Malaysia: Nalalagay sa panganib ang mga babaeng refugee dahil sa kakulangan ng access sa mga serbisyo para sa pangangalaga ng kalusugan ng ina
Mga babaeng Rohingya sa Malaysia, kasama ang isang buntis, na nagre-rehistro sa triage area ng Doctors Without Borders clinic sa Butterworth, Penang. Malaysia, 2022. © Kit Chan
Ang mga nagdadalang-taong refugee na nakatira sa Malaysia ay may limitadong access sa mga serbisyo para sa pangangalaga ng kanilang kalusugan bilang mga ina, gaya ng antenatal at postnatal care, mga bihasang birth attendants, emergency obstetric care, at mga serbisyo para sa pagpaplano ng pamilya. Dahil dito, mataas ang bilang ng mga inang refugee na binababawian ng buhay
Ayon sa isang pag-aaral ng United Nations High Commissioner for Refugees (UNHCR) noong 2019, ang maternal mortality rate sa mga refugee sa Malaysia ay tinatantiyang umaabot ng 62 kada 100,000 na live births, na kapansin-pansing mas mataas kaysa sa karaniwang bilang sa bansa na 36 kada 100,000 na live births.
Sa pag-aaral ding iyon, napag-alaman na ang mga pangunahing sanhi ng pagkamatay ng mga kapapanganak lang sa mga refugee ng Malaysia ay postpartum hemorrhage at hypertensive disorders. Nakababahala na wala pang bagong datos mula noong 2019, gayong ayon sa nasaksihan namin sa aming mga klinika, tila wala pa ring pagbabago sa kanilang sitwasyon.
Ang kawalan ng estadong legal ang hadlang sa pagkamit ng pangangalagang pangkalusugan
Ang Malaysia ay hindi pumirma sa 1951 Refugee Convention at wala silang mga pambansang batas na kumikilala at nagpoprotekta sa mga refugee. Ibig sabihin, ang mga refugee ay walang estadong legal sa bansa, kung kaya’t limitado ang kanilang access sa pangangalagang pangkalusugan, sa mga hanapbuhay, at sa edukasyon.
Ang mga refugee na nakarehistro sa UNHCR Malaysia ay may 50 porsiyentong diskwento sa mga serbisyong kaugnay ng pampublikong pangangalagang pangkalusugan, ngunit ang karamihan sa mga refugee ay wala pa ring kakayahang makapagbayad ng ganoon kalaking halaga kahit pa ito’y nabawasan na.
Ayon kay Nur**, isang babaeng Rohingya na refugee sa Malaysia na magkakaroon na ng pangalawang anak, hindi niya kayang magbayad para sa maternal healthcare, sa pribado man o pampublikong pasilidad para sa pangangalagang pangkalusugan, dahil masyado itong mahal.
“Iyong kinikita ng asawa ko, halos di magkasya— pambayad lang sa upa at sa mga gastusin ng pamilya. Kung kukuha ako ng antenatal check-up sa isang pribadong klinika, maaring umabot ng mga MYR 600 (katumbas ng €130) ang mawawala sa amin,” sabi niya.
Mga banta ng pag-aresto at pagkulong habang kumukuha ng pangangalagang pangkalusugan
Dagdag pa rito, ang Circular 10/2001 n g Ministry of Health ay nag-uutos sa mga healthcare provider na isuplong ang mga migranteng walang dokumento, tulad ng mga refugee at mga asylum seeker, sa pulis o sa immigration services. Dahil dito, ang mga refugee na walang mga dokumentong galing sa UNHCR ay nanganganib na maaresto at makulong habang sila’y nagpapagamot sa mga pampublikong pasilidad para sa pangangalagang medikal, lalo na kapag hindi sila makapagbayad ng mga medical fee, at ito’y nauuwi sa takot at kawalan ng tiwala sa mga public healthcare staff.
Ang iba pang mga hadlang upang makakuha ang mga refugee ng access sa maternal health care ay ang kakulangan ng kamalayan ukol sa kalusugan at ang hindi pagkakaintindihan dahil sa pagkakaiba ng wika. Ito ang mga pumipigil sa maraming nagdadalang-taong refugee na kumuha ng maternal healthcare. Ang iba’y kumukuha lamang kapag malapit na ang kanilang kabuwanan, o kaya’y hindi na talaga.
Upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga refugee at mga asylum-seeker sa Malaysia, ang Doctors Without Borders/ Médecins Sans Frontières (MSF) ay nagbibigay ng libreng pangunahing pangangalagang pangkalusugan at mga serbisyong kaugnay ng kalusugang pangkaisipan sa klinika nito sa Butterworth, sa mga mobile clinic sa Penang, at sa mga aktibidad nito sa mga immigration detention center.
