Skip to main content
SA KASALUKUYAN DRC: Naghahanda ang Doctors Without Borders para sa malawakang pagtugon sa outbreak ng Ebola Magbasa pa

    Gaza: Pagsalakay sa Nasser Hospital at mga panawagan para sa proteksyon ng mga pasilidad pangkalusugan

    Gaza 25 March

    Kinondena ng Doctors Without Borders ang pagsalakay ng mga Israeli sa Nasser Hospital sa Gaza, at nanawagan para sa proteksyon ng pasilidad pangkalusugan.

    Mariing kinokondena ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) ang pagsalakay ng Israel sa Nasser Hospital sa Khan Younis, southern Gaza—ang pinakamalaking ospital na tumatakbo pa rin sa Gaza Strip, kung saan ang mga team ng Doctors Without Borders ay nagtatrabaho. Noong Marso 23, pinuntirya ng mga puwersang Israeli ang inpatient surgical department ng ospital, at napatay ang dalawang tao, ayon sa Ministry of Health. Kinumpirma ng mga team ng Doctors Without Borders na may ilang nasaktan, ang isa sa mga ito ay ipinasok sa aming trauma unit, at malubha ang pinsalang idinulot nito sa gusali.

    Ang pagsalakay na ito ay nagpapakita ng pagbalewala sa proteksyon ng mga pasilidad medikal, at inilalagay ang mga pasyente, medical staff at ang mismong pagbibigay ng pangangalagang pangkalusugan sa panganib. Habang pinatitindi na naman ng mga puwersang Israeli ang kanilang pakikidigma sa Gaza, nananawagan ang Doctors Without Borders para sa paggalang at proteksyon ng mga pasilidad para sa pangangalagang  pangkalusugan, ng mga pasyente at ng medical staff sa Gaza, kung saan ang sistemang pangkalusugan ay nasira na.

    Ang mga air strike na gaya nito ay kahila-hilakbot para sa mga staff at pasyente. Hindi tayo maaaring bumalik sa paulit- ulit na pagsalakay sa mga pasilidad ng pangangalagang pangkalusugan habang ang sistemang pangkalusugan ay nasa bingit ng ganap na pagkawasak, at ilang linggo nang walang pumapasok na supplies.
    Claire Nicolet, Head of Emergencies

    Habang ang sistema para sa pangangalagang pangkalusugan ng Gaza ay gumuho na, at ang mga pangangailangang medikal ng mga tao ay patuloy ang mabilis na pagdami, ang mga medical worker ay muling nangangamba para sa kanilang mga buhay habang nagbibigay sila ng pangangalaga. Sa Nasser Hospital, ikinuwento ng dalawa sa aming mga kasamahan sa Doctors Without Borders na nagtatrabaho sa magkaibang departamento ng ospital ang pagkagitla ng mga pasyente sa nangyaring pagsalakay.

    "Napakaliit ng distansiya sa pagitan namin at ng pagsabog, kung kaya’t may posibilidad na matamaan din kami,” paliwanag ng isang nars ng Doctors Without Borders na nagtatrabaho sa ibang ward ng Nasser Hospital at nasa di-kalayuan nang naganap ang strike. “Ang aming mga kasamahan, medical staff, mga pasyente, at ang kanilang mga tagapangalaga ay takot na takot.”

    Sa pakikidigma ng Israel sa Gaza, nasaksihan ng Doctors Without Borders ang walang patid na pagsalakay sa mga pasilidad pangkalusugan, ganap na pagwawalang-bahala sa mga pasyente, sa mga medical worker, at sa International Humanitarian Law (IHL), na nagresulta sa sistematikong paglalansag ng sistemang pangkalusugan ng Gaza. Wala ni isang ospital sa Gaza Strip ang kasalukuyang ganap na gumagana, at 21 lamang sa 36 na ospital doon ang bahagyang gumagana, ayon sa World Health Organization (WHO).

    Bilang isa sa mga huling pangunahing ospital sa Southern Gaza, ang Nasser Hospital ay nagbibigay ng pangangalaga para sa mga nagtamo ng matinding pagkasunog at mga trauma injury, para sa mga bagong panganak, at sa mga nagdadalang tao.

    Mula noong sila’y bumalik noong kalagitnaan ng Mayo 2024, sinuportahan ng mga team ng Doctors Without Borders ang emergency, pediatric, at maternity department ng Nasser Hospital, at nagpapatakbo rin ng isang burn and trauma unit. Noong Pebrero 2024, ang mga team ng Doctors Without Borders ay napilitang tumakas pagkatapos pasabugin ng mga puwersang Israeli ang ospital.

    March 25

    Isang silid sa Indonesian Hospital na puno ng mga kagamitang medikal na pinuntirya at winasak. Palestinian Territories, Pebrero 2025. © Nour Alsaqqa/MSF

    Bukod pa rito, ang Nasser Hospital, gaya ng ibang mga pasilidad pangkalusugan sa Gaza, ay nahaharap sa mga hamon ng pagkuha ng supplies, kabilang rito ang mga hygiene item, mga gamot at mga surgical item, habang ipinagpapatuloy ng mga awtoridad na Israeli ang kanilang pagkubkob sa Strip sa loob ng mahigit 20 na araw. Dahil sa pagdagsa ng mga pasyente mula sa mga pagbobomba kamakailan lang, ang mga stock ng Doctors Without Borders ay nababawasan nang mas mabilis kaysa inaasahan, at dahil sa pagbangkulong, nagiging imposible para sa aming mga team na makakuha ng mga bagong stock ng mga antibiotic, painkiller at mga anesthetic.

    Sa isang hiwalay na insidente noong Mayo 24, ang mga team ng Doctors Without Borders sa Al-Mawasi primary health care clinic ay napilitang isara ang emergency room, iwan ang pasilidad at suspindihin ang lahat ng mga aktibidad para sa araw na iyon dahil sa mga pamamaril at pagpapasabog sa di kalayuan. Ang mga pasilidad para sa pangangalagang pangkalusugan, mga pasyente at medical staff ay dapat maprotektahan.

    Muling nananawagan ang Doctors Without Borders para sa agarang pagbalik ng ceasefire at ang muling pagpapahintulot ng pagpasok ng mga kinakailangang tulong at pangunahing supplies, na kailangang-kailangan ng mga taga-Gaza.



    Susuportahan mo ba ang aming emergency response?

    Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.


    Categories