Reproductive healthcare
Kadalasan, iniuugnay ang Doctors Without Borders/Médecins Sans Frontières (MSF) sa mga gawaing medikal sa mga lugar kung saan may digmaan, epidemya, at kalamidad. Pero higit pa roon ang ginagawa namin. Sa iba’t ibang lugar sa mundo, inaaksyunan naming ang mga sakit na di nabibigyang-pansin, malnutrisyon, ang pagkakabukod sa pangangalagang pangkalusugan, at mga sari-saring isyung may kinalaman sa kalusugan. Isa sa mga isyung ito ay ang reproductive health.
Ang mga reproductive health programs ay mahalagang bahagi ng pangangalagang medikal na binibigay ng field workers sa iba’t ibang tao, sa anumang konteksto, sa maraming bansa kung nasaan man kami sa mundo. Ang serbisyong patungkol sa reproductive health ay kritikal sa mga lugar kung saan ang aming field workers ay tumutugon sa mga emergency, sa epidemya, sa mga labanan, at sa mga kalamidad.
Sa bawat rehiyon at misyon kung saan kami’y nagtatrabaho, kabilang sa pagsuporta namin sa reproductive health ang kalusugan ng ina, HIV/AIDS, cervical cancer, adolescent health, at iba pa.
Kinakausap ng isang nurse sa Northern Colombia ang isang grupo ng mga kababaihang Venezuelan na nagtipon para sa sexual at reproductive health services. © MSF
Maternal Health
Itinatayang 99% ng mga inang namamatay sa panganganak o dahil sa mga kumplikasyong may kaugnayan sa pagdadalang-tao ay mga kababaihang nakatira sa developing countries. Karamihan sa mga bansang ito’y may nagaganap na digmaan o di kaya nama’y madalas nakararanas ng kalamidad o epidemya. Ang ilan sa mga lugar na ito ay may mataas na bilang ng mga kaso ng malnutrisyon, habang sa iba nama’y hindi isinasama ang mga nagdadalang-tao sa mga binibigyan ng pangangalagang pangkalusugan. Maraming mga banta sa buhay ng isang nagdadalang-tao kaya’t di maaaring isawalang-bahala ang kanilang mga pangangangailangan.
Base sa aming pagsusuri, ang limang pangunahing dahilan ng pagkamatay ng ina ay ang hemorrhage, sepsis, unsafe abortion, mga kumplikasyong kaugnay ng mataas na blood pressure, at obstructed labour. Ito ang dahilan kaya’t malaking bahagi ng aming ginagawa ay ang pagtiyak sa kaligtasan ng mga ina.
Ang karamihan sa maternal deaths ay nagaganap ilang sandali bago, habang, at ilang sandali pagkatapos ng panganganak. Ang napapanahong tulong ng mga kwalipikadong staff ay kritikal upang mabuhay ang mga inang nakararanas ng kumplikasyon habang nanganganak.
Naghahanap ng paraan ang aming mga programa upang maiwasan ang pagkaantala ng pagbibigay ng atensyon sa mga manganganak. Bukod sa emergency obstetrics at pangangalaga sa bagong panganak na sanggol, kasama rin sa aming mga gawain ang pagkilala sa mga pangangailangan nila, pagbibigay ng pre- at postnatal care, at contraceptive services. Mahalaga ang mga ito upang mabuhay ang mga nagdadalang-tao.
Noong 2022, tumulong ang aming mga field workers sa 320,700 na pagpapaanak, kasama ang mga caesarean section.
Bago kumalat ang COVID-19 sa Afghanistan, may mga 2,000 na sanggol ang ipinapanganak kada buwan sa Khost maternity hospital sa Afghanistan. Noong Hunyo 2020, nabawasan ang pangangalagang naibibigay ng proyekto sa mga kababaihang nangangailangan ng lifesaving emergency services dahil sa kakulangan ng tao. © Andrea Bruce/Noor Images
Si Sualeha Mohamed Ayubiu, kasama ang kanyang sanggol na sampung araw pa lamang, sa ospital sa Cox’s Bazar, Bangladesh. Dati siyang nakatira sa Myanmar. Ngayo’y nakatira siya sa isang kampo para sa Rohingya refugees sa Bangladesh. © Hasnat Sohan/MSF
Mga Kumplikasyon sa Panganganak
Kahit na may sapat na pangangalagang pangkalusugan, kahit na walang kalamidad, kahit na di sila nasa gitna ng digmaan, kahit na walang malnutrisyon, kahit binubukod sila sa mga binibigyan ng pangangalagang pangkalusugan, marami pa ring kumplikasyong nararanasan ang mga ina habang sila’y nagdadalang-tao o habang nanganganak. Sinisikap naming maiwasan o mabigyang-lunas ang mga kumplikasyong iyon.
