Digmaan sa Pag-iisip: Ang epekto sa kalusugang pangkaisipan ng mga Palestino sa West Bank
Dumating ang mga residente ng komunidad ng Al Majaz sa klinika ng Doctors Without Borders, na nagbibigay ng mga pangunahing serbisyo para sa pangangalagang pangkalusugan sa lugar. Palestine, 2025 © Oday Alshobaki/MSF
Mula noong inilunsad ng Israel ang kampanya nito sa paglipol ng lahi sa Gaza, malalim at malayo ang naabot ng epektong sikolohikal nito sa mga Palestino. Habang ang atensyon ng mundo ay nakatuon sa pisikal na pagkawasak ng Gaza, ang kalusugang pangkaisipan ng mga taga-Gaza at West Bank, bata man o matanda, ay lubhang naapektuhan.
Sa West Bank, ang mga patakaran at kasanayan ng Israel tungo sa pag-angkin ng teritoryo bilang bahagi ng mas malawak na planong teritoryal at demograpiko ay lumilikha ng mga matitinding panganib ng sapilitang paglipat, ethnic cleansing, at ang ganap na pagbura sa presensya ng mga Palestino. Ang paglipol ng lahi na ginawa ng Israel sa Gaza at ang pagpapalalim ng kanilang pag-angkin sa West Bank ay hindi lang isang pisikal na digmaan, ito rin ay digmaan sa pag-iisip ng mga Palestino at sa kanilang kolektibong pagkatao.
Narito ang mga patotoo ng ilang mga Palestino sa West Bank, at ng isang sikolohista ng Doctors Without Borders tungkol sa epekto ng krisis sa pag-iisip.
Larawan ni Fatima*, taga- Hebron City, West Bank. Palestine, 2025 © Belen Filgueira/MSF. *Ang pangalan ay pinalitan
Fatima*, 35 na taong gulang, Hebron City, West Bank
"Labag sa aming kalooban ang pagtira namin dito: hindi namin pinili ang ganitong buhay. Pero ito na ang buhay namin ngayon, at kailangang ipagpatuloy namin ito. Malayo rito ang tirahan ng aking pamilya, kaya’t hindi ko na sila gaanong nabibisita. Siyempre, apektado ang mga anak ko. Halimbawa, kapag may isa sa kanilang magkasakit sa gabi, paano ko sila madadala at malalampasan ang checkpoint? Kakailanganin ko silang kargahin gamit ang aking mga bisig. Walang paraang dumiretso sa ospital. Iyon pa lamang ay napakahirap na.
Pagkatapos magsimula ang digmaan, bumili ako ng sarili kong kotse. Wala akong magagawa. Ni wala akong lisensya sa pagmamaneho, kaya’t kinailangan ko pang kumuha nito. Imposibleng maglakbay nang malayo kapag wala kang sasakyan. May sasakyan din ang asawa ko. Kailangan talagang tig-isa kami.
Ngunit kahit may sasakyan kami, nag-aalala pa rin kami. Kailangan naming pumarada malapit sa checkpoint, at nababalisa kami dahil ilang beses nang nagwasak o nagsunog ng mga kotse ang mga puwersang Israeli roon.
Ang pagtira sa Palestine habang ito’y nasasakop ay may epekto sa aming kalusugang pangkaisipan. Binabangungot ako. Pinalalala pa ng digmaan ang nararamdaman naming panggigipit. Pakiramdam ko, nanghihina ang aking kalusugang pangkaisipan. Mayroon akong mga plano, mga bagay na gusto kong gawin kasama ang aking anak kapag nasa tamang edad na siya. Gusto kong magsimula ng isang proyekto kasama siya. Ngunit dahil sa digmaan, kinailangan kong ikansela ang lahat ng iyon."
*Ang pangalan ay pinalitan upang maprotektahan ang kanyang pagkakilanlan
Si Reema*, habang hawak ang larawang kanyang iginuhit, Masafer Yatta, West Bank. Palestine, 2025 © Belen Filgueira/MSF. *Ang pangalan ay pinalitan
Reema*, 13 na taong gulang, Masafer Yatta, West Bank
"Pagdating ko sa burol malapit sa aming bahay, nakita kong may mga papaalis na bulldozer. Tila nahulog ang puso ko. Tumingin ako sa iniwan nila, kung saan dapat ay makita ko ang aming bahay. Nunit wala na iyon, panay labi na lang ang nakita ko. Wala na kaming tirahan.
Natigilan ako. Nakagigitla ang mga pangyayari, wala akong maapuhap na salita para sa aking nararamdaman. Noong ako’y nakalalakad na, nakita ko ang aking ina. Niyakap niya ako at binulungan, “Huwag kang mag-alala, ang bahay ay maaaring palitan.”
