Skip to main content
SA KASALUKUYAN DRC: Naghahanda ang Doctors Without Borders para sa malawakang pagtugon sa outbreak ng Ebola Magbasa pa

    Palestine: Ang panganib ng paglilinis ng lahi sa West Bank

    MSF staff on field visit

    Bumisita ang Doctors Without Borders staff sa barangay ng Kisan, kung saan may naganap kamakailan lang na karahasan ng mga dayo na naging sanhi ng puwersadong paglikas ng 23 na pamilya mula sa kanilang mga tahanan. Palestine 2025 © MSF

    Setyembre 3, Jerusalem – Ang mga Palestino ay nahaharap sa sapilitang paglikas mula sa kanilang mga tirahan sa West Bank. Pinipilit silang lumisan ng mga puwersang Israeli at ng mga dayo, na nagpapatindi ng panganib na magkaraoon ng paglilinis ng lahi sa okupadong teritoryo, babala ng Doctors Without Borders.  

    Ngayon, higit sa anumang punto sa 36 na taon ng pagbibigay ng pangangalagang medikal at sikolohikal sa Palestine, nakita ng Doctors Without Borders kung paanong ang mga pagdurusa na dulot ng pagsakop ng Israel ay itinuturing nang normal. 

    Ngayong 2025, nakasasaksi ang mga team ng Doctors Without Borders ng mga patakaran at palakad na dinisenyo upang tangggalin ang mga Palestino mula sa kanilang mga sariling lupain at tiyaking hindi na sila posibleng makababalik pa. Inuudyukan ng Doctors Without Borders ang mga bansang ikatlong panig, lalo na ang may mga ugnayang pulitikal, militar, o pang-ekonomiya sa Israel – kabilang ang Estados Unidos at ang mga bansang miyembro ng European Union – na magpataw ng makabuluhang panggigipit upang pigilan ang mga mapinsalang gawi at sapilitang pagpapaalis ng mga Palestino mula sa kanilang mga tirahan, at upang tiyakin na magwawakas din ang pananakop na ilegal ayon sa pandaigdigang batas.   

    “Nitong mga nakaraang taon, nakita namin ang epekto ng pagtindi ng ginagamit na puwersa at pagkontrol ng mga awtoridad at dayong Israeli sa mga Palestino – na humantong sa pagpatay ng lahi sa Gaza, at sa paglubha ng panunupil ng militar at ng karahasan ng mga dayo sa iba’t ibang bahagi ng West Bank,” sabi ni Simona Onidi, ang project coordinator ng Doctors Without Borders sa Jenin at Tulkarem.   

    “Ang mga pagkilos na ito ay nakabaon sa mas malawak na konteksto ng proseso ng pananakop at paninirahan, kung saan ang panganib ng paglilinis ng lahi sa pamamagitan ng puwersadong pagbuwag sa mga komunidad na Palestino ay naglilikha ng permanenteng pagbabago sa demograpiko,” sabi ni Onidi.

    A pile of rubble

    Mula Enero 2025 sa West Bank, 6,300 na tao na ang nawalan ng tirahan dahil sa mga demolisyong ginawa ng mga puwersang Israeli.
    Palestine 2025 © MSF

    Ang mga taktika sa pagpapaalis ay lumalawak at tumitindi

    Ang plano sa paninirahan sa E1, na naaprubahan kamakailan lang, ay tuluyang maghahati sa West Bank. Paghihiwalayin nito ang hilaga mula sa timog, at ang Silangang Jerusalem mula sa ibang bahagi ng West Bank. Ito ang isa sa mga pinakamalinaw na pagtatangka ng mga awtoridad na Israeli na kitilin ang anumang pag-asa para sa hinaharap ng Palestine.

    Ang mga operasyong militarisado ay nagpapaalis sa sampu-sampung libong mga Palestino mula sa kanilang mga tahanan

    Mula noong nag-umpisa ang taon, ang kasalukuyang nangyayaring operasyong militarisado na Israeli Iron Wall ay puwersadong nagpaalis ng 40,000 na residente mula sa Northern West Bank, ayon sa UNRWA. Tatlong kampo ng mga refugee ang marahas na sinalakay at nilimas. Ang mga bahay at mga imprastrukturang sibilyan—kagaya ng mga paaralan at mga sentro para sa pangangalagang pangkalusugan—ay giniba, kung kaya’t mataas ang posibilidad na permanente ang pagpapaalis sa kanila.  