Ang obstructed at prolonged labour ay maaaring magresulta sa pagkakaroon ng fistula, isang butas sa pagitan ng vagina at bladder, vagina at rectum, o sa pagitan nilang pareho. Ang resulta nito ay urinary o faecal incontinence, o ang kawalan ng kakayahang mapigilan ang pagdumi at pag-ihi. Ang mga inang may fistula ay napapahiya at kadalasa’y itinatakwil ng kanilang mga pamilya at komunidad. Kailangan ng mga babaeng ito ang sumailalim sa isang operasyon upang masara ang fistula, at ang operasyon na ito ay dapat isagawa ng isang taong may specialised surgical skills. Batay sa pagsusuri ng kanilang pangangailangan, lumikha ang mga field workers ng programa na tinatawag na fistula camps kung saan maari silang mabigyan ng surgery. Madali namang maiwasan ang pagkakaroon ng fistula kung mabibigyan lamang sila ng access sa skilled birth attendance at adequate management ng obstructed labour, o ang tinatawag na caesarean section.
Si Romy ang kauna-unahang sanggol na ipinanganak sa Doctors Without Borders inflatable hospital sa Tacloban, ang epicenter ng Bagyong Haiyan. © Yann Libessart
- Stories from the field: Ang pagprotekta sa maternal health pagkatapos ng kalamidad
Noong 2013, isa sa mga pinakamalakas na bagyong naitala, ang Typhoon Haiyan, ay humagupit sa Pilipinas. Sa kabila ng maraming iba-ibang pangangailangan sa panahon ng kalamidad, bahagi pa rin ng aming misyon na tiyaking may tutugon sa mga pangangailangang may kaugnayan sa maternal health.
Para sa kanyang mga ginagawa para sa pagtugon sa Haiyan sa Pilipinas, tiniyak ni emergency coordinator Caroline Seguin na hindi ibinubukod ang mga nagdadalang-tao sa pangangalagang pangkalusugan. Ayon sa kanya, “Sa karamihan ng mga lugar na pinupuntahan ng Doctors Without Borders, ang mga serbisyong pangkalusugan ay naantala. Kaya’t nakatuon kami sa pagbabalik ng mga de-kalidad na pangangalagang pangkalusugan at mga serbisyo ng ospital. Sa ngayon, walang mapupuntahan ang mga kumplikado ang panganganak, kung saan maaari silang manganak nang ligtas, o kung kinakailangan,sumailalim sa Caesarean section, kaya’t pinapaspasan ng aming field workers ang pagtayo ng maternity, obstetrics at gynaecology units."
Ang Tugon sa Outbreak
Sa kahit anong rehiyon sa iba’t ibang bahagi ng mundo, ang pagdadalang-tao ay maaring magdulot ng matinding epekto sa kalusugan ng mga kababaihan. Mas lalo pang nagiging kumplikado ang pagbubuntis dahil sa mga sakit. Ang mga nagdadalang-tao ay mas madaling kapitan ng mga sakit tulad ng malaria, na maaaring mauwi sa pagkamatay ng ina, pagkalaglag ng sanggol o ang pagluwal ng sanggol na patay na. Sa ilang proyekto, ang 50% ng binibigyan ng antenatal care ay maaring positibo sa malaria.
Mataas ang death rate ng Hepatitis E kapag ito’y kumapit sa nagdadalang-tao. Umaabot ng 25% ang death rate para sa mga nasa pangatlong trimester na ng kanilang pagbubuntis. Sa ilang kaso, nauuwi ang cholera sa premature labour o obstetric complications. Kaya naman may digmaan man o kalamidad, may krisis man o wala, kailangan pa rin nating magbakuna upang labanan ang mga kumakalat na sakit.
