Skip to main content
SA KASALUKUYAN DRC: Naghahanda ang Doctors Without Borders para sa malawakang pagtugon sa outbreak ng Ebola Magbasa pa

    North Gaza: “Ang pagkawasak ay ganap at malawakan. Hindi mailalarawan ang pinsalang nagawa rito.”

    A woman is carrying her child back home through the rubble in Gaza City.

    Sa kapitbahayan ng Shujaeyya sa Baghdad Street, Gaza City, karga-karga ng isang babae ang kanyang anak pauwi sa gitna ng mga gumuhong istruktura. Palestinian Territories, Setyembre 2024. © MSF

    Sina Mustafa Hassan Abu Hamada at ang kanyang pamilya ay nakatira sa kampo ng Jabalia sa hilagang Gaza noong ito’y salakayin kamakailan lang ng mga militar na Israeli, ganap ang pagkawasak ng siyudad, at di mabilang ang mga napatay at nasaktang sibilyan, kabilang na ang mga staff ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF). 

    “Pagdating namin sa Al-Awda Junction, ang mga taong nasa harap namin ay pinagbabaril kaya’t napilitan kaming umatras. Sabi namin, ‘Mas mabuti pang mamatay tayo sa ating sariling tahanan.’ Mas mamatamisin ko pang mamatay sa aking tahanan kaysa mawalan ng tirahan,” sabi ni Mustafa.

     At Al Saraya in Gaza City, people are sitting on the rubble of their destroyed home, with their tent set up across from the debris.

    Sa Al Saraya naman sa siyudad ng Gaza, nakaupo ang mga tao sa mga labi ng kanilang mga gumuhong tahanan. Sa di kalayuan, may tolda silang itinayo sa gitna ng mga labi. Palestinian Territories, Nobyembre 2024. © MSF 

    Sa hilagang Gaza, mula pa noong Oktubre 6, 2024 ay nagsasagawa ang mga militar na Israeli ng pagsalakay. Ito ay isang malinaw na halimbawa ng brutal na pakikidigma na ginagawa ng mga puwersang Israeli sa Gaza, at nasaksihan namin ang pagkawala ng lahat ng mga Palestino sa lugar na iyon. 

    “Noong dumating ang mga puwersang Israeli, nanatili kami roon ng mga isa hanggang dalawang oras bago nagsimula ang pagpapaulan ng mga shell mula sa iba’t ibang direksyon,” sabi ni Sabah Al-Sharawi na nasa kanyang tahanan sa Beit Hanoun, Northern Gaza, noong ito’y pinatamaan ng isang airstrike.

    “Tumama ang unang shell sa sala namin. Natamaan ang aking mga binti,” sabi niya. “Dinala nila kami sa Kamal Adwan Hospital”.

    MSF nurse is tending to a child patient's dressings at the clinic in Gaza City.

    Pinapalitan ng isang nars ng Doctors Without Borders ang dressing ng sugat ng isang batang pasyente sa isang klinika sa siyudad ng Gaza. Pagkatapos patamaan ang kanilang bahay sa Beit Hanoun, nagtamo ang batang babae ng mga pinsala dahil sa pagkasunog. Palestinian Territories, Disyembre 2024. © MSF

    “Habang papunta roon, nakita naming nagkalat ang mga bangkay sa daan. Nginangatngat na ito ng mga aso. May mga drone din akong nakita sa may itaas namin, at may isang helicopter na umiikot sa himpapawid.”

    Mula sa Kamal Adwan ay dinala si Sabah sa siyudad ng Gaza kung saan siya ngayon ay nakatatanggap ng paggamot para sa kanyang mga sugat sa Doctors Without Borders Gaza Clinic. 

    “Noong napatay ang aking anak, umalis na ako. Hindi ko na siya nakita noong kanyang mga huling sandali. Ganoon din sa iba kong mga mahal sa buhay. Umalis ako nang hindi sila nakikita,” sabi ni Sabah. 

    Bukod sa mga pinsalang idinulot ng walang patid na pagsalakay, libo-libong tao rin ang nawalan ng access sa pagkain, tubig, at pangangalagang pangkalusugan sa hilagang Gaza. Kalunos-lunos ang mga naging epekto ng mga pangyayaring ito lalong-lalo na sa mga nakatatanda, mga bata at mga taong may mga partikular na pangangailangan, kabilang na rito ang mga may kapansanan.

    On a rainy day in Gaza City, the surroundings of the MSF Clinic.

    Isang maulang araw sa Gaza City, sa paligid ng Doctors Without Borders Clinic. Palestinian Territories, Disyembre 2024. © MSF

    Ilang linggong isa-isang sinalakay ang mga ospital at sumailalim ang mga ito sa mga marahas na panloloob. Marami sa mga medical staff ang ikinulong, kasama rito ang isang staff ng Doctors Without Borders. Bilang resulta, kumaunti nang kumaunti ang bilang ng mga gumaganang ospital. Pagdating ng Enero 9, wala na ni isang ospital sa hilagang Gaza ang naiwan upang makapagbigay ng pangangalagang medikal sa mga taong nangangailangan. 

    Dagdag pa rito, mula noong Nobyembre 21, 2024, hindi pinahintulutan ng mga awtoridad na Israeli ang mga Doctors Without Borders supply truck na makapasok sa hilaga. Kaya naman, ang mga taong may mga kondisyong medikal, gaya ng mga nagtamo ng sugat dahil sa digmaan, ay halos walang access sa pangangalagang medikal. 

    Dahil ang sitwasyon sa hilagang Gaza ay hindi na kinakaya ng mga tao, marami ang nangahas na tumakas patungo sa siyudad ng Gaza. Sa aming klinika, lubhang dumami ang mga pasyenteng nangangailangan ng pangangalagang medikal. Bago ang Oktubre 2024, ang aming mga team ay nagsasagawa ng 600 na konsultasyon kada linggo. Ngunit sa pagsisimula ng mga marahas na pagsalakay hanggang Disyembre 2024, umaabot na ng mahigit 1,400 na konsultasyon ang isinasagawa namin kada linggo, at marami sa mga iyon ay kaugnay ng mga pinsalang dulot ng pagsunog. 

    Ngayon lang kami nakaranas ng ganito. 40 na taong gulang na ako, ngunit ngayon lang ako nakakita ng ganito katinding sagupaan. Naapektuhan ng digmaang ito ang maraming aspeto ng aming buhay. Wala kaming mainom na tubig. Hindi sapat ang pagkain. Lubhang nakadudurog ito ng puso.
    Mohammed Wadi, Deputy Medical Coord.


    Susuportahan mo ba ang aming emergency response?

    Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.


    Categories