Ang krisis sa klima ay isang pangkalusugan at humanitarian na krisis
Ang climate emergency ay isa sa mga pangunahing banta sa kalusugan ng milyon-milyong tao sa buong mundo, at ang mga mahihinang komunidad ang pinakanaaapektuhan nito. Noong 2024, ang mga team ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) ay tumugon sa mga mapangwasak na baha sa West Africa at South Sudan, sa paulit-ulit na mga bagyo sa Madagascar at sa Pilipinas, at sa matitinding heat wave at tagtuyot sa Horn of Africa. Sa Sahel, napuspos ang mga nagbibigay ng serbisyong medikal para sa mga bata dahil sa nakamamatay na kumbinasyon ng malaria at malnutrisyon. Sa Chad, buong taon nang nagbibigay ang Doctors Without Borders ng paggamot at pagpigil sa malnutrisyon.
Ang nakaraang taon ay may pinakamainit na naitalang temperatura— ito ang ikasampu sa magkakasunod na taon ng painit na painit na mundo. Ayon sa Intergovernmental Panel on Climate Change (IPCC), halos 70% ng mga kamatayan sa mundo ay sanhi ng mga sakit na maiuugnay sa klima. Gayunpaman, nananatiling napakalimitado ng mga pagkilos upang labanan ito.
Ang sining bilang boses para sa klima at kalusugan
Bilang tugon, gagamitin ng Doctors Without Borders ang sining bilang isang makapangyarihang paraan ng pagpapataas ng kamalayan at pag-udyok sa pagkilos. Sa kantang “Oya” (na nangangahulugang “Tara Na!” sa ilang mga wika sa Nigeria), pinagsama-sama ang mga musikero at mga mananayaw ng West Africa upang maghatid ng isang malinaw na mensahe: kailangan na nating kumilos ngayon.
Ang inisyatibang ito ay matutunghayan sa isang music video kung saan tampok ang orihinal na komposisyon ni Mao Sidibé, at ang koreograpiang binuo sa isang sentro ng pagsayaw sa Senegal na kilala sa buong mundo, ang École des Sables, na itinatag ni Germaine Acogny.
“Sa pamamagitan ng artistikong pamamaraan, naipagsasama-sama ang iba’t ibang emosyon: kalungkutan, mabilis na pagkilos, pagsalungat, at pag-asa rin. Mas malakas kami kapag kami’y nagsama-sama,” paliwanag ni Mao Sidibé, ang kompositor ng kantang “Oya.”
Ang nagbigay ng inspirasyon sa mga titik ng kantang ito ay ang mga patotoo ng mga staff at pasyente ng Doctors Without Borders sa Niger, Cameroon, at Madagascar. Binibigyan nito ng boses ang mga komunidad na naaapektuhan ng krisis.
Binibigyang-diin ng proyekto ang isang mahalagang mensahe: ang pagbabago sa klima ay nagdulot ng mga banta sa kalusugan dahil sa paglaganap ng mga nakahahawang sakit, lumalalang matinding lagay ng panahon, at tumataas na temperatura.
“Lalong lalala ang mga problemang ito kung wala tayong gagawin. Kailangan nang kumilos ngayon upang mapigilan ang mga pinakamalalang kahihinatnang pangkalusugan at humanitarian ng krisis sa klima,” sabi ni Dr. Tshialala. “Sa pamamagitan ng sining, nais naming ipaalala ang mga tao na mayroon pang pag-asa – kung tayo’y kikilos na.”
“Ang pagpapanatili ng temperatura ng mundo na mas mababa sa 1.5°C ay napakahalaga upang maiwasan ang mga pinakamalalang pangkalusugan at humanitarian na epekto ng pagbabago ng klima," sabi ni Stephen Cornish, ang General Director ng Doctors Without Borders. “Kailangang dagdagan ang tulong na ibinibigay sa mga pinakanaapektuhang bansa upang makaya nilang harapin ang mga kahihinatnan at maprotektahan ang kalusugan ng mga tao.”
Behind-the-scene of the "OYA" music video
Nagtanghal si Mao Sidibé (nasa gitna, naka-itim) kasama ng mga mananayaw mula sa École des Sables Dance Company sa ilalim ng isang puno ng baobab sa Sindia, para sa music video ng "Clima Yaakaar." Senegal, 2025. © Sylvain Cherkaoui
Nagtanghal ang mga mananayaw ng Ecole des Sables sa shoot ng music video para sa "Clima Yaakaar" malapit sa Lac Rose. Senegal, 2025. © Sylvain Cherkaoui
Nagtanghal ang Def Mama Def sa shoot ng music video para sa "Clima Yaakaar" malapit sa Lac Rose. Senegal, 2025. © Sylvain Cherkaoui
Ang mga mananayaw na nakasuot ng mga tradisyonal na kasuotan ay nakikisalamuha sa mga stilt walker sa shoot ng music video para sa "Clima Yaakaar" sa Reubeuss, Dakar. Senegal, 2025. © Sylvain Cherkaoui
Nagtanghal ang mga mananayaw ng Ndaorabin Lebou sa shoot ng music video para sa "Clima Yaakaar" sa Reubeuss na distrito ng Dakar. Senegal, 2025. © Sylvain Cherkaoui
Paano nagdudulot ang krisis sa klima ng mga pangkalusugang emergency sa buong mundo?
Ang pagbabago sa klima ay hindi lang isang isyu na kaugnay ng kapaligiran. Ito’y isang lumalalang pangkalusugan at humanitarian na krisis. Sa iba’t ibang bahagi ng mundo, nararamdaman ng isang komunidad ang mga mapangwasak na epekto nito. Kung walang kikilos agad upang mabawasan ang mga greenhouse gas emission, mas lalala pa ang sitwasyon.
Sa maraming bansa kung saan nagtatrabaho ang Doctors Without Borders, nasasaksihan ng aming mga team ang mga kinahihinatnan ng krisis sa klima. Ginagamot namin ang mga pasyenteng nagdurusa mula sa mga epekto ng emergency sa klima, mga kondisyon na tuwirang maiuugnay o pinalalala ng pagbabago sa kapaligiran.
Kabilang rito ang mga nakahahawang sakit na dala ng mga insekto tulad ng malaria, o ang mga dala ng tubig tulad ng diarrhoea, na parehong sanhi ng umaakyat na temperatura at nagbabagong gawi ng pag-ulan. Nakakita rin kami ng pagdami ng mga kaso ng malnutrisyon dahil sa mga matagal na tagtuyot, at nakatugon sa sukdulang lagay ng panahon tulad ng mga pagbagyo at pagbaha, na nagiging mas madalas at mas malala. Sa pagtindi ng pag-init ng mundo, lumulubha ang mga epekto ng pagbabago ng klima sa kalusugan.
Umakyat na ng 1.3°C ang temperatura ng mundo. Kapag tumaas pa ito kahit kaunti lamang, ito’y magdudulot na ng mga kalunos-lunos na kahihinatnan para sa milyon-milyong tao sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Habang ang mga organisasyong humanitarian tulad ng Doctors Without Borders ay patuloy na tumutugon sa mga emergency, hindi mahahalinlinan ng aming mga pagtulong ang kagyat na pagkilos ng mga pinuno ng estado at ng lipunan. Ang mga mapapanatiling solusyon ay nangangailangan ng kolektibong paninindigan at pagkilos ng mga pamahalaan, mga mambabatas, at ng lahat sa atin, upang mapigilan ang mga lumalalang krisis sa klima at sa kalusugan.