Ang isang babaeng Rohingya na anim na buwan nang buntis ay tinitignan ng triage nurse sa Doctors Without Borders clinic sa Butterworth, Penang, bilang bahagi ng kanyang unang prenatal medical check up. Malaysia, 2022. © Kit Chan
Ang pagsuporta ng MSF sa mga refugee sa Malaysia
Ang Doctors Without Borders ay nagsasangguni ng mga pasyente sa mga secondary at tertiary healthcare at sumusuporta sa tumataas na bilang ng mga nakaligtas mula sa karahasang sekswal at karahasang batay sa kasarian. Kabilang rin dito ang mga biktima ng human smuggling, babae man o lalaki. Noong 2022, ang MSF team sa Malaysia ay nagsagawa ng 4,081 na konsultasyon ukol sa sexual at reproductive healthcare, tulad ng antenatal, postnatal care at family planning, sa klinika nito sa Penang.
Isinasangguni rin ng Doctors Without Borders ang mga pasyenteng refugee na hindi rehistrado ngunit may malaking pangangailangang medikal sa UNHCR upang mapabilis ang kanilang pagrehistro. Ang pagpaparehistro ang magbibigay-daan upang makakuha sila ng pangangalagang pangkalusugan.
Dumoble ang bilang ng mga konsultasyon ukol sa sexual at reproductive health na isinagawa ng Doctors Without Borders clinic staff. Mula sa 200 na konsultasyon kada buwan sa simula noong 2022, naging mga 500 na konsultasyon na kada buwan sa pagtatapos ng taon. Ito’y maaaring isang indikasyon ng napaunlad na kamalayan ukol sa mga sexual at reproductive health services na binibigay ng Doctors Without Borders sa mga babaeng refugee, ngunit maaari ding ito’y nangangahulugan na patuloy ang pagtaas ng pangangailangan ng mga babaeng refugee para sa maternal healthcare services.Dirk van der Tak, Head of Mission
Kailangang isama ang mga refugee sa pakikinabang sa mga serbisyong kaugnay ng pangangalagang pangkalusugan.
“May mataas pa ring bilang ng mga konsultasyon para sa mga late-in-term pregnancies (o mga nasa huling buwan ng pagbubuntis) sa aming mga klinika. Noong unang isang-kapat ng 2023, mga 15 na porsiyento ng aming mga isinagawang konsultasyon ay konektado sa teen pregnancies. Ito’y isa pa ring alalahanin dahil ang mga batang ina ay mas nanganganib na makaranas ng mga kumplikasyon tulad ng eclampsia (nakamamatay na mataas na blood pressure habang buntis), anemia, at may mas mataas na posibilidad din ng mga masamang kalalabasan tulad ng premature birth at stillbirth. Alam naming ang nakikita namin sa aming klinika na mga kabataang nagdadalang-tao ay isang maliit na bahagi lamang ng kabuuang bilang ng mga kabataang nangangailangan ng ganoong serbisyo.”
Bagama’t umakyat na ang bilang ng mga kumukuha ng antenatal consultations sa mga klinika ng Doctors Without Borders, ito’y maliit lamang na bilang kung ikukumpara sa kabuuang pangangailangan ng mga refugee sa bansa para sa kanilang reproductive health.
May 183,790 na mga refugee at mga asylum-seeker na nakarehistro sa UNHCR sa Malaysia hanggang sa pagtatapos ng Enero 2023. 34 na porsiyento nito ay mga kababaihan. Madami pang mga refugee sa komunidad na nangangailangan ng pangunahing pangangalagang pangkalusugan. Kaya naman, dapat isama ang mga refugee sa mga makikinabang sa serbisyong kaugnay ng pangangalagang pangakalusugan upang matiyak na mayroon silang access sa ligtas, sapat at murang maternal healthcareDirk van der Tak, Head of Mission
Ang Doctors Without Borders/Médecins Sans Frontières (MSF) ay nagbibigay ng pangunahing pangangalagang pangkalusugan, mga serbisyo para sa kalusugang pangkaisipan, at mga pagtugon sa karahasang sekswal at karahasang batay sa kasarian sa mga refugee at mga asylum-seeker sa Malaysia mula pa noong 2015. Noong 2018, nagtatag ang Doctors Without Borders ng klinika sa Butterworth, na sa kasalukuyan ay tumutulong sa 900 hanggang 1,000 na pasyente kada buwan.
* Ulat mula sa United Nations High Commissioner for Refugees (UNHCR) na pinamagatang "Maternal Health Among Refugees and Asylum-Seekers in Malaysia: An Assessment of Policies, Services and Barriers." Ang ulat na ito ay inilathala noong Hunyo 2020.
** Pinalitan ng pangalan ang pasyente para sa kanyang proteksyon