    Bilang tugon, nagpadala ang Doctors Without Borders ng mga mobile medical team sa 42 na lugar sa Tulkarem at Jenin, pati na rin sa mga klinika ng Ministry of Health, at naghatid ng mga mahahalagang relief item sa mga Palestinong nawalan ng tirahan. 

    Tinanong namin sila kung maaari naming isalba ang ilan sa aming mga gamit at ilabas ang mga kasangkapan mula sa aming mga bahay bago nila ito gibain. Ngunit, tumanggi sila. Inilabas nila ang mga gamit, at pagkatapos ay pinadaanan ng bulldozer upang wasakin ang mga iyon.
    Warda*, miyembro ng komunidad sa Hebron

    Winasak ng mga puwersang Israeli ang mga tahanan ng mga Palestino

    Mula Enero 2023, may karagdagang 6,450 na Palestino ang nawalan ng tirahan dahil sa paggiba sa mga ito. Noong Abril at Mayo 2025 lamang, nagbigay ang Doctors Without Borders ng mga materyal na donasyon at suporta para sa kalusugang pangkaisipan sa mga residente sa 12 na lugar sa governorate ng Hebron. Ang kanilang mga tahanan ay giniba, at 246 na tao, kabilang rito ang hindi bababa sa 97 na bata, ang nawalan ng tirahan.  

    Ito ay isang bahagi lamang ng kabuuang bilang ng mga demolisyon na ginagawa sa West Bank noong panahon ding iyon. “Hindi ito ang unang demolisyon o paglusob ng mga sundalo sa aming barangay, ngunit ito ang pinakaagresibo,” sabi ni Warda*, isang miyembro ng komunidad sa Hebron. “Tinanong namin sila kung maaari naming isalba ang ilan sa aming mga gamit at ilabas ang mga kasangkapan mula sa aming mga bahay bago nila ito gibain. Ngunit tumanggi sila. Inilabas nila ang mga gamit, at pagkatapos ay pinadaanan ng bulldozer upang wasakin ang mga iyon.”

    West Bank resident looking at rubble

    "Ang bahay rito noon ay 250 square meters ang laki, iyon ang tahanan ng aking pamilya. Noong Mayo 14, giniba ito nang wala man lang pasabi. Naubos sa bahay na iyon ang buong buhay kong pinag-ipunan. Ngayon, wala na ang lahat sa akin,” sabi ni Maher Ubayat, isang residente ng barangay ng Kisan. Palestine 2025 © MSF

    Ang karahasan ng mga dayo ay nagpapatuloy nang walang pananagutan 

    Ang pagsalakay ng mga dayo, na kadalasa’y isinasagawa nang may ganap na kawalan ng pananagutan at sa ilalim ng proteksyon ng mga sundalo, ay sanhi rin ng pagdami ng mga taong nawawalan ng tirahan. Mula noong nag-umpisa ang 2023, halos 2,900 na Palestino na ang nawalan ng tirahan dahil sa karahasan ng mga dayo at mga paghihigpit sa pagkilos na humahadlang sa pagkuha ng mga Palestino ng mga mahahalagang serbisyo. Mula Hunyo 2025, karamihan sa mga barangay sa Masafer Yatta ay nahaharap sa araw-araw na pagsalakay ng mga dayo at mga paghahalughog ng militar. 

    Sa isang pagtatasa ng 197 na kabahayan sa governorate ng Hebron, napag-alaman ng Doctors Without Borders na ang mga kabahayan na may isa o higit pang miyembro na nalalantad sa karahasan ay 2.3 na beses na mas malamang na kakitaan ng malubhang pagkabagabag ng isipan. 28.1% ng mga pamilya ay nag-ulat na sila’y may isa o higit pang miyembro na nakaranas ng karahasan nitong nakaraang tatlong buwan.    