Kahit na maprotektahan ng mga nagdadalang-tao ang kanilang mga sarili, ang pagsara ng mga health programs at ang pangambang mahawa sa sakit ay maaaring magdulot ng negatibong epekto sa pagbubuntis, tulad ng nangyari sa West Africa Ebola outbreak. Kahit na kailangan nilang magpatingin, sumailalim sa mga test, o kumonsulta sa doctor, nag-aalinlangan ang mga nagdadalang-tao na pumunta sa health facilities dahil sa takot na mahawa sa sakit. Libo-libong buhay ang nawawala kapag di nabibigyan ng mga serbisyong tulad ng safe delivery, neonatal, at family planning services ang mga nagdadalang-tao habang may epidemya o outbreak. Kaya naman laging bahagi ng misyon ang maternal at reproductive health needs.
Karahasang Sekswal
Noong 2022, mahigit 39,900 na biktima ng karahasang sexual ang ginamot ng mga taga Doctors Without Borders. Karamihan sa mga pasyente ay mga babae ngunit nagkakaroon na rin ng pagkamulat na pinagdadaanan din ito ng mga lalaki.
Ang panggagahasa at iba pang uri ng sexual violence ay kadalasang talamak sa mga lugar na may digmaan, kung saan ito’y ginagamit upang manghiya, magparusa, mangontrol, manakit, maghasik ng takot, at gumawa ng pinsala sa komunidad, lalo na kapag may pagbabago sa kontekstong politikal. Maaari rin itong gawing gantimpala para sa mga combatants at field troops. Ang sexual violence ay maaari ring mangyari kapag may kakatapos lang na kalamidad, habang nagsisiksikan ang mga tao sa refugee camp at evacuation centre, naghahanap ng trabaho o ng tulong upang makakuha ng pagkain, tubig, at iba pang pangunahing pangangailangan. Pero kahit ang mga taong hindi nakakaranas ng labanan o kalamidad at nasa matatag na konteksto ay maaaring makaranas ng sexual violence. Sa mga ganitong kaso, ang salarin ay kadalasang kakilala o kapamilya ng biktima.
Milyon-milyong tao ang naaapektuhan ng sexual violence. Sinisira nito ang buhay ng mga tao—lalaki man o babae, kahit bata. Isa itong medical emergency, ngunit kulang na kulang ang mga serbisyong pangkalusugan para sa mga biktima. Sa aming mga proyekto, binibigyan ang mga pasyente ng antibiotics upang mapigilan ang pagkakaroon ng sexually transmitted infections tulad ng syphilis at gonorrhoea, at ng mga bakuna para sa tetanus at hepatitis B. Kailangan nila ng napapanahong medical aid, dahil kailangang simulan ang HIV prevention sa loob ng 72 oras matapos ang pag-atake. Ang pagsusuri at pangangalaga ng mga pinsala sa katawan, at ang pagbigay ng suportang sikolohikal ay bahagi ng pangangalagang ibinibigay ng Doctors Without Borders.
Sa mga kalalakihan naman, ang mga anyo ng sexual violence ay maaring panggagahasa, sexual torture at sexual slavery. Kumpara sa mga kababaihan, mas mababa ang posibilidad na magsumbong ang mga kalalakihan sa kinauukulan dahil sa pag-aalala sa reaksyon ng mga tao sa lipunan. Ang mga karanasan ng sexual violence ng mga lalaki ay di pa gaanong napag-uusapan at naiuulat, kung kaya’t isang hamon din kung paano sila matutulungan.
Kausap ng isang Doctors Without Borders social worker ang survivor na si Rosina Seela Moole sa Boitekong Kgomotso Care Centre (BKCC) Doctors Without Borders clinic sa Rustenburg, South Africa. © Melanie Wenger
HIV/AIDS
Mula noong natuklasan ang sakit na ito, nasaksihan ng Doctors Without Borders ang matinding epekto ng human immunodeficiency virus/Acquired Immunodeficiency Syndrome (HIV/AIDS). Noong 1995, sinimulan ng field workers ang isang proyekto para sa mga taong may HIV sa Surin, Thailand. Ang mga pananaliksik na ginawa sa mga bansang tulad ng Thailand ay nakatulong sa pagpapakita kung posible at epektibo ang HIV treatment sa mga lugar na may limitadong mapagkukunan ng yaman.
