Skip to main content
    Bentiu flood South Sudan 2021

    Ulan at baha

    Sa rehiyon ng Asya-Pasipiko, ang maalinsangang panahon ng tag-init ay sinusundan ng tag-ulan, na kakikitaan naman ng buhos ng ulan at malakas na hangin.

    Sa rehiyon ng Asya-Pasipiko, sanay na ang mga tao sa mainit at maalinsangang panahon ng tag-init na sinusundan ng tag-ulan, na kakikitaan naman ng buhos ng ulan at malakas na hangin.Ngunit nitong mga nakaraang taon, nasaksihan natin ang mga malaking pagbabago sa klima. Nitong 2024, nagdusa ang Timog Silangang Asya sa matinding init, at inaasahang kasunod nito ang mas malakas na pag-ulan, dahil sa La Niña. 

    Ano ang La Niña? 

    Ang El Niño at La Niña ay ang mainit at malamig na yugto ng isang paulit-ulit na pattern ng klima sa tropikal na bahagi ng Pasipiko— ang El Niño-Southern Oscillation, o “ENSO”.  

    Ito’y nagdadala ng mga pagbabago sa temperatura ng dagat, sa lakas ng hangin, at sa dami ng bumabagsak na tubig-ulan. Ang mga pagbabagong ito ay nakaaapekto sa lagay ng panahon sa iba’t ibang bahagi ng mundo.  

    typhoon rai odette intervention

    Dumating ang Bagyong Odette sa Pilipinas nung Disyembre 2021. © Chenery Lim/MSF

    Ang dalawang pangyayaring ito ay parehong nagsisimula sa Pacific Ocean, ngunit sila’y magkasalungat sa maraming aspeto. Pinapalamig ng La Niña ang tubig sa silangang Pasipiko, samantalang sa rehiyon ding iyon, pinapainit naman ng El Niño ang tubig. Kaya naman ang mga lugar na nakararanas ng tagtuyot sa panahon ng La Niña ay maaaring makaranas ng malakas na ulan sa mga taon ng El Niño.  

    Sa isang taon ng La Niña, ang mga hangin sa ibabaw ng Pacific Ocean ay mas malakas kaysa pangkaraniwan. Sa sobrang lakas ng hangin, naitutulak nila ang mainit na tubig-dagat papunta sa kanluran, patungong Indonesia. Dahil dito, maraming malamig na tubig ang umaakyat sa ibabaw ng dagat malapit sa South America.  

    Ano ang nangyayari kapag La Niña?  

    Bagama’t pangkaraniwan na ang pag-ulan at pagbaha sa rehiyon ng Asya-Pasipiko, nagdadala ang La Niña ng mas malakas na ulan kaysa pangkaraniwan, na maaaring maging sanhi ng mga pagbaha at pagguho ng lupa sa maraming lugar.  

    Paglakas ng ulan
    Mapaminsalang pagbaha

    Dahil sa La Niña, mas mababa kaysa normal ang air pressure sa Western Pacific. Ang mga low-pressure zone na ito ay nakadadagdag sa paglakas ng bumabagsak na ulan. Ang ulan na karaniwang kasabay ng summer monsoon sa Timog Silangang Asya ay mas malakas kaysa normal, lalo na sa hilagang kanlurang India at Bangladesh.  

    Remote communities are even harder to reach after Cyclone Mocha. Myanmar, 2023.

    Sa itaas: Lalong mahirap maabot ang malalayong lugar pagkatapos ng Cyclone Mocha. Myanmar, 2023. © MSF

    Ang La Niña ay iniuugnay sa mga mapaminsalang pagbaha. Ang La Niña noong 2010 ay kaugnay ng isa sa mga pinakamalalang pagbaha sa kasaysayan ng Queensland, Australia. 