    Ang pagdami ng mga paghihigpit sa pagkilos ay nakasasagabal sa pagkuha ng pangangalagang pangkalusugan, edukasyon, at hanapbuhay 

    Ang mga Palestino sa West Bank ay nakararanas din ng mga nakapupuspos na pisikal na hadlang na dinisenyo upang gawing imposible ang pagpapatuloy ng pamumuhay, at nang sa gayon ay maitulak silang iwan ang kanilang mga lupain. Kabilang rito ang mga paghihigpit sa pagkilos kagaya ng mga dumadaming checkpoint, 36 na ang nadagdag mula Disyembre 2024 hanggang Pebrero 2025 lamang. Ang mga pansamantalang checkpoint, na maaaring bigla na lang susulpot, ay dumami rin – mula 116 sa pagitan ng Oktubre at Disyembre 2023, naging 370 na sa pagitan ng Enero at Abril 2025. Ang mga paghihigpit na ito ay may tuwirang epekto sa pagkuha ng mga tao ng pangangalagang pangkalusugan, edukasyon, hanapbuhay, at mga mahahalagang serbisyo. Bilang resulta, maraming mga pasyente ang pumupunta na lamang sa mga mobile clinic ng Doctors Without Borders sa halip na subukan ang pagpunta sa mga ospital, kahit sila’y nangangailangan ng espesyal na pangangalaga. 

    Highway to Kisan vilage

    Ito ang pangunahing kalsada papuntang barangay ng Kisan. Ayon sa mga residente, ipinagbabawal ng mga puwersang Israeli sa mga Palestino ang paglalakad dito. Palestine 2025 © MSF

    Ang mga pagsalakay sa mga mapagkukunan ng tubig ay nagdadala ng panganib sa buong komunidad 

    Nahaharap ang mga Palestino sa West Bank sa mga matinding limitasyon sa pagkuha ng mga pangunahing pangangailangan, gaya ng tubig. Ang pagkuha nito ay kontrolado ng mga awtoridad na Israeli. Mula noong Mayo 2025, nagkaroon ng malaking pagbawas sa water supply na nanggagaling sa isang kumpanyang Israeli at dumadaan sa dalawang pangunahing Israeli pipeline connection point patungo sa governorate ng Hebron. Mahigit 50% ang nabawas sa water supply para sa publiko sa Hebron, at naapektuhan ang halos 800,000 na tao.

    Tumugon na rin ang Doctors Without Borders sa mga ulat ukol sa pagputol ng mga dayo ng mga tubo ng tubig. Kabilang rito ang mga kumpirmadong insidente noong Agosto 2025, tulad ng nangyari sa isang barangay sa South Hebron Hills, kung saan 50% ng komunidad ay naapektuhan ng kakulangan ng tubig. Ngayon, napakalaki na at napakalawak ng pangangailangan sa mga lugar na ito, kung kaya’t ang mga aktibidad ng Doctors Without Borders para sa emergency water and sanitation ay hindi na sapat. Ang mga team ng Doctors Without Borders ay nakapaghatid na ng 30 na tangke ng tubig sa mga pamilya sa South Hebron Hills upang makatulong sa pag-imbak ng limitadong tubig na galing sa mga trak. 

    Winawasak ang mga kabuhayan ng mga Palestino ng pagkawala ng mga lupain, ng mga pahintulot sa pagtatrabaho, at ng kalayaan sa pagkilos 

    Palaki nang palaki ang banta sa mga kabuhayan ng mga Palestino dahil sa pagkansela ng mga pahintulot sa pagtatrabaho, paghihigpit sa mga pagkilos na nakasasagabal sa kanilang mga hanapbuhay, at ang pagsalakay sa mga lupang sinasaka at pinapastulan, na nakababawas lalo sa kanilang kakayahang buhayin ang kanilang mga sarili. 

    “Ito’y hindi lang tungkol sa paggiba ng aming mga bahay. Kinuha rin nila ang aming mga lupain, sinubukan nilang nakawin ang aming mga kita at ginagawang imposible para sa amin ang mamuhay rito,” sabi ng isang miyembro ng komunidad ng Masafer Yatta. “Ang lahat ng mga taong nakatira rito ay nabubuhay sa pamamagitan ng pagsasaka at ng pagpapastol. Ngunit pinipigilan kami ng mga dayo sa pagpapastol ng aming mga tupa, kaya’t hindi na kami magkakaroon ng kabuhayan kapag namalagi kami rito.” 

    Ang mga patakaran ng Israel na may layuning manakop sa okupadong West Bank ay naglalaman ng mga seryosong paglabag sa mga pandaigdigang batas humanitarian at sa mga batas ukol sa karapatang pantao. Ang pagwawakas sa pananakop ay nananatiling tanging daan para sa pagpapagaan sa matinding paghihirap na hinaharap ng mga Palestino.



    Susuportahan mo ba ang aming emergency response?

    Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.


    Categories