Skip to main content
SA KASALUKUYAN Ebola sa DRC: Doctors Without Borders, pinalalaki ang pagtugon sa mabilis na nagbabagong anyo ng outbreak Magbasa pa

    Gaza: Tinuligsa ng Doctors Without Borders ang pagpatay sa ika-14 na miyembro ng staff nito sa pagsalakay ng mga Israeli

    Doctors Without Borders flag. © iAko M. Randrianarivelo/Mira Photo

    Watawat ng Doctors Without Borders © iAko M. Randrianarivelo/Mira Photo

    Nais naming ipahayag ang aming matinding kalungkutan at galit sa pagpaslang na naganap, wala pang dalawang linggo pagkatapos patayin ng mga puwersang Israeli ang isa pa naming kasamahan sa Doctors Without Borders, si Hussein Alnajjar, sa Deir Al Balah. Nakikiramay kami sa pamilya at mga kasamahan ni Omar sa kanilang pagdadalamhati. Si Omar, 42 na taong gulang, ay ang ika-14 na kasamahan namin sa Doctors Without Borders na pinaslang sa Gaza mula noong Oktubre 7, 2023. 
     

    Si Omar ay isang tahimik na taong ubod ng bait. Siya ay nagpakita ng ganap na propesyonalismo sa trabaho. Mula Hunyo 2018 ay nagtrabaho siya bilang isang occupational therapist sa klinika ng Doctors Without Borders sa Gaza City. Inilaan niya ang kanyang buhay sa pagtulong na maibalik ang lakas at dignidad ng libo-libong mga pasyente.  

    Dati’y sa Gaza City siya namamalagi. Dahil sa walang humpay na pagsalakay at sapilitang pagpapaalis sa mga tao ng mga puwersang Israeli, na nagsasabing makahahanap ng kaligtasan ang mga tao sa timog, lumikas siya doon noong Setyembre 13. Ngunit sa halip na makahanap ng kaligtasan, kamatayan ang sinapit niya sa isang bus stop noong papunta siya sa kanyang trabaho.  Dahil pumanaw na ang kanyang ama at pinatay ang nakababata niyang kapatid na lalaki, si Omar lang ang inaasahang tagasuporta ng kanilang pamilya. 

    Omar Hayek

    Si Omar Hayek nagtatrabaho sa klinika sa Gaza City. Gaza, Palestine. © MSF

    Maraming mga healthcare worker, mga staff ng Doctors Without Borders, at mga miyembro ng kanilang mga pamilya ang nagtamo ng malubhang pinsala sanhi ng pagsalakay kaninang umaga. Kabilang sa mga staff ng Doctors Without Borders na nasaktan ay isang physiotherapist, isang orthopaedic surgeon, isang supply officer at isang finance assistant. Nasa kritikal na kondisyon ang isa sa aming mga staff dahil sa mga natamong sugat mula sa mga shrapnel

    Noong sila’y sinalakay, papunta ang aming mga kasamahan sa trabaho sa gitna ng nagaganap na kampanya ng mga Israeli na puksain ang lahi ng mga Palestino sa Gaza. Ang mga health worker sa Gaza ay pinagpapapatay, binantaan, o ikinulong. Kabilang rito si Dr. Mohamed Obeid, isang surgeon ng Doctors Without Borders na nakakulong pa rin hanggang ngayon kahit na wala namang pormal na isinampang kaso laban sa kanya. 

    Habang daan-daang libong mga tao ang patuloy na itinutulak mula sa hilagang bahagi ng Gaza papunta sa timog para sa tinatawag ng mga Israeli na kaligtasan, patuloy silang sinasalakay at pinapatay sa iba’t ibang bahagi ng Strip. Walang ligtas na lugar sa Gaza. Ang buong populasyon ay ginutom at kinubkob sa loob ng halos dalawang taon. Nananawagan kaming wakasan na ang pagdanak ng dugo, at itigil na ang genocide. Kailangan na ng ceasefire ngayon. 

    Categories