Skip to main content
SA KASALUKUYAN Ebola sa DRC: Doctors Without Borders, pinalalaki ang pagtugon sa mabilis na nagbabagong anyo ng outbreak Magbasa pa

    Ethnic cleansing sa West Bank: Ang buhay sa gitnang araw-araw na karahasan at paulit-ulit na demolisyon sa Masafer Yatta

    MSF team assessing situation in Hebron

    Binisita ng mga team ng Doctors Without Borders ang Khallet Athaba upang mapag-aralan ang mga pangangailangan ng komunidad.  Sa Masafer Yatta, nagbibigay ang mga mobile clinic ng medikal at sikolohikal na pangangalaga sa mga pamilyang namumuhay sa gitna ng walang humpay na pagsalakay. Hebron, Palestine, 2025 © MSF

    Sa Khallet Athaba’, isang barangay sa Masafer Yatta sa governorate ng Hebron, tinitiis ng mga pamilyang Palestino ang araw-araw na panliligalig, pananakot, at mga marahas na pagsalakay ng mga dayong Israeli, na kadalasa’y pinoprotektahan ng mga puwersang Israeli. Ang pinsalang dulot nito ay nag-iwan sa karamihan sa mga residente na walang sapat na masisilungan, tubig, o kuryente.

    Ayon sa mga patotoo ng komunidad, mula noong Pebrero 2025 ay nakapagsagawa na ang mga puwersang Israeli ng apat na malawakang demolisyon, na nag-iwan sa mahigit 85% ng mga tirahan at mga masisilungan na mga labi na lang, kung kaya’t napilitan ang mga pamilyang mamalagi sa mga kuweba. Nitong nakaraang linggo, bumalik ang mga puwersang Israeli at winasak ang pitong sinisilungan, siyam na tolda at anim na kuweba, pati na rin ang mahigit sa 14 na tangke ng tubig at ang sistema para sa kuryente ng buong barangay.  Halos wala nang ligtas na masisilungan ang mga pamilya. Tanging ang paaralan lang at tatlong bahay ang naiwang nakatayo.

    Sa kabila ng laki ng pinsala rito, ang komunidad ng humigit-kumulang 100 na tao ay patuloy na tumatanggi sa paglikas. Ang mga pamilyang nawalan ng tirahan ay lumipat sa mga kuweba, ngunit maski roon ay nilolooban at sinasalakay sila ng mga dayo.  Inilarawan naman ng isang residente ang patuloy na paglaki ng pamayanan ng mga dayo sa di-kalayuan, at sabi pa niya, sa bawat lumilipas na araw ay tila papalapit nang papalapit ang kanilang mga karaban.

    Ayon sa ulat ng mga team ng Doctors Without Borders na bumisita sa Khallet Athaba’, ang mga kagyat na pangangailangan ng komunidad ay pangangalagang  medikal, suporta para sa kalusugang pangkaisipan, mga hygiene item, pagkain, at mga serbisyong kaugnay ng tubig at sanitasyon. Higit sa lahat, binibigyang-diin ng mga pamilya ang pangangailangan nilang maprotektahan, mapanatili ang kanilang dignidad, at mabigyan ng access sa mga mahahalagang serbisyo.

    Naghahatid ang Doctors Without Borders ng pangunahing pangangalagang pangkalusugan, suporta para sa kalusugang pangkaisipan, at psychosocial support sa pamamagitan ng mga pinatatakbo nitong mga mobile clinic sa limang barangay sa loob at sa paligid ng Masafer Yatta.

    Ikinuwento sa aming mga team ng isang residente na isang buwan pa lang ang nakalilipas mula noong sapilitang pumasok ang siyam na dayo sa kanyang bahay. Siya lang ang kasama ng apat niyang anak noong mga oras na iyon. Pinaghahampas ng mga dayo ang mga bata ng mga bakal na pamalo, at pinagtangkaang hatawin ang ulo ng kanyang tatlong buwan pa lamang na sanggol. Binugahan siya at ang kanyang sanggol ng pepper spray, at habang sinisikap niyang maprotektahan ang kanyang anak, patuloy pa rin ang paghampas sa kanya hanggang sa nabalian siya ng buto sa kamay. Ang isa niyang anak na 13 na taong gulang ay nabalian ng braso samantalang ang isa pa, na tatlong taon pa lang ay nagtamo ng pinsala sa ulo at nabalian din ng buto. Ang sanggol ay isinugod sa ospital, at inoobserbahan pa dahil sa walang tigil na pagsuka.

    Ang mga nagaganap sa Masafer Yatta ay bahagi ng isang mas malawak na patakaran ng ethnic cleansing, na naglalayong sapilitang paalisin ang mga Palestino mula sa lugar na ito. Ngunit sa kabila ng mga paulit-ulit na demolisyon at pagsalakay, wala pa ring umaalis sa kanila. Giit ng mga residente, hindi sila papayag na maging refugee sa kanilang sariling bayan.

    A home in Khallet Athaba in 2024

    Isang bahay sa Khallet Athaba' na nakunan ng larawan ng Doctors Without Borders noong 2024; ito ngayo’y wasak na dahil sa isinagawang demolisyon ng mga puwersang Israeli. Makikita sa larawang ito ang istruktura, bago ang demolisyon. Hebron, Palestine, 2025 © MSF

    Demolished houses

    Mula noong Pebrero 2025, mahigit 85% ng mga bahay at masisilungan sa Khallet Athaba' ay winasak ng mga puwersang Israeli. Makikita sa larawang ito ang labi ng bahay, pagkatapos ng demolisyon.  Hebron, Palestine, 2025 © MSF



    Susuportahan mo ba ang aming emergency response?

    Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.


    Categories