Ebola: Ang susi ay ang pagtaguyod ng kalusugan
A Doctors Without Borders health promoter talks with a shop keeper in Madudu, close to the epicentre of the Ebola outbreak in Uganda. Uganda, 2022. © MSF/Sam Taylor
Naglunsad ng Ebola emergency mission ang Doctors Without Borders/Médecins Sans Frontières (MSF) sa Uganda matapos magdeklara ng outbreak ang bansa noong ika-20 ng Setyembre. Ang mga Doctors Without Borders team ay nagbibigay ng suporta sa Ministry of Health (MOH) sa case management at pagtataguyod ng kalusugan, na isang mahalagang haligi sa pakikibaka sa sakit na ito. Noong Setyembre, nagsagawa rin ng mga outreach activity sa Mubende at Kasanda, kung saan natukoy ang mga unang kaso, at ngayo’y sinimulan na rin sa Kampala at Masaka.
Ang pagtaguyod ng kalusugan ay mahalagang bahagi ng pakikibaka sa isang epidemya. Sa pagtugon sa banta ng Ebola, isa ito mga pangunahing haligi ng pakikipaglaban sa outbreak. Sa simula pa lang, ang Doctors Without Borders ay nakikipagtulungan na sa Ugandan Ministry of Health. Ang MSF ay nagtatayo ng mga Ebola Treatment Centre (ETCs) at ng mas maliliit na Ebola Treatment Units (ETUs), at nagsasagawa ng mga outreach activity sa mga lugar kung saan kumalat ang virus. Pumupunta ang mga health promotion team sa mga komunidad at nagbabahagi ng impormasyon ukol sa infection prevention at control sa mga health worker, sa mga miyembro ng komunidad at kanilang mga pinuno, at maging sa mga traditional healer.
Si Alunga Tom ang namamahala ng mga outreach activity para sa Doctors Without Borderssa Ugandan Ebola response and risk communication sa Mubende, kung saan natukoy ang mga unang kaso. Kasama ang kanyang team ng mahigit sa 50 na health promoter, pumupunta siya sa mga komunidad upang magbahagi ng tama at napapanahong impormasyon tungkol sa virus.
Gaya ng karaniwang nangyayari sa isang epidemya, mabilis na kumakalat ang mga bali-balita. Si Regina Kasule Nakabuye ay isa sa mga health promoter na kabilang sa team ni Tom. Araw-araw niyang nararanasan ang hirap na pabulaanan ang mga umiikot na pekeng balita, at magbigay ng mga tamang mensaheng pangkalusugan sa komunidad. “May mga natatakot, pero meron ding hindi naniniwala na nandito talaga ang Ebola. Ang mga kabataan sa Mubende, halimbawa, ay di naniniwala sa mga naririnig nilang impormasyon.”
Karamihan sa mga kabilang sa mga komunidad sa lugar ay mga magsasaka at mga taong umaasa lamang sa mga panandaliang mapagkakakitaan. Kaya’t noong nagkaroon ng lockdown dahil sa COVID-19, nahirapan talaga sila dahil wala silang kita. “Konektado ang nangyari noon sa COVID-19 dito sa Ebola dahil sa natatandaan ng mga tao ang pinagdaanan nila noon, at natatakot silang mauulit ito,” paliwanag ni Regina. “Pero labis naming silang pinagpapasensiyahan, at sinusubukan naming makibagay sa kanila. Ipinapaabot namin ang mga mensahe sa mga paraang maiintindihan nila. At inuulit-ulit namin ang aming mga sinasabi kung kinakailangan.”
Nakatuon ang pagkilos ng Doctors Without Borders sa pagpigil ng pagkalat ng sakit, at paikliin ang panahon sa pagitan ng paglitaw ng sintomas at pagpasok ng pasyente sa pasilidad pangkalusugan. Kabilang sa proyekto sa Mubende ang health promotion, infection prevention and control, investigation, contact tracing at ang pagbibigay ng suporta sa mga taong kinakailangang ibukod ang kanilang sarili.
Araw-araw, ang aking team ay nahahati sa iba’t ibang grupo. Ang iba’y nakikipagtulungan sa mga contact tracers at nagsusumikap silang pahinain ang pagtutol sa mga komunidad. Kapag hawak nila ang tamang impormasyon, nababawasan ang takot, at mas maluwag sila sa pagsisiwalat ng kanilang mga nakasalamuha. Ang pangalawang team ay kadikit ng mga field investigator ng MOH. Kung may alertong natanggap ukol sa isang posibleng kaso, pupuntahan nila ito at mangangalap sila ng detalye.Alunga Tom, Health Promoter
- Patotoo ng isang Ebola-survivor sa Uganda: "Kailangang maturuan ang mga tao. Gagaling ka. Malalampasan mo rin ang Ebola."
