Skip to main content

    Ebola sa Uganda: “Hindi natin maaring malaman ang lahat ng tungkol sa epidemiological puzzle na ito.”

    Hygienist is hanging the boots to dry after being decontaminated by hygienists at Mubende Ebola Treatment Center.

    Hygienist is hanging the boots to dry after being decontaminated by hygienists at Mubende Ebola Treatment Center. Uganda, 2022. © Sam Taylor/MSF

    Si Denis Ardiet ay nagtatrabaho para sa Epicentre, ang epidemiology division ng Doctors Without Borders. Sa kasalukuyan, siya ang nangangasiwa sa isang team ng pitong epidemiologist na sangkot sa pagtugon sa Ebola response sa Uganda. Kabilang sa kanyang trabaho ang masigasig na pagsusuri ng epidemiological situation at ng iba’t ibang posibleng kahihinatnan ng outbreak, upang mapabuti ang pagtugon dito ng Doctors Without Borders at ng Ugandan Ministry of Health.

    Ang ginagawa ng mga epidemiologist upang makatulong puksain ang Ebola outbreak

    Sa isang outbreak, ang mga epidemiologist ang nagdodokumento ng bawat kaso at ng kanilang mga nakasalamuha na kailangang balikan upang matiyak na ang pangkalahatang pagkakaunawa sa outbreak spread ay komprehensibo.

    Kasama sa gawaing ito ang pangangalap ng datos, pagawa ng mga mapa at epidemiological curves. Ang lahat ng ito’y tumutulong sa pagbibigay ng kaalaman sa mga Doctors Without Borders response team araw-araw. 

    Ang kasaysayan ng bawat pasyenteng may ebolavirus ay dapat imbestigahan nang masinsinan upang maiugnay sila sa mga naunang kaso at upang matantiya kung saan maaaring kumalat ang sakit, batay sa mga ginawa at nakasalamuha ng pasyente. 

    Sinisikap din ng mga epidemiologist na maintindihan ang konteksto at makakalap ng qualitative data ukol sa pagtanggap ng komunidad sa mga preventative measures at outbreak response policies. 

    Ang pag-unawa at ang interpretasyon ng mga impormasyong ito sa antas na pandaigdigan ay bahagi ng pagtulong ng Doctors Without Borders sa Ugandan Ministry of Health.

    Denis Ardiet, Emergency epidemiology coordinator in Uganda Ebola outbreak 2022. Uganda, 2022. © MSF/Patricia Otuka-Karner

    Denis Ardiet, Emergency epidemiology coordinator sa Uganda Ebola outbreak 2022. Uganda, 2022. © MSF/Patricia Otuka-Karner

    Paano mailalarawan ang kasalukuyang takbo ng outbreak sa Uganda?

    May nakita tayong dalawang mahalagang rurok ng outbreak sa Uganda. Ang una ay naganap noong Setyembre sa distrito ng Mubende, ang unang epicentre ng outbreak. Sinundan ito ng isa pa sa karatig- distrito ng Kassanda. Bagama’t nasa dalawang distrito ang 80 porsyento ng lahat ng kumpirmadong kaso sa outbreak na ito, sa pangkalahatan, siyam na distrito sa bansa ang naapektuhan. Sa kasaysayan ng Uganda, ito ang pinakamalaking geographic spread ng Ebola sa bansa. 

    Matapos ang bigla at mabilis na pagdami ng mga kaso noong Oktubre (86 na kaso sa loob lamang ng 4 na linggo), bumagal ang pagdami ng mga bagong kumpirmadong kaso nitong mga nakaraang linggo (14 na kaso sa 4 na linggo noong Nobyembre). Ngunit nakababahala na may mga kaso ng Ebola na hindi nakaugat sa mga natukoy nang chains of transmission. Ibig sabihin, nakuha nila ang impeksiyon mula sa hindi pa natutukoy na pinagmulan, kaya ito’y mga kasong hindi inaasahan dahil wala sila sa mga nakilala sa pamamagitan ng contact tracing at follow-up. Ito’y nauwi sa pagkakaroon ng dalawang bagong distritong apektado, ang Masaka at Jinja.

    Ang pagsunod sa mga case contact ay lubhang mahalaga sa pagkontrol sa outbreak. Kapag nakilala agad ang mga taong nakasalamuha ng isang kumpirmadong kaso, masusubaybayan ang kanilang kalagayan at matutulungan silang humingi ng tulong sa angkop na pasilidad pangkalusugan kung magkaroon sila ng mga sintomas na kaugnay ng Ebola. Ngunit, ayon sa datos mula sa Ministry of Health, mga 64% lang ng case contacts ang nasundan agad, isang indikasyon na mayroong mga puwang sa pagtugon. Bagama’t ang pangkalahatang epidemiological trend ay positibo naman, nag-aalala pa rin kami at nakaantabay sa maaaring mangyari. 

    Ano ang mga posibleng mangyari sa hinaharap? Anong mga pagkilos ang kakailanganin?

    Marami pang puwedeng mangyari. Kahit ano, posible pa. Isa sa maaari nating makita ay ang patuloy na pagbaba ng bilang ng mga kumpirmadong kaso, at hindi na magkakaroon ng mga bagong kaso habang tayo’y papalapit na sa katapusan ng epidemya. Ang ikalawang posibilidad ay ang manaka-nakang pagsulpot ng ilang mga bagong kaso--mula dito o doon, o baka manggaling sa iba’t ibang distrito. Ang ikatlong posibilidad ay dadami ang mga bagong kaso habang tayo’y papalapit sa isa na namang rurok ng hawaan. 