Maraming mga proyekto at aktibidad para sa HIV sa Africa, pero meron ding mga proyekto ukol sa HIV sa Asia, at sa Pacific. Noong 1994, nagbigay ng suporta ang Doctors Without Borders sa mga taong may HIV/AIDS, at namahagi ng impormasyong pangkalusugan sa Yangon, Myanmar, at nagsagawa ng screening at management ng sexually transmitted infections. Sa taong 2002, nagbigay ang Doctors Without Borders ng kauna-unahang ARV (antiretroviral) treatment sa bansa, at nagpatakbo ng pinakamalaking HIV treatment programme sa Myanmar.
Sa kabuuan, mahigit 17,000 na pasyente ang ginamot sa mga klinika sa Insein at Thaketa. Marami sa mga pasyenteng ito ang nanggaling pa sa ibang bahagi ng bansa. Sa Dawei naman, sa rehiyon ng Tanintharyi, nagbigay rin kami ng suporta para sa mga kabataang HIV-positive.
Noong 2019, mahigit 70,000 kataong may HIV ang tumanggap ng lunas sa ilalim ng aming pamamahala sa Myanmar, at karagdagang 74,000 naman ang tumanggap ng lunas mula sa ibang mga programang suportado rin ng organisasyon. Nung 2022, itinuloy namin ang pagpasa ng mga HIV patients sa National AIDS Programme; ang pagpasa ng programa ay sinimulan nung 2015 ngunit tumigil nung kunin ng militar ang gobyerno noong 2021.
Noong 2021, sa kauna-unahang pagkakataon mula noong 2019, natukoy namin ang HIV sa malaking bilang ng mga pasyente at nagsimula kaming magbigay ng HIV treatment sa mga bagong pasyenteng iyon sa aming mga klinika,habang ipinagpapatuloy ang pagbibigay ng pangangalaga sa mga pasyenteng di na kayang makapagpakonsulta at di na rin makakuha ng panibagong supply ng gamot. Nung 2022, 7,760 na pasyente ang sinimulan namin sa first-line ARV treatment.
- Stories from the field: Pangangalagang nakatuon sa mga pasyente sa Myanmar
“Bago dumating ang Doctors Without Borders at nagbigay ng lunas para sa mga HIV-positive, nahihirapan kami rito,” sabi ni Zarni Aung, isang peer group officer sa klinika sa Thaketa. “Sa Myanmar, ang mga taong may HIV ay di itinatratong miyembro ng lipunan. Itinatakwil sila, maging ng kanilang mga pamilya. Sa klinika, kasama ang Doctors Without Borders, hindi lang medisina ang natanggap namin, binigyan din kami ng dignidad bilang mga tao.”
Para kay Dr. Soe Yadanar, isang tagapamahala ng klinika at nakapagtrabaho na ng dalawampung taon sa mga proyektong may kaugnayan sa HIV, ang pagtuon ng Doctors Without Borders sa pasyente ang dahilan kaya ito’y nagtatagumpay. “Ang mga pasyenteng masyado nang malala upang pumunta pa rito para kumuha ng gamot ay isinama pa rin sa programa, sa pamamagitan ng isang home-based model, kung saan maaari nilang tanggapin ang kanilang gamot, at maging mga gamit na pangkalinisan at pagkain, sa kani-kanilang mga tahanan,” kuwento niya.
Bagama’t nagsara na ang mga klinika sa Myanmar, ang tagumpay ng mga peer groups ang nag-udyok sa mga pasyenteng bumuo ng kanilang mga sariling grupo. “Ang kanilang mga pinagdaanang psychosocial activities at sessions ay nakatulong upang magkaroon uli sila ng lakas ng pag-iisip at paniniwala sa kanilang mga sarili, upang suportahan ang isa’t isa at maging aktibo at kapuri-puring miyembro ng kanilang mga komunidad,” dagdag pa ni Zarni Aung.