    Sa Pilipinas, nagbigay ng babala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) tungkol sa mas malakas kaysa normal na pagbagsak ng ulan, na maaaring magdala ng mga sakunang tulad ng mga baha at pagguho ng lupa. 

     huts submerged in rainwater at a village near Khipro, Sanghar, Sindh province. Pakistan, November 2022. © Asim Hafeez for MSF

    Sa itaas: Mga kubong nakalubog sa baha sa may Khipro, Sanghar, Sindh province. Pakistan, Nobyembre 2022. © Asim Hafeez for MSF

    Sa paglakas ng ulan at paglala ng mga pagbaha, dumarami rin ang mga banta sa kalusugan gaya ng diarrhea o pagtatae, malaria, dengue, at iba pa. 

    Paano maging ligtas

    Ang malakas na ulan at hangin at ang pagbaha ay inaasahan na tuwing panahon ng tag-ulan. Ano ang mga maaari mong gawin upang maging ligtas? 

    Maging ligtas sa pagbaha

    Nakatira ka ba sa isang bahaing lugar?   

    • May mga lugar kung saan maaaring magkaroon ng flash flood o biglaang pagbaha nang walang mga babala o mga senyales gaya ng maiitim na ulap o malakas na pag-ulan. Alamin kung may posibilidad na magkaroon ng flash flood sa inyong lugar. Kung mayroon, lumikas agad sa mas mataas na lupain. Huwag nang maghintay ng utos bago lumikas.

    • Bigyang-pansin ang mga sapa, kanal at iba pang mga lugar na madaling bahain. 

    • Magsuot ng matibay na sapatos upang makaiwas na masugatan o magtamo ng pinsala sa paa. 

    • Huwag tumawid sa umaagos na tubig. Anim na pulgada lamang ng rumaragasang tubig ay sapat na upang maitumba ang isang tao. Kung kinakailangan mong tumawid sa tubig, piliin ang bahagi nito na hindi malakas ang pag-agos.  Gamit ang isang patpat, alamin ang katatagan ng lupa bago ito tapakan. Tandaan: ang tubig-baha ay maaaring magdala ng mga nakahahawang sakit gaya ng leptospirosis, o di kaya’y ng mga nakalalasong kemikal.  

    • Huwag ilulusong ang sasakyan sa baha. Ang isang maliit na kotse ay kayang tangayin ng kahit isang talampakan lang ng tubig.  

    Maging ligtas sa bagyo

    Ang tropical storm, cyclone o isang typhoon ay maaaring magdala ng malalakas na ulan at  hangin, na maaaring mauwi sa iba’t  ibang panganib at pinsala. Karamihan sa mga pinsala ay dahil sa mga nahuhulog o tumatalsik na mga gamit (gaya ng mga telebisyon, lampara, salamin, istante ng mga aklat). Marami rin ang nasasaktan dahil sa pagbagsak mula sa kanilang kinatatayuan.  

    • Kung ikaw ay nasa loob ng bahay: Kapag bumabagyo, lumayo mula sa mga salamin, sa mga nakasabit na gamit, sa mga istante ng mga aklat, mga kabinet, at iba pang malalaking muwebles na maaaring matumba. Maging alerto sakaling may mahulog na mga light fixture, mga nakasabit na dekorasyon sa dingding, mga gamit mula sa matataas na istante at sa mga kabinet na madaling bumukas ang mga pinto.  
    • Kung ikaw ay nasa labas: Maging alerto sa mga panganib na kaugnay ng mga pinsalang dulot ng bagyo, gaya ng mga bitak sa aspalto, mga natumbang utility pole at nahulog na wire, mga baha, mga gumuhong overpass, mga nasirang tulay, at mga gumuhong lupa.  
    • Kung may kailangan kang puntahan gamit ang iyong sasakyan, maging alerto sa mga panganib na maaaring bunga ng matinding pinsala sa mga kalsada, mga tulay at mga lagusan. Maaari ring nagkaroon ng mga pagguho ng lupa at mga mudslide. 

     

    Maghanda ng isang emergency kit

    Emergency kit flood safety

    Ang pagbabago sa klima ay banta sa ating kalusugan, lalo na sa mga mahihina ang pangangatawan. Tinutulungan ng aming mga team ang mga apektado nito. Suportahan ang aming misyon.