Skip to main content

    Nakasisiglang mga Refugee, Nagbahagi ng Kanilang mga Positibong Karanasan sa Pagtira sa Malaysia sa Kabila ng Maraming Hamon

    refugees talk about positive experience in malaysia

    Mga Boses ng Katatagan: Apat na matatapang na refugee ang nagbahagi ng kanilang mga kuwento ng buhay at pag-asa, at nagbigay-liwanag sa mga hamon at tagumpay ng buhay sa Malaysia.

    Makikita sa kanilang mga kuwento ang kanilang pambihirang katatagan at lakas, at kung paanong ang kabaitan ng mga taga-Malaysia ay nakatulong sa kanilang malampasan ang mga pagsubok na kanilang naranasan.   

    Abu Bakkar

    Ikinuwento ni Abu Bakkar, isang 36 taong gulang na Rohingya refugee mula sa Myanmar, ang kanyang paglalakbay patungong Malaysia, at ang mga dinanas niyang paghihirap noong dumating siya sa bansa noong 2013.  Ayon sa kanya, naging mahirap ang mga unang buwan dahil hindi niya mahanap ang mga mapagkukunan ng mga pangunahing pangangailangan, at hindi pa siya sanay sa mga pagkakaiba ng kanilang kultura.  

    Buti na lang, sa tulong ng lokal na komunidad, nalampasan din ni Abu Bakkar ang mga hamong iyon.    

    "Unti-unti kong naging kasundo ang aking mga kapitbahay sa komunidad kung saan ako namalagi. Tinulungan ako ng lokal na komunidad. Nakatutuwang binibigyan nila ako ng pagkain," sabi niya. 

    Dagdag pa niya, hindi naman niya piniling maging refugee. Napilitan lang siya dahil sa sitwasyon. “Pumunta ako rito upang umiwas sa kamatayan.  Hindi naman kami mahihirap noong nasa Myanmar kami, mayroon kaming mga negosyo, hanapbuhay, at sariling bahay. Gustong-gusto kong makabalik sa sarili kong bayan at makasama muli ang aking pamilya.”  

    Sa ngayon, mananatili munang isang pangarap lang ang araw kung kailan makakabalik siya sa kanyang sariling bayan. 

    Abu Bakkar
    "Kung di ako umalis ng Myanmar, patay na ako ngayon. Pumunta ako rito dahil naghahanap ako ng kaligtasan. Gusto kong pasalamatan ang mga taga-Malaysia, napakabuti ng kanilang kalooban."
    Abu Bakkar, isang Rohingya refugee

    Hajrah

    Ibinahagi naman ng 19 na taong gulang na si Hajrah, isang refugee na sa Malaysia na ipinanganak, ang kuwento ng katatagan ng kanyang pamilyang Rohingya. 

    "Tatlumpung taon na ang aking pamilya sa Malaysia. Nilisan namin ang Myanmar dahil sa nagaganap na kaguluhan doon," matatas niyang paliwanag, gamit ang wikang Bahasa Malaysia. 

    Marami nang napagdaanang paghihirap si Hajrah. Kabilang na rito noong naghiwalay ang kanyang mga magulang at ang mga hamong pinansiyal na hinarap ng kanyang pamilya. Ngunit dahil dito’y nadama niya ang pagiging bukas-palad ng kanilang mga kapitbahay na taga-Malaysia.

    Hajrah
    Isang araw, sinabihan na lang kami ng kapitbahay naming matandang babae na siya na lang ang magbabayad ng upa namin sa bahay, na hindi namin nababayaran ng lima hanggang anim na buwan. Sobra akong nagpapasalamat. Di ko malilimutan ang kanyang kabaitan.
    Hajrah, a Rohingya refugee

    Walang kakayahan ang kanyang pamilyang bayaran ang utang nila sa pinangungupahan, na pumapatak sa RM300 (mga US$ 65) kada buwan. 

    Isa pang nakakaantig na sandali ay noong inako ng mga kapitbahay ang  pambili niya ng baju raya (tradisyonal na damit) at sapatos para sa isang pagdiriwang. “Labis ko iyong ikinatuwa at hinding-hindi ko iyon makakalimutan,” sabi niya. 

    Muhib

    Sampung taon na ang nakararaan mula noong dumating si Muhib sa Malaysia. Ibinahagi niya sa amin ang kanyang mga karanasan bilang isang refugee na tumatakas mula sa karahasan sa Myanmar. 