Cervical Cancer
Ayon sa mga datos, ang mga kaso ng cervical cancer ay dumarami sa buong mundo, lalo na sa tinatawag na developing world. Noong 2018, mahigit 310,000 na babae ang namatay dahil sa cervical cancer. Mahigit 85% sa mga iyon ay nakatira sa mga bansang low- at middle-income. Noong taon ding iyon, nagkaroon din ng 570,000 na panibagong kaso nito.
Sa 42 na bansa, ito ang nangungunang kanser na ikinamamatay ng mga kababaihan. Sa Malawi, kung saan matagal na kaming nagbibigay ng pangangalaga para sa mga may HIV/AIDS, nalaman naming marami sa aming mga pasyente ay may cervical cancer din. Noong 2020, 4,145 na bagong kaso ng cervical cancer ang natukoy at 2,905 na babae ang namatay dahil sa sakit na ito.
Nagsasagawa ng konsultasyon ang isang Doctors Without Borders doktor sa mga batang babaeng taga-Tondo sa Maynila bago nila makuha ang kanilang libreng bakuna laban sa HPV. © Hannah Reyes Morales
Bagama’t epektibo ang human papillomavirus (HPV) vaccination, ang screening pa rin ang susi sa pagpigil sa pagkakaroon ng cervical cancer. Di na inabutan ng maraming kababaihan ang bakunang ito noong sila ay bata pa, at hindi rin lahat ng bata ngayon ay nabibigyan nito. Sa mga lugar na walang kakayahan, ang "screen and treat" ay isang paraan upang matulungan ang pasyente nang lubusan, kahit na isang beses lang siyang makapunta sa klinika.
Sa ilang bansa, nagsasagawa ang Doctors Without Borders ng cervical cancer screening sessions at ginagamot ang mga pasyenteng nasa mga unang yugto pa lang ng sakit. Kritikal ito , lalo na para sa mga lugar kung saan marami ang mga kaso ng HIV. Sa mga ganitong konteksto, nagbibigay kami ng bakuna kontra-HPV.
Reproductive Health at COVID-19
Ipinapakita ng mga datos na ang pandemyang dulot ng COVID-19 ay isa sa pinakamapinsalang banta sa mga kababaihan sa buong mundo. Hindi nakakakuha ang mga babae ng sexual at reproductive health services, na maaaring mauwi sa pagtaas ng maternal at neonatal mortality. Kung di man sila tuluyang napagkakaitan ng serbisyo, napapatagal naman ang pagbibigay sa kanila nito. Ang epekto nito ay ramdam na ramdam sa mga lugar kung saan mahina o nasasagad na ang mga sistemang pangkalusugan. Marami sa mga lugar na ito ay ang mga kinaroroonan ng Doctors Without Borders.
Ang COVID-19 ay nagdala ng mga karagdagang hamon. Bagama’t ang ligtas na panganganak ay kinikilala bilang pangunahing serbisyong pangkalusugan, marami sa mga nagdadalang-tao ang hindi makakuha ng serbisyong ito dahil sa pandemya. Ang ilang sexual at reproductive health services, tulad ng contraception at safe abortion care, ay di itinuturing na prioridad sa ganitong panahon.
Christine Akoth ay isang komadronang taga-Kenya. Siya ang namuno sa mga maternity services sa Doctors Without Borders primary health centres sa Jamtoli at Hakimpara, Cox’s Bazar, Bangladesh. © Anthony Kwan/MSF
Kausap ng Doctors Without Borders health workers ang isang grupo ng sex workers sa Nsanje, Malawi, sa ‘one-stop’ outreach clinic noong 2019. Ang mga klinikang ito ay idinidaos sa iba’t ibang araw, at sa iba’t ibang lugar sa komunidad. Nagbibigay ito ng komprehensibong pakete ng sexual at reproductive health services at referrals. © Isabel Corthier/MSF
Nakaapekto ang mga travel ban at paghihigpit sa paglalakbay sa lahat ng aspeto ng sexual at reproductive healthcare. Kadalasan, ang mga kababaihan sa mga lugar na tinamaan ng kalamidad o ng armadong labanan ay hirap makakuha ng transportasyon. Karamihan sa kanila’y manganganak lang sa kanilang mga tahanan kung saan maaaring di ligtas, at ang magpapaanak sa kanila’y mga di nakatanggap ng pormal na pagsasanay. Maraming kamatayan sa panganganak, ng ina man o ng bagong panganak na sanggol, ang di naitatala dahil hindi naman sila nakarating sa isang health facility.
