"Iniipit ang mga gamot.": Ang pagguho ng sistema para sa pangangalagang pangkalusugan ng Gaza
Dahil sa kawalan ng mga magagamit na kama, ang mga pasilyo at mga bahagi ng Nasser Hospital sa labas nito ay puno ng mga pasyente habang ang mga medikal na pasilidad sa Gaza ay nakikibaka sa gitna ng kasalukuyang nagaganap na pagpatay ng lahi. Gaza Strip, Khan Younis, Palestine, 2025 © MSF
Nitong mga nakaraang 22 na buwan, ang sukdulang pakikidigma ng Israel sa Gaza, Palestine ay nag-iwan ng gula-gulanit na sistema ng pangangalagang pangkalusugan sa Strip. Madalas na pinupuntirya ang mga pasilidad pangkalusugan at mga medic, kung kaya’t 50% ng mga ospital ay di na nakapagbibigay ng serbisyo. Ang mga nananatiling bukas ay may mga bahagi lang na patuloy pang gumagana. Samantala, ang halos ganap na pagkubkob sa Gaza mula noong Marso ay nag-iwan sa mga pasilidad na walang mga kritikal na makasagip-buhay na supplies, at wala ring sapat na makakain ang mga healthcare staff. Kasabay nito, noong Hulyo, ang mga pasilidad sa iba’t ibang bahagi ng Gaza ay nakatanggap ng pinakamataas na bilang ng mga pasyente sa ospital mula noong Oktubre 2023.
Tinalakay ni Dr. Mohammed Abu Mughaisib, ang deputy medical coordinator ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières’ (MSF) sa Gaza, ang malalang sitwasyon ng pangangalagang pangkalusugan sa lugar at muling nanawagan para sa isang ceasefire.
Ang sistema para sa pangangalagang pangkalusugan ng Gaza ay halos hindi na gumagana, dinurog ng pagkawasak ng bawat aspeto ng buhay rito, kabilang ang mga institusyong itinayo sana upang sumagip ng mga buhay.
Ang nakikita namin ngayon sa aming mga pasilidad medikal ay ang pagdagsa ng mga pasyente—higit sa anumang daming nasaksihan na namin noong nakaraan. Hindi lahat sa kanila’y mga biktima ng mga airstrike at pagbobomba, kabilang rin dito ang mga dati nang may sakit na ngayo’y wala nang makuhang paggamot.
Ngayon ay may bago na namang katatakutan: ang mga tinatawag na “food distribution point” na sinusuportahan ng Israel sa pamamagitan ng Gaza Humanitarian Foundation (GHF). Ang mga pook na dapat ay ginagamit sa pagtulong sa mga nagugutom na Palestino ay naging mga lugar ng pagpatay. Ang mga pagsalakay sa mga lugar na ito ang nagpapataas ng bilang ng mga sugatang dumadating sa aming mga pasilidad araw-araw, dahil sa pamamaril ng mga puwersang Israeli sa mga sibilyang naghahanap ng makakain.
Kung walang agarang ceasefire, at kung walang pananatiliing medical at humanitarian access, wala nang maiiwan para iligtas. Wala nang mga ospital. Wala nang mga pasyente. Wala nang kinabukasan.Dr Mohammed Abu Mughaisib
Noong Hulyo 2025, ginamot ng mga team ng Doctors Without Borders sa Gaza ang daan-daang mga pasyenteng may trauma. Ito ang pinakamaraming pasyenteng naitala namin sa Strip. Ang pinakamataas na bilang ay 1,200 na taong naospital sa loob lamang ng isang linggo sa pagwawakas ng Hulyo – malaki ang itinaas nito kumpara sa bilang noong Hunyo. Nag-ulat ang WHO ng 13,500 na nagtamo ng pinsala sa Gaza noong Hulyo, na pinakamarami sa lahat ng aming nakita mula noong unang tatlong buwan ng digmaan noong 2023.
Sa kasalukuyan, may ilang mga klinika ng Doctors Without Borders ang nagsasara na pagdating ng 9:30 ng umaga dahil lalampas na sila sa kanilang kapasidad, matapos nilang sumuri ng mahigit sa 200 na pasyente sa loob lamang ng ilang oras. Ang mga pasyenteng ito ay maliit na bahagi lang ng kabuang bilang ng mga taong nangangailangan ng pangangalagang medikal. Dapat limitahan ng aming mga team ang mga pasyenteng sinusuri nila araw-araw sapagka’t kung hindi kami makakakuha ng karagdagang medical supplies, mga kama, o staff, hindi namin kakayaning magbigay ng sapat na pangangalaga para sa mas maraming tao. Marami ang namamatay na bago pa man sila makarating sa amin. Ang iba’y ilang oras nang nakaratay nang duguan, naghihintay sa mga siksikang emergency room at mga pasilyo. Ang mga sugat na madali namang gamutin ay nagiging sentensiya ng kamatayan dito.
Nakakakita kami rito ng mga naputol na bahagi ng katawan, mga naimpeksyong sugat, nadurog na buto, at napigtal na mga ugat—mga nangangailangan ng agarang operasyon at masinsinang pangangalaga. Ngunit ang mga makasagip-buhay na mga kagawarang ito ay bumibigay na. Sa mga natitirang ospital sa Gaza, walang sapat na mga painkiller, anesthetic, antibiotic, mga panlabas na pangkabit para sa mga bali, at mga kagamitan para sa mga operasyon.
Mga pasyenteng naghihintay sa labas ng siksikang Nasser Hospital sa Southern Gaza. Khan Younis, Palestine, 2025 © MSF
Ang pagkagutom ay isa pang banta. Kahit na isang beses lang silang kumakain sa isang araw, kailangang tuloy-tuloy na magtrabaho ang mga doktor ng 24 na oras. Ang mga pasyenteng may mga pinsala dahil sa pagkasunog, may mga nabaling buto, o mga malalaking sugat ay nakatatanggap lang ng kakaunting pagkaing salat sa nutrisyon. Kung walang protina o sapat na mga calorie, hindi gagaling ang mga nabaling buto, hindi maghihilom ang mga sugat dahil sa pagkasunog, at kakalat ang mga impeksyon.
Bago ang Oktubre 7, 2023, nanganganib na ang sistemang pangkalusugan ng Gaza. Ngayon, ito ay nasa bingit na ng pagkawasak, napupuspos sa dami ng mga pasyente, sa pagkasira ng mga supply chain, tumitinding pagkagutom, at ang pagpuntirya sa mga sibilyan. Ang mga kamatayan at permanenteng kapansanan na maaari namang mapigilan ay mga katotohanang hinaharap namin araw-araw. Kasabay nito, ayon sa WHO, may hind bababa sa 14,500 na tao ang may lubos na pangangailangan para sa medikal na paglikas upang makakuha ng pangangalagang medikal mula sa mga dalubhasa na hindi nila matatanggap sa Gaza, dahil sa walang serbisyong makukuha roon. Sa halip na pabilisin ang mga ganitong paglikas, hinahadlangan o inaantala ang mga ito ng mga puwersang Israeli.
Sa ika- 675 na beses ko nang sinabi sa digmaang ito, sasabihin ko na naman ngayon: Kung walang agarang ceasefire, at kung walang pananatiliing medical at humanitarian access, wala nang maiiwan para iligtas. Wala nang mga ospital. Wala nang mga pasyente. Wala nang kinabukasan.
Susuportahan mo ba ang aming emergency response?
Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.