Skip to main content
SA KASALUKUYAN DRC: Naghahanda ang Doctors Without Borders para sa malawakang pagtugon sa outbreak ng Ebola Magbasa pa

    Madagascar: Lumalalang krisis sa klima, hinarap ng mga komunidad sa dalawang bagyo

    The land still flooded after the passage of Cyclone Honde, Madagascar

    Hindi pa humupa ang baha mula sa pagragasa ng bagyong Honde. Madagascar, Marso 2025. © Nomena Tiavina Rajerison/MSF

    “Ang aming mga buhay ay nabulabog ng bagyong Honde. Noong Pebrero, isang buwan pa lamang ang nakararaan, tinamaan kami ng isa pang bagyo. Inaamin ko, mukhang ang aming kinabukasan ay magiging puno ng paghihirap,” pagtatapat ni Jean Biscotin, isang residente ng Behompy, isa sa pinakanasalantang rural commune sa rehiyon ng Atsimo Andrefana sa Madagascar. “Ang pinakakinatatakutan ko ay ang posibilidad ng pagtama ng marami pang bagyo sa aming lugar.”  

    Pagkalipas ng dalawang linggo, ang bagyong Jude naman ang nanalanta sa timog na bahagi ng bansa.

    Ang bagyong Honde ay tumama sa mga rehiyon sa timog – sa Androy, Anosy, Ihorombe, Menabe, at Atsimo Andrefana – na may dalang mga hangin na 120 hanggang 165 km/h ang bilis. Pagkalipas ng dalawang linggo, dinaanan din ng bagyong Jude ang tatlo sa mga rehiyong ito at nag-iwan ng halos 200,000 na taong apektado, nagdulot ng pagkawala ng tirahan ng mahigit 46,000, at naging sanhi ng 13 na pagkamatay. Ang pagbaha at ang mga malalakas na hangin ay puminsala sa kritikal na imprastruktura at inilubog ang libo-libong ektarya ng mga pananim.

    “Ni hindi ko mailarawan kung gaano kahirap ito para sa amin at kung gaano kami nagdurusa ngayon. Walang naiwan sa amin: walang pagkain, walang matitirhan,” sabi ni Nordine, isang magsasaka sa Behompy sa distrito ng Tuléar II. “Winasak ng mga bagyo ang aming mga lupain. Ang lahat ng aming ani na dapat ay kinakain na namin ngayon ay napinsala o natangay ng baha. Ang aming mga tahanan ay winasak din.” 

    Tulad ni Nordine, maraming mga pamilya ang nawalan ng lahat pagkatapos ng dalawang matitinding sakunang ito.

    Noong umpisa ng Marso, naglakbay ang mga team ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) patungo sa timog-kanluran na bahagi ng isla—isa sa mga pinakanasalantang lugar—upang tumugon sa mga kagyat na pangangailangan at gumawa ng pagtatasa ng kabuuang epekto nito sa kalusugan ng mga tao. Noong Marso 5, naglunsad ng mga aktibidad ang aming mga team sa distrito ng Tuléar II bilang pagtugon sa bagyong Honde, bago namin pinalawak ang aming mga pagsusumikap pagdaan ng bagyong Jude.

    Ang Tuléar II, na nasa rehiyon ng Atsimo Andrefana, ay isang lugar na lubhang nakabukod. Ito ay nakaranas ng matinding pinsala mula sa bagyong Honde at Jude. Naging mas mapanghamon pa ang pagpunta rito dahil sa mga matinding pagbaha at sa mga naharangang daan. Ang mga ito’y nagdulot ng pagkaantala ng paghatid ng tulong, lalo na sa mga bayang malapit sa dalampasigan. Inabot ang mga emergency team ng Doctors Without Borders ng halos tatlong araw upang madala ang mga relief supply mula sa kabisera, ang Antananarivo, patungo sa distrito.

    Habang sila’y naglalakbay papunta sa mga nasalantang lugar, nakita ng aming mga team ang pinsalang iniwan ng mga bagyo.

    “Palala nang palala ang kondisyon ng mga kalsada habang papasok kami sa isla,” sabi ni Narcisse Wega, ang Mission Chief ng Doctors Without Borders sa Madagascar. “Apat na araw matapos dumaan ang bagyong Honde, maraming mga kalsada ang nananatiling lubog sa tubig o nahahadlangan, kung kaya’t naging mahirap makarating sa mga pinakanasalantang lugar at maghatid ng tulong.” 

    “Pagkadaan ng bagyong Jude, kinailangan ng aming mga team na maghintay ng ilang araw bago pumalaot para maisagawa ang aming mga aktibidad sa timog-kanlurang baybayin dahil ang kalsada papunta rito ay hindi madaanan,” pagpapatuloy ni Wega. “Sa lakas ng mga hangin, hindi kami makatawid. Ang ilan sa mga pinakanasalantang mga komunidad ay 30 km ang layo mula sa Tuléar, at aabutin kami ng mga 30 na minuto ng paglalakbay lulan ng bangka.”

