Kaginhawaan mula sa pansamantalang ceasefire: Ang pinag-ibayong makasagip-buhay na tulong ay kailangan nang pumasok sa Gaza ngayon
Sinusubukan ng isang babae at ng kanyang mga anak na halukayin ang kanilang mga kagamitan sa ilalim ng mga gumuho sa Palestine Junction sa Naser Street, Gaza City. Palestinian Territories, Nobyembre 2024 © MSF
Bagama’t ang pansamantalang pagtigil ng mga labanan at pagbobomba ay dapat pahalagahan, ito ay simula pa lamang ng pagtugon sa mga napakalaking pangangailangang humanitarian, sikolohikal, at medikal sa Gaza. Kailangang wakasan na agad ng Israel ang pagbangkulong nito sa Gaza at tiyaking lubos na pag-ibayuhin ang pagpasok ng humanitarian aid at paghahatid nito sa iba’t ibang bahagi ng Gaza upang makapagsimula na ang daan-daang libong mga tao sa kanilang pagbangon mula sa kanilang desperadong pamumuhay.
Kasama sa mga idinulot ng kahindik-hindik na digmaang ito ang ganap na pagkawasak ng mga tahanan, ospital at mga imprastruktura; ang pagkawala ng tirahan ng milyon-milyong taong nangangailangan ng tubig, pagkain, at masisilungan ngayong tag-lamig. Ang malaking kapinsalaan ay nagdulot ng sakit at pagdurusa sa milyon-milyong tao sa Gaza Strip, habang maraming mga pamilya sa Israel ang patuloy na desperadong naghihintay para sa pagbabalik ng kanilang mga mahal sa buhay na ginawang hostage noong Oktubre 7, 2023.
Mahigit labinlimang buwan nang umaapaw ang mga ospital sa mga pasyenteng naputulan ng mga braso o binti, o dumanas ng iba pang trauma mula sa mga panganib sa kanilang buhay dahil sa mga pagsalakay. Marami ring mga namimighating taong naghahanap ng mga bangkay ng kanilang mga mahal sa buhay. Sa digmaang ito, sinalakay ang mga pasilidad pangkalusugan at mga medical staff, at walong kasamahan namin sa MSF ang pinatay. Kahindik-hindik din ang laki ng bilang ng mga taong mula sa Gaza at West Bank na ikinulong nang walang katwiran.
Nananatili ang paninindigan ng MSF sa pagsusumikap nitong pag-ibayuhin ang pagbibigay pangangalaga para sa mga tao sa Gaza. Napakarami na ng mga pangangailangang humanitarian; ang pagtugon maging sa maliit na bahagi lang nitong mga pangangailangang ito ay posible lamang kung mabilis na lalakihan ang dami ng pumapasok na humanitarian aid at ipinamamahagi sa buong Strip. Nananawagan kami sa mga awtoridad na Israeli na pahintulutan ang pagpasok ng humanitarian aid sa Gaza, ang mga medical evacuation at ang access sa hilagang bahagi ng Gaza na nasa ilalim ng pagkubkob mula pa noong Oktubre 2024. Nananawagan din kami sa Israel, Hamas, at iba pang mga grupo at organisasyong may kontrol sa iba’t ibang bahagi ng Gaza, na igalang ang kasunduang ito, at tiyakin ang ligtas na paghahatid ng humanitarian assistance.
Binigo ng pamahalaang Israeli, ng Hamas, at ng iba pang mga pinuno ng iba’t ibang bahagi ng mundo ang mga tao ng Gaza, dahil sa hindi nila pagsang-ayon at hindi pagpapatupad ng isang pananatiliing ceasefire noong una pa lamang. Ang kaginhawaang dala ng ceasefire na ito ay hindi sapat upang makabangon muli ang mga tao, mabawi ang kanilang dignidad, at ipagdalamhati ang lahat ng namatay at ang lahat ng nawala sa kanila.
Susuportahan mo ba ang aming emergency response?
Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.