Gaza: Acute malnutrition, umabot sa pinakamataas nitong antas sa dalawang pasilidad ng Doctors Without Borders
Isang Palestinong batang nagdurusa dahil sa malnutrisyon ay sumailalim sa isang medical checkup sa klinika ng Doctors Without Borders sa siyudad ng Gaza. Palestine, 2025 © Nour Alsaqqa/MSF
Sa klinika ng Al-Mawasi sa Southern Gaza, at sa Gaza City clinic ng Doctors Without Borders sa hilaga, nakakakita kami ng pinakamataas na bilang ng mga kaso ng malnutrisyon na naitala ng aming mga team sa Gaza Strip. Kailangang pahintulutan ang tuloy-tuloy na pagpasok ng pagkain at medical supplies sa Strip.
Mahigit sa 700 na nagdadalang tao at nagpapasusong kababaihan, at halos 500 na bata na may severe at moderate na malnutrisyon ang kasalukuyang nakatala sa aming mga ambulatory therapeutic feeding centre sa dalawang klinika. Ang bilang ng mga pasyenteng nagpatala sa klinika ng Doctors Without Borders sa Gaza City ay halos naging apat na beses ng bilang, wala pang dalawang buwan ang nakararaan. Mula 293 na kaso noong Mayo, naging 983 na kaso noong simula ng Hulyo. Sa mga kaso nitong Hulyo, 326 ay mga batang ang edad ay mula 23 na buwan hanggang anim na taon.
“Ito ang kauna-unahang pagkakataong nakakita kami ng ganito kalalang sitwasyon ng malnutrisyon sa Gaza,” sabi ni Mohammed Abu Mughaisib, ang deputy medical coordinator ng Doctors Without Borders sa Gaza. “Ang pagkagutom ng mga tao sa Gaza ay sinadya, maaari itong magwakas anumang araw kung papapasukin ng mga awtoridad na Israeli ang sapat na pagkain.”
“Ito ang ikatlong pagpunta ko sa Gaza, at ngayon lang ako nakakita ng ganitong sitwasyon. May mga inang humihingi sa akin ng pagkain para sa kanilang mga anak. May mga anim na buwang nagdadalang tao na ang timbang ay hindi hihigit sa 40 na kilo. Ang sitwasyon ay mas malubha pa sa kritikal.”Joanne Perry, Doktor
Ang malnutrisyon sa Gaza ay resulta ng mga sinadya at kalkuladong pagkilos ng mga awtoridad na Israeli: hinigpitan ang pagpasok ng pagkain, at ang pinahintulutan ay sapat lang para mapanatiling buhay ang mga Palestino, diniktahan at ginawang militarisado ang pamamaraan ng pamamahagi, habang winasak ang mga kapasidad para sa lokal na food production. Inilalagay ng mga tao ang kanilang buhay sa panganib upang makakuha ng kakaunting rasyon ng pagkain. Kasabay nito ay bumabagsak ang iba pang mga sistema sa komunidad– nadudumihan ang mga sewage dahil sa pagkawasak ng mga imprastruktura, ang paghihigpit sa pagpasok ng gasolina ay nagdudulot ng limitasyon sa produksyon ng malinis na inuming tubig, ang mga kahindik-hindik na kondisyon ng pamumuhay sa mga siksikang kampo ay nakaaapekto sa kalusugan ng mga tao at nakakompromiso ang kanilang kaligtasan sa sakit.
“Dahil sa malawakang malnutrisyon ng mga nagdadalang tao, at sa kakulangan ng mga serbisyong kaugnay ng tubig at sanitasyon, maraming mga sanggol ang ipinanganganak nang kulang sa buwan,” sabi ni Joanne Perry, doktor ng Doctors Without Borders. “Ang aming neonatal intensive care unit [sa Al-Helou Hospital] ay lubhang siksikan, apat hanggang limang mga sanggol ang gumagamit ng iisang incubator.”
Si Donia Alouf, isang 33 na taong gulang na Palestinong ina, at ang kanyang anak na lalaking isang taong gulang na si Ahmed, ay parehong natukoy na may malnutrisyon. Si Donia ay nakatatanggap ng medical assistance mula sa Gaza Clinic sa siyudad ng Gaza. Siya ay walong buwang nagdadalang tao. Palestine, 2025 © Nour Alsaqqa/MSF
Bago noong Oktubre 2023, ang Gaza ay lubhang nakaasa sa mga pumapasok na mga produkto at supplies mula sa labas. Araw-araw, may mga 500 na trak na pumapasok sa Strip. Mula noong Marso 2, ang kabuuang bilang ng mga trak na pumasok ay hindi man lang aabot sa 500. Dahil kadalasa’y sarado ang mga border crossing para sa aid o bukas man ay may mga mahigpit na limitasyon, at dahil ang lokal na food production ay halos imposible dahil sa kasalukuyang nagaganap na mga labanan at pagwasak, ang mga pamilihan ay walang laman, o di kaya’y may kaunting pagkaing mabibili, ngunit hindi sa halagang abot-kaya ng karamihan.
Lubhang tumaas ang presyo ng mga pagkain sa buong Gaza, kung kaya’t ang mga tao ay hindi makabili ng kahit na mga pangunahing pangangailangan lamang. Halimbawa, ang isang kilo ng asukal ay nagkakahalaga ng US$76, habang ang isa namang kilo ng patatas o harina ay nagkakahalaga ng halos $30, ayon sa World Food Programme. Dahil dito, karamihan sa mga pamilya ay nabubuhay nang isang beses lang sa isang araw kumakain – kadalasa’y bigas lang, munggo, o pasta – wala silang makuhang tinapay, sariwang gulay, o sapat na protina.
Kadalasan, ang mga magulang ay hindi na kumakain upang makakain ng sapat ang kanilang mga anak. Kahit ang mga malnourished na ina, na nakatatanggap ng therapeutic food, ay ibinibigay na lamang ang kanilang mga treatment supplement sa kanilang mga anak.
Ipinapaliwanag ng isang community health worker sa mga pasyente ang mga kaalaman ukol sa malnutrisyon bago sila pumasok upang magpasuri sa Gaza Clinic sa siyudad ng Gaza. Palestine, 2025 © Nour Alsaqqa/MSF.
“Isa rin akong ina, kaya’t hindi ko sila masisisi dahil ganoon din ang gagawin ko,” sabi ni Nour Nijim, isang nursing team supervisor. “Ngunit bilang isang tagapagbigay ng pangangalagang pangkalusugan, nakararamdam ako ng pagkabigo. Nagugutom ang mga tao at humihingi sila sa amin ng therapeutic food, ngunit hindi sapat ang mayroon kami. Kailangan naming unahin ang mga taong natukoy na may malnutrisyon.”
Ang mga malnourished na pasyenteng ginagamot namin ay maliit na bahagi lamang ng isang mas malaking krisis. Sa mga klinika ng Doctors Without Borders, ang mga pasyenteng nagtamo ng pinsala ay humihingi ng pagkain sa halip na gamot. Hindi kasi gumagaling ang kanilang mga sugat dahil sa kulang sila sa protina. Naoobserbahan din ng aming mga doktor ang mabilis na pagbaba ng kanilang timbang, matagal na paggaling ng mga impeksyon, at kitang-kita ang pagkapagod ng mga pasyente at ang kanilang mga tagapangalaga.
Nananawagan ang Doctors Without Borders para sa agarang pag-alis ng mga hadlang sa humanitarian aid, ang tuloy-tuloy na pagpasok ng pagkain at medical aid sa Gaza, at ang proteksyon ng mga sibilyan.
Susuportahan mo ba ang aming emergency response?
Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.