    Malagim ang mga kinahinatnan ng pagbaha at ng malawakang pananalanta ng mga bagyo.
    Alongside the communities in the southwest of Madagascar, MSF teams have conducted medical consultations after Cyclone Honde, Madagascar

    Sa tabi ng mga komunidad sa timog-kanluran ng Madagascar, ang mga team ng Doctors Without Borders ay nagsagawa ng mga konsultasyong medikal pagkatapos ng bagyong Honde. Isang mobile clinic ang itinayo sa mga rural commune ng Belalanda at Behompy upang sumuporta at magbigay ng pangangalaga sa mga biktima. Madagascar, March 2025. © Nomena Tiavina Rajerison/MSF

    “Napinsala ng mga bagyo ang solar power system na nagpapatakbo ng cold chain ng distrito, kung kaya’t natigil ang mga regular na pagbabakuna ng mga bata at naglantad sa kanila sa panganib”, sabi ni Wega. “Sa Ankilimivony, isa sa pinakanasalantang commune sa Tuléar II, nakakita kami ng isang sentrong pangkalusugan na natanggalan ng bubong dahil sa malalakas na hangin. Hindi ito maaaring magamit nang walang bubong,” sabi niya. “Dinala na lang ng mga lokal na health worker ang mga pasyente sa kanilang mga sariling bahay upang gamutin.”

    Sa loob ng apat na linggo ng mga aktibidad, walong mobile clinic ang itinayo sa pito sa pinakanasalantang commune—ang Behompy, Belalanda, Miary, Betsinjaka, Anakao, Beheloka, at Soalara Sud. Sa pamamagitan ng mga klinikang ito, nagbigay ang aming mga team ng pangangalagang medikal sa 2,817 na tao sa tulong ng mga lokal na awtoridad. Dagdag pa rito, namahagi rin kami ng mga pagkain at hygiene kit bilang suporta para sa 1,289 na kabahayan. Ang bawat pamilya’y nakatanggap ng pagkain, sabon, at water purification solution. Ang Doctors Without Borders ay nagbigay ng supplies sa health district ng Tuléar II upang tiyaking maipagpapatuloy ang paggamot sa mga kaso ng severe acute malnutrition na aming tinukoy sa aming mga mobile clinic. Nagbigay rin kami ng mga kagamitan para sa rehabilitasyon ng Ankilimivony health centre matapos dumaan ang bagyong Jude.

    Ang Madagascar ay isa sa mga bansang pinakananganganib dahil sa pagbabago ng klima. Taon-taon, mula Nobyembre hanggang Abril, ang bansang ito’y nahaharap sa sunod-sunod na mga bagyo na lalong nagpapahina sa mga dati nang mga marurupok na komunidad. Ang islang ito, na nasa Indian Ocean, ay regular na naapektuhan ng mga matinding kaganapan sa panahon, na lalo pang lumala dahil sa pagbabago sa klima. Mula 2022, 12 na mga tropical storm at mga cyclone ang humagupit sa isla at nakaapekto sa mahigit dalawang milyong tao at nakapagdulot ng malubhang pinsala.

    Sa timog ng Madagascar, isang rehiyong dati nang nagdurusa mula sa paulit-ulit na tagtuyot at sa limitadong access sa pangunahing imprastruktura, lalong pinalalala ng mga bagyo ang isang delikadong sitwasyon. Ang karamihan sa mga nakatira rito ay magsasaka, na ang kabuhayan ay nakasalalay sa mga kondisyon ng klima, at sila’y mahihina laban sa mga puwersa ng kapaligiran. Ang pagkalantad sa panganib na ito ay naobserbahan din sa distrito ng Ikongo sa rehiyon ng Fitovinany, kung saan ang Doctors Without Borders ay nagtatrabaho mula noong 2022.

    Bukod sa kasalukuyang emergency, ang mga sunod-sunod na kalamidad na ito ay may dalang mga alalahanin ukol sa kakayahan ng komunidad na harapin ang mga epekto ng pagbabago ng klima sa kalusugan ng mga tao at sa mga kondisyon ng kanilang pamumuhay.

    “Ang inaalala namin ay ang pagiging mas madalas na ng mga ganitong kaganapan,” sabi ni Wega. “Kung laging ganito, magiging mas mahirap na para sa mga komunidad na bumangon pagkatapos ng bawat sakuna.” 

    Mula noong nag-umpisa ang taon, pagkatapos ng isang kakaibang tagtuyot sa gitna ng panahong karaniwa’y tag-ulan, ang Madagascar ay humarap na sa tatlong bagyo at maraming mga yugto ng malalakas na pag-ulan. Kabilang rito ang ulan na naghatid ng mga pagbaha sa Antananarivo noong Pebrero 16 at Marso 22, kung saan ang aming mga team ay namahagi ng mga hygiene at food kit sa mga apektadong komunidad.

    Doctors Without Borders sa Madagascar

    Sa Madagascar, nakikipagtulungan ang Doctors Without Borders sa mga lokal na mga awtoridad upang tumugon sa mga epidemiological emergency at mga natural na kalamidad. Noong 2022, ang mga team ng Doctors Without Borders ay tumugon pagkatapos ng pananalanta ng bagyong Batsirai at Emnati; noong una’y tumugon kami upang suportahan ang mga apektadong komunidad, at sa kalaunan, upang gamutin ang mga tao para sa malnutrisyon. Ngayon, patuloy ang aming pagtatrabaho sa distrito ng Ikongo, sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga serbisyo para sa pangunahing pangangalagang pangkalusugan at ng paediatric services.


    Susuportahan mo ba ang aming emergency response?

    Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.


    Categories