Gaza: Sinasakal ng kakulangan ng pagkain, gamot at gasolina na sinasadyang ipagkait ng mga awtoridad na Israeli
Mga taong nakapila para sa tubig matapos bumalik ang mga nawalan ng tirahan sa Khan Yunis at ng mga mula sa Rafah. Gaza, Palestine, 2025 © MSF
Gaza, 19 Hunyo 2025 – Ang mga Palestino ay laging nasa bingit ng pagkawala ng paraan upang makakuha ng mga mahahalagang pangangalagang medikal at malinis na tubig dahil sa mga sinasadyang pagkilos ng mga awtoridad na Israeli. Nagtatakda ang patakaran nila ng limitasyon sa mga pumapasok na medical supplies at gasolina sa pinakamababang dami nito, ayon sa kanilang gusto. Habang ang estratehiyang ito ay nagpapalabas na pumapasok ang aid sa Strip, pinipigilan nito ang pagtugong humanitarian na umabot sa kahit man lang pinakakaunting kinakailangan para sa isang populasyon na ganap na nakasalalay lamang sa aid. Kinakailangang wakasan na ng mga awtoridad na Israeli ang kanilang kolektibong pagpaparusa sa mga tao sa Gaza at agad na pahintulutan ang palagiang pagpasok ng sapat na medical supplies at gasolina.
Nitong nakaraang linggo, nakita namin ang pagdating ng maraming sugatang pasyente. Karamihan sa kanila ay nagdurusa dahil sa mga traumatikong pinsala. Sa field hospital ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) sa Deir Al-Balah, Central Gaza, ang bilang ng mga pasyenteng nabaril ay umakyat ng 190% kumpara sa bilang noong nakaraang linggo. Ang mga klinikang gaya ng nasa Khan Younis at Deir Al-Balah ay nakatanggap ng pinakamarami nilang pasyente sa ngayon. Matapos ang tatlong buwan ng ganap na pagbangkulong at sa kabila ng mga pahayag ng Israel na bukas na ang mga supply corridor, ang supplies ng Doctors Without Borders ay nasa kritikal na antas na dahil sa patuloy na paghihigpit sa mga pinahihintulutang pumasok.
“Lahat ay wala kami, mula sa medical supplies na kinokonsumo tulad ng mga gauze, hanggang sa mga gamot at pagkain para sa aming mga pasyente. Kabilang rin dito ang therapeutic food para sa mga taong may malnutrisyon, lalo na ang mga bata,” sabi ni Katja Storck, nursing activity manager sa Khan Younis.
Hawak ng mga bata ang kanilang mga walang lamang kaldero sa isang community kitchen sa Northern Gaza. Palestine, 2025 © Nour Alsaqqa/MSF
Kasama ng mahahalagang medical supplies, ang kakulangan sa gasolina ay lubos na inaalala ng mga taga-Gaza dahil kailangan ito sa pagpapatakbo ng mga desalination plant kung saan nagmumula ang malaking bahagi ng supply ng malinis na tubig. Malaki na rin ang nabawas sa mapagkukunan ng tubig ng mga Palestino sa iba’t ibang bahagi ng Strip. Kung walang gasolina, milyon-milyong tao ang mawawalan ng ligtas na inuming tubig. Gasolina rin ang nagpapatakbo ng buong sistema para sa pangangalagang pangkalusugan: ang mga kagamitang medikal, mga aircon, mga elevator, mga oxygen concentrator, mga ventilator, at ang cold-chain storage para sa mga gamot at mga bakuna. Pati ang mga ambulansya ay di magagamit sa pagdadala ng mga taong may kritikal na karamdaman, at ng mga taong sugatan.
“Kadalasan, ang mga bagong silang na sanggol sa mga neonatal intensive care unit ay masyado pang maliit upang makahinga nang walang tulong—kailangan nila ng mga ventilator at oxygen para mabuhay. Ngunit kamakailan lang, ang kakulangan sa gasolina ay naging sanhi ng pagkawala ng kuryente sa Al-Helou Maternity Hospital sa Northern Gaza nang ilang beses. Tuwing nangyayari ito, tumitigil ang pag-andar ng mga ventilator at pagdaloy ng oxygen, at agad na nalalagay sa panganib ang buhay ng mga sanggol,” sabi ni Amy Low.
Lahat ay wala kami, mula sa medical supplies na kinokonsumo tulad ng mga gauze, hanggang sa mga gamot at pagkain para sa aming mga pasyente. Kabilang rin dito ang therapeutic food para sa mga taong may malnutrisyon, lalo na ang mga bata.Katja Storck, Nursing Activity Manager
Kahapon, nakuhang muli ng UN ang 280,000 na litro ng gasolina na naipit sa isang no-go area sa Rafah, matapos tanggihan ng mga awtoridad na Israeli nang 12 na beses ang kahilingang maihatid ito sa Gaza. Dahil sa pagbaba ng supply ng gasolina, kinailangan ng mga team sa Al-Helou, kung saan nagtatrabaho ang Doctors Without Borders sa maternity ward, na pansamantalang isara ang mga elevator sa ospital.
“Ang pagpapahintulot ng paghahatid ng medical supplies at ng gasolina sa huling mga sandali bago ang paparating na sakuna ay parang paglalagay lamang ng band-aid sa isang sugat na bumubulwak na ng dugo. Dapat nang tigilan ang paggamit sa aid bilang sandata,” sabi ni Aitor Zabalgogeazkoa, ang emergency coordinator ng Doctors Without Borders sa Gaza. “Walang militarisadong pamamaraang binuo ng isang partido sa digmaan, gaya ng ating nasasaksihan sa Gaza Humanitarian Foundation, ang makahahalili sa magagawa ng mga independent humanitarian agency.”
Ang mga team ng Doctors Without Borders ay nakasasaksi ng mga kaganapang mistulang genocide sa Gaza. Ang mga malawakang pagpatay, pagwasak ng mga mahahalagang imprastrukturang sibilyan, at ang mga paghadlang sa pagpasok ng supply ng gasolina at sa paghahatid ng aid ay mga sinasadyang pagkilos. Sistematikong binubuwag ng Israel ang mga kondisyong kinakailangan ng mga Palestino upang mabuhay.
Susuportahan mo ba ang aming emergency response?
Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.