Hindi lang mga PPE ang naapektuhan ng pagkaputol ng supply chain. Maraming mga bansa ang may kakulangan na ng mga kritikal na produkto. Tumataas ang presyo ng mga bilihin dahil sa kakulangan ng produkto at sa pagtaas ng shipping charges. Dahil dito, mas mahirap pa para sa mga kababaihan na makakuha ng mga sexual at reproductive healthcare products at services. Ito ay maaaring magresulta sa pagdami ng maternal deaths.
- Stories from the field: Ang pagprotekta ng reproductive health sa panahon ng pandemya
Nang nagsimula ang pandemya, lumipad si Dr. Andrew Dimitri ng Doctors Without Borders patungong Timog Silangang Asya. “Kinailangan naming alamin kung paano mapoprotektahan ang mga taong aming pinangangalagaan, gayun din ang aming staff.”
Nanganganib ang mga taong nasa mga lugar na tulad ng Tondo sa Manila. “Malaki ang populasyon at ang kanilang tinitirhan ay di maganda ang kondisyon, may kakulangan ng malinis na tubig at palikuran,” paglalarawan ni Dr. Dimitri. Problema rin ang malnutrisyon. “Ang mga bagay na di na natin pinag-iisipan pa, tulad ng mga bagay na may kaugnayan sa hygiene, ay hindi posible rito. At wala rin silang oportunidad na makapag-obserba ng social distancing. Minsan, nakatira ang buong pamilya sa isang maliit na kuwarto.”
Sa pamamagitan ng information sessions, tumulong si Dr. Dimitri na magsanay ng mga staff sa screening at paggawa ng diagnosis ng mga taong pinaghihinalaang may COVID-19, sa ligtas na paglilipat ng mga positibong kaso sa local health authorities, at kung paano protektahan ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng pagsuot ng personal protective equipment at pagsunod sa mga hygiene procedures.
Reproductive health sa Southeast Asia and the Pacific
Sa mga bansang tulad ng Thailand, Malaysia, Pilipinas, Indonesia, Bangladesh, Hong Kong, Myanmar at marami pang iba, ang pagbibigay ng reproductive healthcare at services ay kritikal at maaring makasagip ng buhay, di lamang para sa mga ina, ngunit para rin sa mga bata at kabataan.
Screening para sa cervical cancer sa Pilipinas
Ang kanser ay epidemya rin sa kanilang sariling kategorya. Araw-araw, labindalawang babae ang namamatay sa Pilipinas dahil sa cervical cancer. Noong 2015, lalong nagpursigi ang Department of Health na labanan ang cervical cancer. Binigyan nila ng prayoridad ang mga pasyente na mula sa mga pinakamahirap na rehiyon sa bansa. Kahit na sinusuportahan ng pamahalaan ang HPV vaccination sa pamamagitan ng pagsama nito sa pambansang programa, nanganganib pa rin ang mga nakatatandang babae dahil wala pang bakuna para rito noong bata pa sila, at mas mataas ang posibilidad na magkaroon sila ng sakit na ito.
Si Rosalita, 22 taong gulang at may dalawang anak, ay tumatanggap ng payo ukol sa family planning mula sa isang Doctors Without Borders health information officer sa Tondo, sa siyudad ng Manila sa Pilipinas. © Melanie Wenger
Kinumpirma ng isang pag-aaral na ginawa ng Doctors Without Borders ang pangangailangan para sa sexual at reproductive health services sa Tondo, sa Manila, kabisera ng Pilipinas. Isa ito sa mga lugar sa Pilipinas kung saan malaki ang populasyon at naghihikahos ang mga tao.