    Sa pagmumuni-muni sa kanyang bagong buhay, ito ang kanyang nasabi. “Kaming mga refugee, pinapalipas na lang namin ang mga araw at ang buhay namin dito. May mga taong masama, pero meron din namang mabubuting taong tumutulong sa amin."    

    Sa kabila ng mga hamong kinailangan niyang harapin, at ng mga limitadong karapatan na ibinibigay sa kanila, nagpapasalamat pa rin si Muhib sa Malaysia. 

    Muhib
    Sa bansang ito ako nakahanap ng kaligtasan. Nagpapasalamat ako sa mga taga-rito. Mabubuti ang kanilang kalooban.
    Muhib, isang Rohingya refugee

    Ayon kay Muhib, noong kasagsagan ng pandemyang dulot ng COVID-19 at ipinatupad ang movement control order (MCO) sa Malaysia, malaking tulong na ang mga taga-Malaysia ay nagkusang mamahagi ng pagkain para sa mga Rohingya sa kanilang lugar.  

    Sa kabila ng mga positibong karanasang ito, inuudyok ni Muhib ang ibang refugee na huwag sa Malaysia pumunta dahil mahihirapan silang makakuha ng pangunahing pangangalaga rito. Isa pa, naiintindihan din daw niya kung bakit may ibang mga taga-Malaysia na hindi maganda ang pagtrato sa kanila. “Mabuti sana kung isa o dalawang araw lang kami rito, pero magiging tatlo, apat, limang araw, hanggang umabot na ng isang buwan, tatlong buwan, isang taon, sampung taon. Kung ako man ang nasa lugar nila, hindi ko rin ikatutuwa iyon,” sabi niya.    

    “Kung taga-rito ako, ganyan din ang mararamdaman ko. Bakit kayo nanggugulo sa amin, bakit kayo nagiging pasanin ng bayan namin? Sa kasamaang palad, wala naman kaming magagawa,” sabi niya habang patuloy na binbigyang-diin na ang pagpunta sa Malaysia ang sumagip sa kanyang buhay.   

    Shehnaz

    Medyo iba ang karanasan ni Shehnaz, na ngayo’y 25 taong gulang na, noong lumikas siya papuntang Malaysia sa taong 2015. Dumating siya sa bansa sakay ng isang eroplano, at hindi niya pinagdaanan ang karaniwang paglalakbay sa dagat na naranasan ng karamihan sa mga Rohingya.

    “Ipinanganak ako at pinalaki sa estado ng Rakhine sa Myanmar. Pumunta ako sa Malaysia noong 2015. Tumakas muna ako sa Myanmar at dumiretso sa Bangladesh. Siyam na buwan ako doon, at doon ko inihanda ang mga kinakailangang dokumento para sa pagpunta ko sa Malaysia,” sabi niya.  

    Hinihimok ni Shehnaz ang ibang mga refugee na ipagpatuloy ang pagbabahagi ng kanilang mga karanasan, dahil mahalagang iangat ang kamalayan ng lokal na komunidad ukol sa mga refugee.

    Kuwento niya, may mga nakausap siyang mga taga-Malaysia na nag-aakalang ang Rohingya ay isang bansa sa halip na isang grupong etniko. Ang mga maling akalang tulad nito ay maaaring itama kung ang lahat ay bukas sa pakikipag-usap. 

    Shehnaz
    Hindi ko maisusumbat sa mga taga-rito kung di nila kami kilala. Ngunit nakikiusap ako na buksan ninyo ang inyong mga puso at isipan upang kilalanin kami.
    Shehnaz, isang Rohingya refugee

    Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng kabutihan at pagsasaisip sa kapakanan ng iba upang maging mas madali at payapa ang buhay ng mga refugee.

    Sa Malaysia, nagbibigay ang Doctors Without Borders ng mahahalagang serbisyo para sa pangangalagang pangkalusugan mula pa noong 2015. Kabilang rito ang primary healthcare, suporta para sa kalusugang pangkaisipan, at pagtugon sa mga biktima ng karahasang sekswal at karahasang batay sa kasarian.  Noong 2018, nagtayo ang Doctors Without Borders ng klinika sa Butterworth, na ngayo’y tumutulong sa 900 hanggang 1,000 na pasyente kada buwan. Nagpapatakbo rin ang Doctors Without Borders ng mga mobile health clinic sa Penang,at ng mga aktibidad sa mga detention centre.  

    Categories