Nagsimula ito sa pagtaaas ng aking temperatura. Kinabukasan, nagkaroon ako ng diarrhea. Ang mga iyon ang mga sintomas. Tumawag ako ng ambulansya, at dinala ako sa ospital. Nalaman kong mayroon akong Ebola.
Hindi ko inaasahan iyon. Kamamatay lang ng nanay ko at pagkatapos ng kanyang libing ay pumunta ako sa karatig-bayan. Sa tingin ko, doon ko nakuha ang sakit na ito.
Nakakapanlumo ang nakita ko pagdating ko sa ospital. Maraming tao ang nagsusuka, may diarrhea, at ang iba’y may dugong lumalabas sa kanilang ilong, tainga at mata. Natakot akong ikamamatay ko ito.
Ang masasabi ko lang ay ito: totoo ang Ebola, at delikado ito. Kapag nagkaroon ka nito, mawawalan ka ng ganang uminom at kumain. May paraan ito upang sirain ang iyong katawan. Wala kang mararamdaman – hindi ka makalakad, hindi ka makaupo. Inabot ng limang araw bago bumuti ang aking pakiramdam.
Habang ako’y nasa ospital, may mga tumawag sa akin. Sabi nila, tatanggalin daw ng mga doktor ang mga lamang-loob ko. Sinabi ko sa kanila na hindi iyon totoo. May iba namang nagsabing, hindi ka bibigyan ng pagkain diyan, paano ka tatagal? Hindi rin iyon totoo. Binigyan kami ng pagkain: almusal, pananghalian at hapunan. Libre lahat.
Naapektuhan din ang asawa at anak ko. Noong handa na akong lumabas ng ospital, sila naman ang papasok. Kaya namalagi pa ako roon ng lima pang araw para sa anak ko. Nasa mabuting kalagayan na sila ng aking asawa. Inalagaan sila nang mabuti ng kanilang mga doktor. Nakakapaglaro na uli ang anak ko.
Noong nakauwi na kami mula sa ospital, gumaan ang pakiramdam ko. Alam kong marami ang namamatay sa sakit na ito, at masarap ang pakiramdam pag ito’y nalampasan mo. Iyon nga lang, nagtatakbuhan ang mga taong nakakasalubong ko. Umiiwas sila dahil natatakot silang mahawa sa akin.
Kailangang maturuan ang mga tao. Hindi nila alam kung paano kumakalat ang Ebola. Hindi nila alam na ang pagkakaroon ng Ebola ay hindi laging mauuwi sa kamatayan. Posible kang gumaling. At ang mga taong nagkaroon ng Ebola pero nakalabas na ng ospital, magaling na sila. Huwag mo silang iwasan, huwag mong tratuhin nang may diskriminasyon, huwag ninyong pagtsismisan – sila’y nasa mabuti nang kalagayan, tulad n’yo.
Ang masasabi ko sa mga tao: kapag masama ang iyong pakiramdam, magpatingin sa ospital. Gagaling ka. Malalampasan mo rin ang Ebola.
May malaking pangangailangan para sa impormasyon, lalo na kapag ang pinaghihinalaang kaso ay nakikitaan na ng mga sintomas ng Ebola at kailangan nang ibukod. Kailangang mabigyan ng kompiyansa ang kanyang pamilya, maagapan ang pagkalat ng maling impormasyon, at maisagawa ang contact tracing sa lalong madaling panahon. Dagdag pa rito ang pangatlong team na tinatawag na “flying health promoters”. Pinapadala sila kapag may mga espesyal na pangangailangang natukoy sa lugar sa pamamagitan ng mga outreach activity. Ang mga pangangailangang ito ay maaaring psychosocial support o social support sakaling kulang ang isang kabahayan ng pagkain, halimbawa, habang sila’y kusang bumukod dahil sila’y nakasalamuha ng kumpirmadong kaso.
Kailangan ang impormasyon, di lamang sa pagpigil sa Ebola. Ang mga survivor na kalalabas pa lamang mula sa mga ETC st ETU ay nakararanas ng paunang-hatol at diskriminasyon. Kinatatakutan at pinangingilagan sila ng mga tao, na nauuwi sa tensyon at di-makatarungang pagtrato sa mga survivor. Kaya naman kumbinsido si Regina na mahaba pa ang landas na kailangang tahakin.