Gaza: Pinaslang ng mga puwersang Israeli ang dati naming kasamahan sa Doctors Without Borders na si Abdullah Hammad
Watawat ng Doctors Without Borders © iAko M. Randrianarivelo/Mira Photo
Pinaslang si Abdullah ng mga puwersang Israeli habang naghihintay ng aid noong Hulyo 3. Sadyang pinuntirya ng mga puwersang Israeli ang isang grupo ng mga tao, kabilang rito si Abdullah, nang walang babala habang hinihintay nila ang pagdating ng mga trak na may dalang aid.
Noong Hulyo 3, si Abdullah Hammad, isang dati naming kasamahan sa Doctors Without Borders, ay pinaslang ng mga puwersang Israeli na pinuntirya ang isang grupo ng mga taong naghihintay sa mga trak na may dalang harina. Kuha ang larawang ito bago siya pinaslang. Nagtrabaho si Abdullah bilang hygienist para sa Doctors Without Borders sa klinika ng Al Mawasi sa loob ng isa’t kalahating taon hanggang noong Hunyo 30, 2025. © MSF
Hindi bababa sa 16 na tao ang pinatay, ayon sa mga medical team sa Nasser Hospital. Umaasa ang grupong makakuha ng harina mula sa isang aid truck sa Khan Younis, Southern Gaza, malapit sa isang desalination plant sa lugar, kung saan may nangyaring kaparehong insidente noong Hunyo 17. Si Abdullah ay isang hygienist na nagtrabaho sa klinika ng Al Mawasi sa loob ng isa’t kalahating taon hanggang noong Hunyo 30. Ang trahedyang ito ay ikinabigla at lubos na ikinalungkot ng Doctors Without Borders.
Nakikidalamhati kami sa pamilya ni Abdullah, kabilang rito ang kanyang kapatid na babae na si Zainab, at ang kanyang dalawang kapatid na lalaki, sina Karam at Bahaa, na nagtatrabaho rin para sa Doctors Without Borders, pati na rin ang lahat ng aming kasamahan sa Doctors Without Borders na nasa Gaza. Ipinagluluksa namin ang kanyang kamatayan at nakikiramay sa kanyang pamilya at mga kasamahan sa napakahirap na panahong ito. Bukod kay Abdullah, nawalan na ang Doctors Without Borders ng 11 na kasamahan mula noong Oktubre 2023. Hiningi naming wakasan ang pagdanak ng dugo.
Babala ukol sa nilalaman:
Pinahintulutan ng pamilya ni Abdullah ang paggamit ng larawang ito at hiniling na ito’y aming ibahagi.
Si Abdullah Hammad, isang dating kasamahan ng Doctors Without Borders ay dinala sa Nasser Hospital matapos mapaslang ng mga puwersang Israeli sa isang sinadyang pagsalakay sa mga taong sinusubukang makakuha ng pagkain mula sa mga aid truck noong Hulyo 3. © Mohammad Salama
Ayon kay Aitor Zabalgogeazkoa, ang Emergency Coordinator ng Doctors Without Borders sa Gaza:
“Noong Hulyo 3, gumawa na naman ang mga puwersang Israeli ng malawakang pagpatay. Pinuntirya nila ang isang grupo ng mga taong sinusubukang makakuha ng harina mula sa isang aid truck sa Southern Gaza. Sa nakabibiglang trahedyang ito, pinatay ang hindi bababa sa 16 na tao, kabilang na ang dating kasamahan namin sa Doctors Without Borders na si Abdullah Hammad. Ang bilang ng mga taong napatay ay malamang na mas mataas sapagka’t tumanggi ang mga puwersang Israeli na pahintulutan ang pagkuha ng mga bangkay mula sa lugar, at agad pinaalis ang ibang mga taong nais ding makakuha ng harina.
Ang matinding pangangailangan para sa pagkain sa loob ng Gaza ay hindi na maubos-maisip. Ang pagtugon ng mga ahensyang humanitarian sa mga malalaking pangangailangan ay hinihigpitan upang pinakakaunti ang kanilang maibibigay. Nililimitahan ng mga awtoridad na Israeli ang mga pagkilos at supplies, at lumikha rin sila ng bago at militarisadong pamamaraan ng pamamahagi ng pagkain na nanghihiya at nakamamatay. Tinutulak ng sistematiko at sinasadyang pagpapagutom sa loob ng mahigit 100 na araw sa pagkasagad ang mga Palestinong nasa Gaza. Kailangang tigilan na ang ganitong malawakang pagpatay.”
Ayon kay AbdAllah*, isa pang kasamahan namin sa Doctors Without Borders na nakaligtas mula sa pagsalakay ng mga Israeli sa mga taong kukuha sana ng aid sa Khan Younis, Southern Gaza, noong Hulyo 3:
“Pumunta kami sa Khan Younis dahil nabalitaan naming may mga dadating na mga aid truck doon. Nadatnan naming marami nang tao sa lugar. Sila ay maaaring pumasok sa limang trak na nakaparada, at kumuha ng anumang kaya nilang dalhin. Ngunit ang mga tangkeng [Israeli] ay nagsimulang umabante at nakita rin namin na marami nang sniper ang nagkalat sa lugar. Biglang umulan ng bala mula sa iba’t ibang direksyon. Ang lahat ng nakakuha na ng harina ay binaril sa ulo. Bumagsak sa lupa ang mga sako ng harina na nababalot ng dugo. Napakaraming nakahandusay na bangkay. Nahanap kami ng isang quadcopter sa ilalim ng mga labi ng isang bahay kung saan kami nagkukubli. Inutusan kaming itaas ang aming mga kamay at lumabas mula sa aming pinagtataguan. Sinabihan kaming 'hindi kayo puwedeng kumuha ng harina. Maglakad na kayo at huwag ninyong kunin ang mga bangkay o mga sugatan.' Hindi ito sinunod ng ibang mga tao, at narinig na lang namin ang pagputok ng mga tangke. Mga kabataan, nagbuwis ng buhay para sa isang sako ng harina.”
*Pinalitan ang kanyang pangalan para sa kanyang proteksyon.