit ang mga ospital na ganap na gumagana ay mahihirapang humarap sa ganoon kadaming mga pasyenteng dumadagsa sa mga emergency room araw-araw.
“Maraming mga tao ang nababaril. Hindi ito tulong – ito’y isang nakamamatay na patibong."Hani Abu Soud, Community Member
Ang mga pasyenteng sugatan ay pumupunta na lang sa mga klinika o mga field hospital dahil ang mga malalaking ospital na mas may kapasidad upang gumamot ng trauma dahil sa karahasan ay napinsala ng mga pagsalakay ng Israel at marami sa mga ito ay isinara na. Ang klinika ng Doctors Without Borders sa Al Mawasi, na hindi karaniwang may kakayahang gumamot ng mga may trauma, ay tumanggap ng 423 na nasugatan sa mga distribution site mula noong Hunyo 7. Araw-araw, may dumarating na sampu o higit pang mga pasyenteng nagtamo ng mga malubhang pinsala sa mga distribution site. Ang mga pinsalang ito ay nangangailangan ng agarang makasagip-buhay na paggamot, gaya ng pagsalin ng dugo o operasyon, na hindi magagawa ng aming mga team sa isang klinikang para lang sa pangunahing pangangalagang pangkalusugan. Isinasangguni ang mga pasyente sa iilang ospital na nananatiling tumatakbo tulad ng Nasser Hospital, ngunit dahil sa kakulangan ng pangangalagang pangkalusugan, nakatanggap ang Doctors Without Borders ng mga ulat ukol sa mga taong nasugatan sa mga distribution site na namamatay bago pa man sila makatanggap ng paggamot.
“Paggising niya, gusto niyang mag-almusal ngunit walang makain. Sabi niya, maghahanap ako ng pagkain para sa atin. Sinabihan ko siya na masyado itong mapanganib. Subali’t gusto raw niyang pakainin ang kanyang mga kapatid. Pagkalipas ng tatlumpung minuto, tumawag siya at humihingi ng tulong dahil siya’y nabaril. Ang pagtulong na ito ay nakalublob sa dugo.” - Hanan, nanay ni Ashraf. Palestine, 2025 © Nour Alsaqqa/MSF.
Dahil walang makain ang pamilya ni Ashraf sa tolda kung saan sila nakatira, ang 17 na taong gulang na lalaki ay pumunta sa isang distribution site noong Hunyo 23. “Sabi ko sa kanya, masyado itong mapanganib. Subali’t gusto raw niyang pakainin ang kanyang kapatid,” sabi ni Hanan, ang nanay ni Ashraf. “Pagkalipas ng tatlumpung minuto, tumawag siya at humihingi ng tulong dahil siya’y nabaril. Ang pagtulong na ito ay nakalublob sa dugo.”
Ginagamot si Ashraf sa klinika para sa pangunahing pangangalagang pangkalusugan sa Al Mawasi.
Hindi dapat ginagamit ang aid para sa mga layuning militar ng isang partido sa digmaan. Gumamit ang mga awtoridad na Israeli ng sinasadyang taktika ng pagkakait ng pagkain sa mga Palestino sa Gaza. Ginawa nilang sandata ang food supply sa pamamagitan ng pagkakait nito sa mga tao, at pagkatapos ay ibinahagi ang napakalimitadong dami nito, isang ganap na paglabag sa pandaigdigang batas humanitarian.
Ang mga prinsipyong humanitarian ay ginawa upang madaling ipaabot ang tulong sa mga pinakanangangailangan, nang hindi tinatapakan ang kanilang dignidad. Ang paghatid ng tulong ay dapat na naaayon sa pangangailangan, at alinsunod sa mga prinsipyong ito. Mahalagang mabigyan agad ang mga tao sa Gaza ng isang sistema ng tunay na pagtulong, at ng isang pananatiliing ceasefire, para sa pagpapatuloy ng kanilang mga buhay.
Susuportahan mo ba ang aming emergency response?
Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.