Mula 2016 hanggang 2020, nakipagtulungan ang Doctors Without Borders sa Likhaan, isang lokal na NGO, upang suportahan ang isang klinika na gumagawa ng screening para sa cervical cancer at cryotherapy, kasama ng ibang sexual at reproductive health services. Ang Doctors Without Borders at Likhaan ay nagtulungan sa pamamahagi ng impormasyon tungkol sa cervical cancer, ng konsultasyon, at libreng panggagamot. Inaabot ng tatlong minuto lang ang routine screening. Ang mga pasyenteng kinakitaan ng precancerous cells ay sumailalim agad sa cryotherapy. Ang mga pinaghihinalaang nasa advanced stage na ng sakit ay pinapapunta sa ospital para sa diagnosis. Sa bawat hakbang, binibigyan ng field workers ang pasyente ng impormasyon at tulong.
Mula 2016, mahigit 9,300 na babae na ang dumaan sa screening ng klinika. Para sa 6,400 sa kanila, ito ang kauna-unahang pagkakataon nilang maranasan ito. Ang unang pagbabakuna ay inilunsad noong Pebrero 2017. Mahigit 25,000 na batang babae, edad 9 hanggang 13 ang binakunahan. Nung Disyembre 2020, ang mga gawain sa Lila Clinic ay ipinasa na namin sa Likhaan.
- Mga Kuwento ng Pasyente: Ang pagsagip ng mga batang babae mula sa kanser
“Napapanood natin sila sa telebisyon, ang mga namamatay nang maaga dahil nagka-kanser sila sa uterus,” paliwanag ni Mary Jane. Katabi niya ang kanyang mga anak at pamangkin na babae. Kasama sila sa humigit-kumulang 325,000 na naghihikahos sa Tondo, Manila.
May magandang naidudulot ang pagpapabakuna. Sa pagbabakuna ng mga batang edad 9 hanggang 13, dalawang pagturok lang ang kailangan upang bumaba nang husto ang posibilidad na magkakaroon sila ng cervical cancer.
Pinapunta ni Mary Jane ang kanyang anak sa klinika upang magpabakuna, at sumama din ang kanyang pamangkin. Dahil may impormasyon na sila tungkol sa nakamamatay na sakit, inaasahan niyang wala nang kaba at pag-aalinlangan ang kanyang anak.
Ang pagbibigay ng reproductive health services sa refugees at irregular migrants sa Malaysia
Sa Malaysia, sinimulan ng Doctors Without Borders ang kanilang proyekto noong 2016, sa pamamagitan ng mobile clinics na naitayo sa pakikipagtulungan sa isang lokal na organisasyon. Nang patapos na ang 2018, nagbukas ang Doctors Without Borders ng outpatient clinic sa Butterworth, Penang.
Noong 2020, nakita ng Doctors Without Borders ang kagyat na pangangailangan para sa antenatal at postnatal care ng mga babaeng refugees at irregular migrants sa Penang, Malaysia. Sa isang araw, nakaka-40 hanggang 50 pasyente ang outpatient refugee clinic, pero mula noong Setyembre’y kapansin-pansin ang pagdami ng antenatal consultations.
Nakipagtulungan ang Doctors Without Borders sa regional ministry of health sa Penang, Malaysia, upang magbigay ng tuloy-tuloy na antenatal at postnatal care para sa mga babaeng refugees at irregular migrants. Isang beses sa isang linggo, pumupunta ang isang komadrona upang magbigay ng antenatal classes para sa mga nagdadalang-tao at ina, habang ang field workers naman ng Doctors Without Borders ang nagbibigay ng counselling at family planning assistance. Sa aming klinika sa Penang, Malaysia, nagbibigay kami ng sexual and gender-based violence (SGVB) care, at ng mental health counselling services. Ang bawat SGVB case ay hawak ng isang Doctors Without Borders case worker na susuporta at tutulong sa kanila.
Noong 2022, mga 3,900 na babae ang sinuri ng mga health workers sa Malaysia para sa antenatal consultations.
Pagsuporta sa adolescent at maternal health sa Indonesia
Sa Indonesia, kilala ang Doctors Without Borders bilang Dokter Lintas Batas.
