Gaza: Sa pagkawasak ng kanilang mga buhay at tahanan, di makabalik ang mga tao nang ligtas sa Rafah
Ambulansya saRafah city, timog na bahagi ng Gaza. Palestinian Territories, Enero 2025. © MSF
Pagkatapos ng 15 na buwan ng pakikidigma ng Israel sa Gaza, Palestine, at sa pagpapatupad ng ceasefire noong Enero 19, 2025, sinusubukan na ng mga Palestinong nawalan ng tirahan na bumalik sa kanilang tahanan sa timog na siyudad ng Rafah. Ayon sa United Nations, halos 70% ng lahat ng istruktura sa Gaza ay nasira o napinsala. (Pinagkunan: OCHA) Patuloy ang panawagan ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) para sa agaran at malaking pagdadagdag sa humanitarian aid.
“Ang mga serbisyong pangkalusugan, kasama ang iba pang humanitarian aid, at ang muling pagtayo ng siyudad ay kinakailangan para bumalik ang buhay sa Rafah. Masyadong delikado para sa mga tao ang bumalik sa karamihan ng mga lugar,” sabi ni Pascale Coissard, ang Emergency Coordinator Support ng Doctors Without Borders.
“Nang papunta kami sa dating Doctors Without Borders Shabboura Clinic sa Rafah, may nakita kaming batang nilalaro ang isang shell sa Mawasi area. Kahit wala na tayong naririnig na pagbobomba, hindi pa rin nawawala ang panganib.
Sinusubukan din ng mga taong itayong muli ang mga gumuho. Wasak ang Rafah. Nagiba ang mga bahay, mga tindahan, mga kalye, at mga pasilidad para sa pangangalagang pangkalusugan. Nagtamo rin ng mga pinsala ang sistema para sa kuryente at tubig. Hindi rin ligtas ang lugar dahil sa mga nakakalat na hindi pa pumuputok na mga armas sa mga gumuhong gusali. Taon pa ang bibilangin bago ito lubos na malinisan.
Noong Mayo 2024, ang Rafah ang may pinakamalaking bilang ng mga Palestinong nawalan ng tirahan sa Gaza Strip. Tinatayang may 1.5 milyong tao ang nakatira sa mga tolda at mga ginawang masisilungan. Sa gitna ng mga hindi makataong kondisyong ito, nakararanas ang mga tao ng panganib mula sa mga posibleng outbreak ng sakit, malnutrisyon, at mula sa epekto sa kaisipan ng ilang beses na pagkawala ng tirahan.
Ang mga team ng Doctors Without Borders na nagtatrabaho sa Rafah ay nagbibigay ng pangunahing pangangalagang pangkalusugan at suporta para sa kalusugang pangkaisipan sa klinika ng Shabboura at sumusuporta rin sa mga paediatric at maternity care sa Ministry of Health Emirati Hospital. Ngunit napilitan kaming wakasan ang aming mga ginagawa roon at umalis mula sa lugar matapos ang walang patid na pagbobomba at ang mga kautusan sa pagpapalikas mula sa mga puwersang Israeli. Ang dating banta lamang ng pagsalakay sa lupa ng mga puwersang Israeli ay kanilang isinakatuparan noong Mayo 6, 2024.
Ang mga pagkilos militar ng mga puwersang Israeli ay nauwi sa pagkawala ng populasyon ng Rafah, malawakang pagkawasak ng siyudad at ang pagsasara ng Rafah crossing, na lubusang nakahadlang sa paghahatid ng humanitarian aid sa kabuuan ng Strip. Ang Rafah ay naging tahanan din ng marami sa aming mga kasamahan sa Doctors Without Borders, ngunit napilitan silang iwan ito at lumipat sa ibang mga bahagi ng Gaza Strip.
“Masakit makita na ang lugar na dating masigla ay nawalan na ng buhay,” paliwanag ni Nadia Abo Mallouh na dating nagtatrabaho sa Emirati Hospital bilang Medical Coordinator Support ng Doctors Without Borders.
Ni hindi na namin makilala ang mga kalye kung saan naroon ang Emirati Hospital. Malungkot makita ang ospital na dati’y nagdadala ng buhay sa mundong ito, na ngayo’y wala nang laman at wala nang buhay, winasak nila ang lahat.Nadia Abo Mallouh, Medical Coord.
Ang Medical Coordinator Support ng Doctors Without Borders ay naglalakad sa gitna ng mga labi sa siyudad ng Rafah sa timog na bahagi ng Gaza. Palestinian Territories, Enero 2025. © MSF
Dahil sa pagkawasak ng mga imprastruktura, kulang na kulang ang mga makukuhang pangangalagang pangkalusugan at iba pang mga pangunahing serbisyo. Maraming mga taong nais bumalik sa Rafah ngunit hindi nila magawa sapagkat ganap nang nawasak ang kanilang mga tahanan – minsan pa nga’y ni hindi nila makilala ang kanilang mga tinirhang lugar. Matatagalan pa bago makabalik ang mga tao nang ligtas sa Rafah.
“Kahila-hilakbot makita ang Rafah nang ganoon; wasak na wasak ito,” kuwento ni Hadi Abo-Eneen, ang isang watchman ng Doctors Without Borders, na dati ring nakatira sa siyudad ng Rafah ngunit napilitang lumikas noong Mayo 2024. Noong idineklara ang ceasefire, binisita niya uli ang lugar.
“Habang naglalakad-lakad ako, umaasa akong may makikita akong kahit anong galing sa dati kong tirahan. Ngunit ganap ang pagkawasak ng mga bahay doon. Kagitla-gitla ito, sapagkat iyon ang buong buhay ko: ang aking tahanan. Naroon ang mga alaala ng aking pamilya, ng aking asawa, at ng aking mga anak. Ang aking mga pag-aari, mga damit, mga pinggan, mga alaala ng aking kasal: lahat,” pagpapatuloy niya.
Samantala, patuloy na namumuhay ang mga tao sa loob ng mga tolda sa Mawasi, isang lugar sa may tabing-dagat. Doon, wala silang maayos na masisilungan, wala rin silang access sa pagkain at tubig, at limitado ang mga nakukuha nilang mga serbisyo para sa pangangalagang pangkalusugan. Kasabay nito, ang mga Palestinong nakatira sa hilagang bahagi ng Gaza ay nahaharap sa mga parehong hamon matapos ang brutal na pagkubkob ng mga militar na Israeli kamakailan lang, na nag-iwan din ng ganap na pagkawasak sa kanilang siyudad.
Susuportahan mo ba ang aming emergency response?
Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.