Paano magtrabaho sa isang Ebola Treatment Centre sa Uganda? Panayam kay Ruggero Giuliani, Italyanong doktor
Nagtatrabaho ang isang manggagawa sa pagtatayo ng isang 39-bed Ebola Treatment Center sa Mubende, kung saan maraming kaso ng Ebola. Ang ETC na ito sa Mubende ay ang pangalawang pasilidad na itinayo ng Doctors Without Borders sa bayan. Makakatulong ito sa mga pinaghihinalaang at kumpirmadong kaso ng Ebola. Magkakaroon into ng Intensive Care Unit. Uganda, Oktubre 2022. © MSF/Sam Taylor
Sa tingin ko, sa lahat ng aking naranasan sa mahabang kasaysayan ko sa Doctors Without Borders , ang pinakatumatak sa akin ay ang Ebola outbreak noong 2014 sa West Africa. Pinadala ako bilang Medical Coordinator upang magbukas ng isang proyekto sa Monrovia sa kasagsagan ng outbreak. Ito’y isang napakapanlulumong karanasan sapagkat sa sobrang dami ng mga pasyente ay hindi namin sila kayang bigyan ng mahusay na pangangalaga.
Sa outbreak sa West Africa, nagkaroon kami ng 20,000 na pasyente sa loob lamang ng isang taon, samantalang 2,000 lang ang pasyente namin doon noong nakaraang 20 taon. Itinuring kong isang pribilehiyo ang magtrabaho roon dahil bilang isang siyentipiko, nakakaganang maghanap ng mga praktikal na solusyon para sa outbreak. Naalalala ko tuloy noong kakatuklas pa lang ng HIV. Bago pa lang akong doktor noon, at marami na kaming nakikitang mga kabataang namamatay dahil sa sakit na iyon. Kahit gabing gabi na’y nag-uusap pa rin kami kung paano namin mapabubuti ang pangangalaga sa mga pasyente. Nakababahala ang sitwasyon dahil sa bawat araw, 50 ang namamatay. Para kaming nasa digmaan. Ngunit isang banda, ginaganahan ako sa hamon na makahanap ng mga solusyon.
Sa Mubende Referral Hospital, ganito ang kasalukuyang ginagawa namin. Sa Ebola Treatment Centre, nakahiwalay ang mga pinaghihinalaang kaso sa mga kumpirmado. Pero noong nagkaroon ng surge, pinagsama na namin ang mga pinaghihinalaan at kumpirmado upang makatanggap pa ng mga karagdagang pasyente.
Sa ganitong sitwasyon, may mga kailangang gawin na hindi na kabilang sa mga karaniwang ginagawa ng mga doktor. Kapag nag-iikot ako sa mga ward, ako na rin ang nag-aayos ng mga IV line, naglilinis ng mga pasyente, nagbibigay ng mga pangangalagang karaniwang ginagawa ng mga nars, nagbibigay ng pangangalagang medikal, naglilinis at nagbabantay. Kailangang pagtuunan ang mga bagay na malaki ang epekto sa kanila. Oo, kailangan ng pangangalagang medikal, pero dapat mo ring isaisip ang dignidad ng mga pasyente.
Si Ruggero Giuliani (kanan) ay isang Italyanong doktor na nagtatrabaho sa Ebola Treatment Centre sa Mubende, Uganda. 2022 © MSF
Matagal na ang sakit na ito. Kapag pumasok ito sa katawan, asahan mo nang matindi ang epekto nito. Mabilis na lalala ang kondisyon ng pasyente. Maaaring pagdating nila’y nakapaglalakad pa sila, at saglit lang ay hindi na.
Kailangan nating pagbutihin ang istruktura ng ETC para makagalaw nang maayos ang mga clinician at medical people. Kaya’t kapag pinag-usapan ang istruktura, umaasa akong mapabubuti ang bagong ETC dahil ang isang bahagi nito ay dinisenyo upang matingnan namin ang mga pasyente mula sa labas nang hindi kailangang magsuot ng Personal Protective Equipment (PPE). Magandang konsepto iyon. Kailangan naming matingnan nang mabuti ang mga pasyente, 24/7. Kapag naka-PPE ka, hindi mo magagawa iyon.
At problema rin ang pawis. Hindi ako nagsusuot ng salamin kapag nasa loob kaya’t hindi ako makakita nang mabuti sa malayo. At ngayong tumatanda na ako, hindi na rin ako makakita nang mabuti sa malapit. Kapag walang salamin, hirap na talaga akong makakita. Dahil sa pawis at init, maging ang PPE ay nakakapigil sa pagkilos. Mabuti-buti na nga ngayon dahil may magaan nang PPE na nakakatulong sa aming mas tumagal na suot ito.
Ngunit ang nakikita kong talagang malaki ang maitutulong ay ang pagkakaroon ng kapabilidad na subaybayan ang aming pasyente mula sa labas. Maaari kong obserbahan ang pasyente kada segundo, at puwede naming bantayan ang kanyang vital signs at masubaybayan ang pag-usad ng sakit. Alam nating lalala ang sakit, kaya’t gusto kong maging maagap. Halimbawa’y nakita kong bumababa ang saturation mo, boom, papasok agad ako para bigyan ka ng oxygen. O di kaya’y may mapansin ako sa heart rate, boom, puwede kitang bigyan ng fluids. Sa ganitong sistema ng tuloy-tuloy na monitoring, maaari kaming magbigay ng napapanahong tulong.
Isang malaking isyu ang pagkonsulta ng pasyente pag malala na ang lagay nila. Isang mabigat na hamon ang pagbibigay-lunas sa mga ganitong pasyente. Mahalagang matingnan ang mga pasyene habang maaga pa at maging agresibo sa kanilang clinical management. Ito ang susi upang maligatas ang buhay ng pasyente. Kung matingnan kita sa pangalawa o pangatlong araw ng iyong sakit, tumataas ang tsansang maliligtas ang buhay mo. Ang bawat pagtanggap, at ito ang bahaging matatawag nating outreach, na tumutulong upang madala ang pasyente sa amin habang maaga pa ay mahalaga sa pagligtas ng kanyang buhay.
Ruggero Giuliani, doktor. Uganda, 2022 © MSF
Napakahirap pag dumadating ang sandaling napapagtanto mong wala nang pag-asa ang iyong pasyenteng mabuhay. Hindi mo na sila matutulungan. Alam mong puwede mong gawin ang lahat ng iyong makakaya, ngunit alam mo rin na kapag ganito na kalala ang mga sintomas, wala na talagang tsansang maililigtas siya. Mapagtatanto mo ito habang buhay pa ang pasyente at maaaring subukan ka niyang sunggaban. Naalala ko ang isa kong pasyente na sa kanyang pagkabalisa’y inaabot. ang kamay ko at nagmamakaawang huwag ko siyang iwan. At sa puntong iyon, alam kong mamamatay na siya.
Gayunpaman, tuwang-tuwa kami sa tuwing may nakakalabas na pasyente. Noong isang araw, inilabas namin ang anim na survivor at nagdiwang kami sa pamamagitan ng isang pagtitipon. Malaki ang naitutulong nito upang makaya ng lahat ang kanya-kanyang pinagdadaanan. Tuwing lumalabas kami kasama ang mga pasyenteng gumaling, nagsasabi kami ng “Ahhhhh.”
Si Ruggero Giuliani at isang Italyanong doktor na nagtatrabao sa Ebola Treatment Centre ng Doctors Without Borders sa Mubende, Uganda.