Mula Pebrero 2018, ang field workers ng Doctors Without Borders ay nakikipagtulungan sa Indonesia Ministry of Health para sa Adolescent Health Project sa Pandeglang District. Ang mga adolescent health programmes sa probinsiya ng Jakarta at sa Pandeglang district sa probinsiya ng Banten, Indonesia, ay nakatuon sa mga gawaing nagpapabuti ng serbisyong pangkalusugan para sa mga kabataan, upang matulungan silang maintindihan ang mga pagbabagong nangyayari sa kanilang mga katawan, isipan, at damdamin. Nagbibigay rin ang field workers ng ante- at postnatal na impormasyon at pangangalaga para sa mga nabuntis nang maaga at sa mga batang ina sa pamamagitan ng pagpapatibay ng ugnayan ng mga komunidad, paaralan, at health service providers.
Ipinasa ang proyekto sa mga lokal na partner nung Disyembre 2022.
Kasama sa mga ginagawa ng Doctors Without Borders sa Indonesia ang pagsuporta sa mga local health centre workers sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng mentorship at training sessions na nagpapalakas ng kanilang kapasidad. Nagsasagawa rin ang Doctors Without Borders ng health information activities at education sessions para sa mga kabataan at kanilang mga magulang sa kanilang mga nayon o sa Saung Rhino Youth Corner, isang education centre sa Banten, Indonesia.
Noong 2018, nang tinamaan ang Indonesia ng mga kalamidad tulad ng Sunda Strait tsunami, ang mga konsultasyon at serbisyong may kaugnayan sa maternal health ang mga sinikap ng Doctors Without Borders na maibigay sa mga taong napilitang iwan ang kanilang mga tahanan, o di na makaalis sa kanilang kinaroroonan.
Noong 2021, bukod sa counselling at health consultation sessions, nagsagawa din kami ng 98 na ante- at postnatal consultations.
Pitong buwang buntis na si Elis nang tumama ang Sunda Strait tsunami sa Indonesia. Binigyan ng Doctors Without Borders staff ng Labuan health centre si Elis at ang kanyang anak ng pangangalagang medikal. © Cici Riesmasari/MSF
Ginagamot ng isang komadrona ng Doctors Without Borders ang mga sugat ng isang 2018 tsunami survivor sa shelter. © Cici Riesmasari/MSF
- Mga kuwento ng pasyente: Pagprotekta sa nagdadalang-tao
“Naliligo ako nang tumama ang tsunami,” kuwento ni Elis. Bumabalik sa kanyang alaala ang araw ng paghampas ng tsunami sa baybayin ng Sunda Strait noong Disyembre 2018. Pitong buwan na siyang nagdadalang-tao noon.
Nang humampas ang unang alon, nagsisisigaw ang asawa niya, si Purwanto. “Tsunami! Tsunami!” sigaw niya kay Elis. Nagmamadaling pinuntahan ng lalaki ang kanilang anak at ang mga biyenan niya sa katabi nilang bahay.
“Nang marinig ko ang sigaw ng asawa ko, mabilis akong nagbihis. Noong pabalik na siya para tulungan ako, hinampas ng pangalawa at mas malaking alon ang bahay namin,” patuloy ni Elis. “Sinikap kong protektahan ang tiyan ko. Hindi ko makita ang anak ko. Di ko makita ang nanay at tatay ko. Pero narinig kong tinatawag ako ng asawa ko.”
Naglakad sina Elis at Purwanto ng dalawang kilometro papunta sa health centre sa Labuan. Habang nasa daan sila’y may nagmagandang-loob na nagpaangkas sa kanila sa motorsiklo. Pagdating nila sa centre, Nakita nila ang maraming sugatan na naghihintay ring mabigyan ng atensyong medikal.
Tiniyak ng Doctors Without Borders field workers na nasa mabuting kalagayan si Elis. “Nakilala ko si Ibu Dina, ang komadrona ng Doctors Without Borders, at si Doctor Santi sa Labuan Health Center noong Linggo,” tanda pa ni Elis. “Sinuri nila ang kondisyon ko at ng anak ko. Puno ng pasa ang katawan ko, at mayroon pang pamamaga. Pero salamat sa Diyos, at ligtas naman ang anak ko,” nakangiti niyang sinabi.