Skip to main content
SA KASALUKUYAN DRC: Naghahanda ang Doctors Without Borders para sa malawakang pagtugon sa outbreak ng Ebola Magbasa pa

    Palestine: Mga nakamamatay na insidente habang namamahagi ng aid sa North Gaza

    MSF staff standing near an ambulance

    Inililipat ng mga team ng Doctors Without Borders ang mga bangkay ng mga pasyenteng idineklarang dead on arrival matapos silang pagbabarilin sa mga distribution site ng aid na galing sa US at Israel. Gaza, Palestine, 2025 © Nour Alsaqqa/MSF

    Caroline Willemen, Doctors Without Borders project coordinator:

    "Noong Hulyo 30, habang nilalapitan ng mga tao ang mga trak na namamahagi ng aid malapit sa Zikim sa North Gaza, pinagbababaril sila ng mga puwersang Israeli. Marami ang nasugatan sa pamamaril at sa kaguluhang naidulot nito nang nataranta at nagtakbuhan ang mga tao. Ang medical staff ng sinusuportahan ng Doctors Without Borders na Sheikh Radwan Clinic sa North Gaza ay gumamot ng 77 na mga pasyenteng nagtamo ng pinsala at tumanggap ng walong taong patay na nang dumating. Sa North Gaza, halos 600 na tao ang ginamot para sa mga kaparehong pinsala pagkatapos ng karahasan at kaguluhan malapit sa Zikim noong gabing iyon, ayon sa Ministry of Health, habang dumadaan ang mga trak na may dalang pagkain.

    Ang mga nakamamatay na mga insidenteng ito ay naging pang-araw araw na realidad na sa Gaza. Ang mga kasulukuyang pamamaraan sa pamamahagi ay magulo at nauuwi sa pagpatay sa marami. Samantala, nananatiling kulang na kulang ang pagkain, at halos walang indikasyon na may tuloy-tuloy at sapat na aid na dadating. Kaya naman araw-araw, inilalagay ng mga tao sa panganib ang kanilang mga buhay, makakuha lamang ng pagkain.”

    Patotoo ng isang pasyenteng ginamot sa sinusuportahan ng Doctors Without Borders na short-stay unit katabi ng aming klinika sa Gaza City, pagkatapos niyang magtamo ng pinsala sa pamamahagi ng pagkain sa Zikim noong Hulyo 25:

    "Una’y sinubukan kong pumunta sa Zikim noong Huwebes, Hulyo 24 upang makakuha ng harina. Buong gabi akong naghintay, ngunit wala akong napala.

    Noong Biyernes, nagdesisyon akong sumubok uli. Ayaw akong papuntahin ng aking ama, dahil noong huli kong punta, ang dami kong nakitang namatay dahil sa shelling at pamamaril ng mga tangke. Ngunit sampu kami sa pamilya, kaya’t tumuloy pa rin ako nang hindi nila nalalaman.

    Habang papasok ang mga trak, mabilis ang pagpapatakbo sa mga ito. Bumagal ang mga ito nang sumalubong na ang napakaraming tao. Pumihit ang mga trak, at habang sila’y pumipihit, nahulog ang ilan sa mga sako ng harina, na may bigat na 50 na kilo kada sako. Nabagsakan ng mga ito ang ilang mga tao. Bagama’t napakaraming tao na ang nakapaligid sa isang trak, pinilit ng mga puwersang Israeli ang drayber na huwag huminto. Sinubukan nitong paatrasin ang trak upang makalayo sa maraming tao, ngunit dahil sa nagkukumpulan na ang mga tao, maraming nabangga at nasagasaan. Ang pitong lalaking kasama ko ay napatay, lahat sila’y nabangga ng umaatras na trak. Nakaupo ako noon sa lupa, at nasa harap ko ang aking mga binti. Nangati ang isa kong binti, kaya’t tiniklop ko ito at iyon lang ang dahilan kaya isang binti ko lang ang nasagasaan ng trak.

    Tinulungan ako ng isang babae, gamit ang isang balabal ay pinatigil niya ang pagdugo ng aking binti. Ngunit hindi niya ako kayang buhatin. Buti na lang, nakita ko ang isa kong kaibigan at pinagtulungan nila akong buhatin. Habang nangyayari iyon ay pilit nilang pinalalakas ang aking loob. Dumating sa puntong nawalan ako ng malay. Wala kaming mahanap na transportasyon. Akala ng mga tao, mamamatay na ako at ayaw nila akong dalhin. Sa wakas ay nakahanap kami ng tuktuk na magdadala sa akin sa Hama medical point, sinabuyan nila ng tubig ang aking mukha para di ako antukin. Binalot nila ang binti ko ng kahoy mula sa isang papag at binigkis iyon gamit ang isang shirt dahil walang magagamit na materyales para rito. Sa medical point, nakakita ako ng mga taong may sugat dahil sa mga tama ng bala, at mayroon ding mga nasaktan sa mga labanan. At may ilan ring nasaktan dahil naipit sila ng maraming tao.

    Nasaktan ako ng alas singko ng hapon, ngunit nakarating lang ako sa Al Shifa ng alas- onse ng gabi. Punong-puno ang ospital ng mga pasyente. Kinailangan kong maghintay hanggang alas tres ng madaling araw upang maoperahan.

    Ngayong may natamo akong pinsala, walang gaanong oportunidad para sa aming pamilya. Ang kuya ko ay naglilibot araw-araw upang maghanap ng mapagkakakitaan –kahit tumulong lang sa pagbitbit. Pinauupa naman ng aking ama ang sasakyan namin para kumita kahit kaunting halaga. May mga araw na nakakakain kami ng tinapay, pero may mga araw na wala kaming mahanap na pagkain. Pero wala sa amin ang babalik sa Zikim.

    Pinapangarap kong matapos na ang lahat ng ito, at muli kong maitayo ang bahay namin at ibangong muli ang nasirang negosyo ng ama ko."



    Susuportahan mo ba ang aming emergency response?

    Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.


    Categories