    Ang mga iba’t ibang eksenang ito’y nangangailangan ng katumbas na pagtugon mula sa mga Doctors Without Borders teams at sa Ministry of Health team na katuwang namin. Nakasalalay kami sa kanilang datos, lalo na’t dahil wala naman kaming pinapatakbong laboratoryo para sa testing, at di rin kami nagsasagawa ng aming sariling imbestigasyon sa mga kaso. Magkasama kaming kumikilos para sa health surveillance, na mahalaga sa pagtugon. 

    Ang suportang maibibigay ng Doctors Without Borders sa health authorities ng Uganda ay nakasalalay sa mga kasalukuyang pangangailangan. Kailangan naming matukoy kung ano ang pinaka-angkop na maibibigay na tulong, kahit na ito’y nangangahulugan ng isang smaller scale rapid response team-approach. Sa halip na magtayo ng mga malalaking treatment centre sa mga distrito, maaaring mas makatulong ang isang paraan na maisasagawa sa mismong komunidad kung saan nakatira ang mga pasyente.

    Mahalaga ring tiyaking patuloy ang pangangalaga sa mga may sakit na hindi Ebola sa mga apektadong lugar. At dahil ang mga unang sintomas ng Ebola at malaria ay magkahawig, kailangan ding tiyaking handa ang mga lugar na ito para sa curative at preventive management ng malaria. Sinusuportahan namin ang Ministry of Health na pagtibayin ang case detection at isolation capacity ng mga kasalukuyang pasilidad pangkalusugan upang sila’y dagliang makatugon kapag may bagong alerto o kaso, at maging maagap sa pagpapababa ng posibilidad ng pagkalat nito. Sa komunidad naman, ang Ministry of Health ang magsasagawa ng health surveillance upang matiyak na walang hawaang nagaganap. Ang lahat ng ito ay kailangang masugid na babantayan hanggang sa matapos ang epidemya – kailanga’y walang bagong kaso sa loob ng 42 na araw, o dalawang ulit ng ebola virus incubation period na 21 na araw. 

    Mahirap masabi kung kailan matatapos ang isang outbreak, dahil marami tayong hindi nalalaman. Hindi natin maaaring malaman ang lahat-lahat tungkol sa epidemiological puzzle na ito. Ang maaari lang nating gawin ay siguraduhing makakalap natin ang lahat ng impormasyong makukuha na may kaugnayan sa outbreak. Alam natin ang epidemiological situation at nakikita nating bumababa ang epidemic curve, na mabuti naman. Pero sa likod ng curve, maaaring may mga kaganapan at impormasyong lingid pa sa ating kaalaman, at ang mga iyon ang mahirap tuklasin. Gayunpaman, kailangan tayong maging handa sa pagtugon sa anumang alerto o panibagong kaso. 

    A nurse is safely removing its Personal Protective Equipment (PPE) at Mubende Ebola Treatment Center, after taking care of patients infected with Ebola. Uganda, 2022. © Sam Taylor/MSF

    A nurse is safely removing its Personal Protective Equipment (PPE) at Mubende Ebola Treatment Center, after taking care of patients infected with Ebola. Uganda, 2022. © Sam Taylor/MSF

    Hindi ba pangkaraniwan ang mabilis na pagbaba ng bilang ng mga kaso sa isang Ebola outbreak? 

    Hindi naman ito kakaiba dahil naobserbahan na rin itong nangyayari sa ibang outbreak. Ngunit nakakagulat pa rin ito, lalo na kung isasaalang-alang mo ang iba’t ibang elemento ng Uganda outbreak. Ang pagbaba ng bilang ay maaaring indikasyon na tumigil na ang hawaan dahil sa kombinasyon ng iba’t ibang kadahilanan. Kabilang sa mga dahilang ito ang pagtugon sa outbreak at ang mga ginagawa ng komunidad. Ang naalala ko sa outbreak na ito ay ang Conakry sa Guinea noong 2015, o ang Beni sa Democratic Republic of Congo noong 2020. Ang mga health authorities at ang kanilang mga katuwang, gaya ng Doctors Without Borders, ay nahirapan din sa pagsunod ng mga case contact noon. Bagama’t pababa na ang bilang ng mga kaso, may mga ilan pa ring sumusulpot sa loob ng ilang buwan. 

    Mahalagang banggitin na ang dating mababang bilang ng case contact follow up sa Uganda ay bumuti na nitong mga nakaraang linggo sa ilang distrito. Bagama’t ito’y isang magandang senyales, ang pagtugon ay kadalasang nakatutok lang sa pagpapataw ng mga panukala tulad ng obligatory quarantine o home isolation, at mga araw-araw na pagtawag na maaaring magdulot lang ng takot sa mga tao kapag hindi ito sinabayan ng mga mensaheng nagpapaliwanag ng dahilan ng mga panukalang ito. Mahalaga ang mga health promotion at community outreach activities sa pagtataguyod ng tiwala  at pagtiyak na ang mga tao ay may sapat na impormasyon tungkol sa ebola virus upang protektahan ang kanilang mga sarili at ang kanilang mga komunidad, at upang maintindihan nilang mabuti ang dahilan sa likod ng mga panukala. 

    Kadalasan – tulad sa kahit anong outbreak, maging sa COVID-19 – marami ang nangangamba sa posibilidad na maari kang ilayo sa iyong mga kapamilya at kaibigan, ibukod, at ipadala sa isang Ebola treatment unit. Nakatutulong ang health promotion at community engagement upang kontrahin ang mga maling akala at pangamba habang sinusuportahan ang pagpigil sa pagkalat ng sakit sa komunidad.

    Categories