Ngunit bigla kong napansin ang aking kapatid na lalaki. Binugbog siya. Itinulak siya sa lupa at siya’y nagtamo ng pinsala. Tila isang panaginip ang makita siyang ganoon. Ang lahat ng tao sa paligid ko ay nagsisigawan, umiiyak, nagtatawag, ngunit wala akong magawa. Nakatayo lang ako roon."
Tiningnan ko kung ano ang natira sa aming tahanan. Ang lahat ay nawasak: ang aking mga laruan, mga pangkulay na lapis, at iba pa. Paulit-ulit kong sinabi sa sarili ko, 'Okay lang ‘yan.'"
Kapag ako’y gumuguhit, inilalarawan ko ang mga pagdurusa sa Gaza, ang mga krimeng ginagawa ng mga mananakop, ang mga katatakutang inihahasik sa mga bata. Araw-araw namamatay ang mga bata, dahil sa pagkagutom o mula sa mga pagbobomba."
Ito ang nararamdaman ko: ang nangyari sa Gaza ay hindi katiis-tiis. Nadudurog ang aking puso. Ang mga batang inosente ay namamatay; buo-buong mga pamilya ang naglalaho. At dito rin, ang mga sundalo at mga dayo ay dumarating, binabaril kami at binugbog, sinasalakay ang mga sibilyan. Ngunit nananatili kami rito. Nakakapit ang aming mga ugat sa aming lupang tinubuan."
Dahil ito ang aming tahanan—kahit ilang beses pa itong mawasak."
*Ang pangalan ay pinalitan upang maprotektahan ang kanyang pagkakilanla
Ang mga team ng Doctors Without Borders sa Al Majaz, isa sa 16 na mga mobile clinic sa governorate ng Hebron, West Bank. Palestine, 2025 © Oday Alshobaki/MSF
“Ang mga Palestino ay naghahanda para sa pagkatalo”
Isang sikolohistang nagtrabaho sa Doctors Without Borders
"Nakikita ko at nararamdaman kung paanong tumitindi ang takot ng mga tao. Laganap ang takot sa lahat ng lugar, at ito’y nakapaparalisa. Hindi lang nag-aalala ang mga Palestino: sila’y naghahanda rin para sa kanilang pagkatalo. Madalas na sinasabi ng aming mga pasyente na kapag nakakita sila ng mga larawan ng mga tao sa Gaza na kinukuha ang mga labi ng kanilang mga mahal sa buhay, hindi nila maiwasang isipin: 'Kung mamamatay ako, gusto kong mamatay kasama ang aking pamilya.' Ito’y hindi mga abstraktong ideya lamang. Ito ay paraan ng isipan upang mabigyang-saysay ang mga kahindik-hindik na pangyayari. Sa halip na pagplanuhan ang kanilang hinaharap o ang kinabukasan ng kanilang mga anak, nakatuon sila sa pag-iisip kung ano ang pinakamadali at di gaanong masakit na paraan ng pagkamatay. Isang kamatayang agad na darating, at isang kamatayang walang iiwanang buhay.
Sa West Bank, may pagbabadya ng padating na trahedya, ngunit walang nakakaalam kung kailan at paano ito mangyayari. Ito’y isang kolektibong kamalayan, isang tahimik na pagkabalisang laging nariyan. Maririnig mo ang sinasabi ng mga tao: 'Sinimulan nila sa Gaza. Pagkatapos ay sa hilaga naman ng West Bank. Hindi magtatagal, tayo naman ang kasunod.' Isa ka mang mental health professional o isang magsasaka, pare-pareho lang ang nararamdaman namin. Hinihintay lang naming maging kasunod.
Sa aming mga klinika, naobserbahan namin ang kapansin-pansing pagdami ng mga pasyenteng may mga sintomas ng matinding kalungkutan, pagkabalisa, at post-traumatic depression. Maaaring magkakaiba ang mga sintomas, ngunit malinaw ang binibigay nitong indikasyon. Ang mga kalalakihan, lalo na ang mga nawalan ng hanapbuhay o pinagkakakitaan, ay nagpapakita ng mga psychosomatic na sintomas. Mas katanggap-tanggap na sabihin ng isang taong, 'masakit ang tiyan ko' kaysa 'natatakot ako.' Ngunit nakaugat sa takot at kawalan ng pag-asa ang kanilang mga sinasabi: makikita mo ang pangamba sa kanilang mga mata.
Ito’y hindi isang pansamantalang krisis. Ito’y isang mahaba at nakapipinsalang trauma na naipapasa ng bawat henerasyon sa susunod. Ito’y isang trauma na napipilitan ang mga Palestinong pagdaanan araw-araw. At sa unti-unting pagguho ng kaligtasan, dignidad at pag-asa, tahimik at malalim ang pagdurusang dinaranas ng kalusugang pangkaisipan."
Susuportahan mo ba ang aming emergency response?
Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.